Pagpapakatao, ni Roberto T. Añonuevo

Pagpapákatáo

Roberto T. Añonuevo

Mariposang lungti na binatikan ng dilaw-puti
ang kumakampay sa loob ng bolang kristal,
at kung ito’y malikmata ay hindi mahalaga.
Kumakampay ngunit hindi lumilipad,
ito sa wari mo’y ibig dumapo sa busangsáng
na rosal na nanánagínip, at malayang ihakang
magnanákaw, minsan pa, ng halik o nektar.
Marahil, isang lalaking masigasig ang bumaklay
sa dalawang bundok at siyam na batis
at naghanap din ng mga kakaibang kulisap,
para sa agham o kaya’y pansariling kaluguran,
ngunit ang nasalubong ay matandang alásip
na ang atibangáw ng mga bulóng ay kumakatok
sa puso at gulód,
o higit na tumpak, sa utak at dalamhati.
Ang ewritmikó ng huklubang tumatanaw sa iyo
ay malamig na simoy na lumulukob
sa ipinapalagay mo ngayong palad ng pag-ibig
na hubad sa anumang agam-agam at tákot.
Hihipuin mo ang mariposa sa iyong guniguni,
mababasag sa kisapmata ang bolang kristal
sa kung anong katwiran, ngunit kataka-takang
mabubuo kung hindi malulusaw sa mga kamay—
at sasagi sa iyo na ikaw ay akin, o kaya’y ako ikaw.
Alimbúkad: Epic poetry in motion. Photo by Leonardo Jarro on Pexels.com

Paglimot, ni Roberto T. Añonuevo

Paglimot

Roberto T. Añonuevo

Bálat kung turingan, isa ka ring isinaharayang bátik ng kasalanan, o bawal na fatek na katumbas ng kamuslakan o sinaunang pagkakamali, kung pagkakamali mang matatawag, kapag lumihis sa pamantayan ng mabuti, malinis, maganda pagkagat sa bunga ng karunungan. Ito ang patsada ng gunita, na paulit-ulit magbabalik, sa anyo ng peryodikong panaginip at ikinakasang sumpa ng madla, burahin man sa ngalan ng kumpisal ay triple kung sumipa hanggang gumulapay ka sa lupa at pag-aglahi. O kolektibong alaala ng siberespasyo! Ikaw ang nagpakilala sa akin ng karapatang limutin o lumimot nang tahimik at kay bilis, ang karapatang ibaon sa kawalan at hindi na muling magbalik pa kahit sa anyo ng tunog o alimpuyo ng alikabok. Hindi ko pag-aari ang identidad. Ang susi sa aking pagkatao ay nasa kamay ng kung anong korporasyon, ang susi na itinapon o nawaglit kung saan at maaaring hindi na, hindi na matatagpuan pa, at kung mahanap man ng sepulturero ng kasaysayan ay kalawangin, marupok, at hindi na maipipihit, kung hindi ako magpoprotesta upang patuloy umiral sa loob ng sarkopago, dili kaya’y maglaho nang nakangiti tungo sa ibang uniberso, sa ngalan ng modernidad at bumabagsak na umanidad. 

Alimbúkad: Poetry unthinkable in search of humanity. Photo by cottonbro studio on Pexels.com