Sumisinghap ang lumang imus Nang umahon sa aking balintataw, Ang imus ng mga anino at kabág, Tila ibig akong yakapin Bilang naturál at di-matatawarang Tungkuling walang ibang Makagaganap. Marahil, naroon ka at naglalakad At hinahanap ang mga mata Na sumasagap ng mundo— Parang ako na humihinga, Nagtatanong ng abo sa abo At kung nasaan, halimbawa, Ang singsing o katedral— At ang simoy na nilalanghap Ay kasingtamis ng matang-tubig Tungo sa magkabukod na dagat. Ang pananampalataya, Sa krisis na gaya nitong Walang katiyakan ang pantalan Sa destiyero o timawa At kaugalian ang kahangalan Sa harap ng mga deboto’t diktador, Kung ito’y hindi isang guniguni Ay ituring na pag-ibig ko sa iyo At nasa anyo ng antigong balangay Na tumitingala sa mga talampad, O kaya’y nagbábasá ng mga agos Sa pamamagitan ng talampakan Ng matandang hitano sa laot, Habang umaalon ang lawas sa ilalim Ng walang sinasantong ekwador.