Habilin sa mga Deboto, ni Sofia Bélizon

Habilin sa mga Deboto

Salin ng tula ni Sofia Bélizon ng Guyana

Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mundo sa aking palad ay kay gaan, ang mundo sa aking mapa ay kay liit; at kayo, na sa akin lumalapit, ay ako na inyong hinahagupit ng panalanging walang katuparan.

Mga bulaklak ng granada ang sumaboy sa aking daan. Mga bulaklak ng granada ang sumabog sa aking daan. “Ang puso ko’y umaapaw ang tubigang kulimlim at pinilakan . . . .”[*]

Ang daan ay hardin ng mga granadang nagkálat sa lupa. Hinog na granada, granadang malamuyot sa inyong dila. Ang mundo sa aking palad, malasin at mukhang prutas: Kay lambót kumbaga sa mamón, kainin at pamatay-gutom.


[*] Mga taludtod na hinalaw sa tulang “Caracola” ni Federico Garcia Lorca.

Alimbúkad: Epic poetry translation in transit. Photo by cottonbro studio on Pexels.com

Pumapatak, ni Sofia Bélizon

Pumapatak

ni Sofia Bélizon

Pumapatak, unti-unting pumapatak
ang sandali,
at ang sandali ay isang plato ang lawak.
Naroon ang piging na mailap sa isip;
wala roon ang gútom at pagkainíp.
Inaasam ko rin ang mga tag-araw
gaya noong naririto ka’t kay-init,
tumatawa nang di-alintana ang búkas
na kung minsan ay hatid ang siyam-siyam.
Parang umuusbong at namumukadkad
ang mga panaginip ng libong rosas,
tinatangay ang palayaw mo’t halimuyak
samantalang umaaligid ang mga bubuyog
na guniguning sumasaatin, sumasalahat.
Kung gaano kaikli ang panahon
ay gayon kahaba ang paghihintay nila
sa ating lalakarang harding walang hangga.
Ang panahon,
walang kahon kundi publikong bulwagan
o ang sulok na ano’t laging makulimlim.
Ang sandali,
walang hanggang yakap sa kawalang-
katiyakan, tila mariposang kumakampay
sa loob ng kay-linaw na bolang kristal.

Alimbúkad poetry revolution across the world. Photo by Cats Coming on Pexels.com

Mahal at Paruparong Takipsilim, ni Basuki Gunawan

salin ng dalawang tula ni Basuki Gunawan ng Indonesia 
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas


Mahál


Oo, alam kong
isa kang dalóm sa pusod ng dagat,
ang pook na ang pinilakang isda
ay tinitighaw ang gutom sa oras at espasyo
hanggang ang matira’y mga takupis na nakakálat.



Paruparong Takipsilim


Mga labì mo’y malambót at basâ
gaya ng basahang pansahig na kinuskusan
ng libong talampakang natutuwa
sa pagpasok sa silid ng kalibugan
na ang mga dingding ay tinatakpan ng alikabok
at ng alikabok lamang.

Alimbukad: Epic poetry translation project in search of humanity. Photo by Leeloo Thefirst on Pexels.com