Maraming modelo ng pagbasa ang maaaring ilapat sa mga tula ni Teo T. Antonio (alyas ni Teodoro Teodoro Antonio). Pinakamalapit na marahil ang Bagong Formalismong Filipino na ipinanukala ni Virgilio S. Almario. Taglay ng naturang teorya ang tatlong salik: una, ang paglingon sa kodipikasyon ng tulang Tagalog mula kina Fray Gaspar de San Agustin, Fray Francisco Bencuchillo, at iba pa hanggang kina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, at iba pa. Ikalawa, ang pagsisiyasat “sa matalik na anyubog ng teksto,” kabilang na ang mga sangkap at kasaysayan nito nang likhain; at siyang kaugnay “ng lunggati’t kalooban” ng autor. Ikatlo, ang paglilinaw sa mga batis ng tradisyon sa paraang batay sa naging kasaysayan ng mga panitikan sa Filipinas.1 Ang hakang pagsipat ni Almario ay maituturing na sanga ng Pinoy dialogics—kung makatwiran man ang gayong taguri—at sinusuri ang teksto “bilang interseksiyon ng sarisari at dinamikong puwersa na maaaring umimpluwensiya sa may-akda at bilang produkto ng mga pagpapasiya ng may-akda sa bawat salita, bantas, pangungusap, at puwang na ipinambuo sa teksto.”2
Sa dialogics3 ni Mikhail Bakhtin, produkto ng sari-saring tinig na pinaglangkap sa ilalim ng panlipunang saplot ng wika ang lahat ng indibidwal na pagpapahayag. Sinusuhayan ang nasabing pilosopiya ng metalinguistics, na nagsasaad namang ang bawat binibigkas ng tao ay “interseksiyon ng tiyak na layunin ng nagsasalita at ng aktibong pagtugon ng tagapakinig,” na pawang “binibigkis sa pamamagitan ng matatag, ngunit malimit na di-malay na uri ng pamamahayag.” Ang komunikasyon, kung gayon, ay hindi lamang basta pagpapadala ng mensahe. Nasa hanggahan ng kamalayan ng dalawang tao ang komunikasyon at ang pakahulugan, at ang salitang ginagamit nila’y “nakaugat sa lipunan at taglay ang nakalipas at hinaharap na mga tinig.” Kargado ng ideolohiya ang wika, at maituturing itong materyal.
Para kina Almario at Bakhtin, ang pagsusuri ng teksto ay hindi lamang nagwawakas sa sagisag (signifier), sinasagisag (signified), at tulay (referent), gaya ng matutunghayan sa mga paliwanag ni Ferdinand de Saussure, at siyang pinalawig ng kilusang deconstructionism nina Jacque Derrida at Paul de Man. Ang tatsulok na akda-autor-mambabasa, gaya ng sa retorikang unang binuo ni Aristotle ay masasabing binubuhay nina Almario at Bakhtin. Ang pagkakaiba lamang, isinasaalang-alang ni Almario ang katutubong poetika (o ang kaligiran) sa Filipinas. Ang teksto bilang anyo, saad ni Almario, ay masisipat na may kambal na salik. Una, ang “panlabas na kaganapan” na umiiral sa pandama; at ikalawa, “ang mga katangiang kaloob ng gunita’t haraya ng may-akda.” Maraming pagkakatangi sa mga teorya nina Almario at Bakhtin, ito ang matagal nang idinidiin ni Almario, ngunit mangangailangan yaon ng hiwalay na talakay.
Kailangang balikan sina Almario at Bakhtin sa pagsusuri sa lawas ng mga tula ni Antonio. Bumuo si Antonio ng lawas ng mga tula, na masisipat ang pananalinghaga sa pagsisimula sa niloloob ng tao tungong palabas sa lipunan; at magwawakas mulang palabas tungong paloob na pagdanas sa sarili at lipunan. Ang siklo sa mga tula ni Antonio ay nakatuon sa kaniyang “bayan” (i.e., Filipinas) na magsisimula sa kaniyang sinilangang lalawigan, maglalandas tungong lungsod at kung saan-saan, at magbabalik sa pinagmulan gaya ng matagumpay na mandirigma. Nakasalig sa mga tula ni Antonio ang kaniyang Tinubuang Bayan, ang dating Katagalugan na lunggati ng mga maghihimagsik ng Katipunan, at ang mga dalumat na mahirap na ngayong maintindihan ng bagong henerasyon ng Filipino na pinalaki sa MTV, hamburger, at selfon. Ang panukalang sipat na ito ay susuong sa poetika ni Antonio na kaniyang pinagyaman nang mahabang panahon, upang mailugar ang kaniyang teksto sa hulagway (panlabas) at anino (panloob) nitong tinataglay.
II
Gumigitna sa parisukat na parabula-paradoha at salawikain-satira ang matalinghagang biro ni Antonio mula sa kaniyang tinubuang lupa sa loob ng tatlong dekada ng kaniyang pagkamakata. Ang nasabing biro ay “bato-bato sa langit” na ikangingitngit, kung hindi man ikahahagikgik, ng sinumang makababatid ng singit at likaw ng kaniyang isip at pamamaraan ng pagsasabi nang tapat. Maiisip na may bahid ng katotohanan ang naturang biro—na maaaring seryosohin o isantabi o sakyan na lamang—alinsunod sa antas ng kaalaman, pagsagap, at reaksiyon ng mga mambabasa sa mga pahiwatig na inugat ng makata sa kaniyang kinalakhang bayan. Isang paraan ng pag-arok sa lupain ng talinghaga ni Antonio ang pagbabalik sa kaniyang labindalawang aklat ng mga tula, at ang pagbusisi sa mga dalumat na kaniyang nilinang saka pinalawig at pagkaraan ay itinanghal sa ating lahat.
Sa unang kalipunan ng mga tula ni Antonio, ang Biro-biro kung Sanlan (1982), kinasangkapan niya ang katutubong saplot mula sa mga taal na awiting-bayan, kawikaan, at paniniwala ng Tagalog at siyang isinuot sa kontemporaneong anyo ng panulaan. Mula roon ay magpapakana siya ng subersibong pagtatahi-tahi ng kaisipan, batay sa tinaguriang modernismo’t aktibismo noong mga dekada sitenta at otsenta habang matiim na isinasaalang-alang ang halina ng nauupos na bisa ng balagtasan at iba pang tradisyong pabigkas. Nakapaloob ang himig na binuo ni Antonio sa balangkas ng awit, dalít, tanaga; at sisingitan kung minsan ng mala-soneto, villanelle, at malayang taludturan. Ang paggamit ng sukat na gansal ni Antonio, halimbawa, ay maihahakang isa nang pagtatangka na lumihis sa naging paborito noong lalabindalawahing pantig ng awit.4 Mababanggit ang “Buntong-hininga” na pipituhin ang sukat ng pantig: “Isda sa kilawkilaw/ di mahuli’t may pataw./ Ngayon pag lumalangoy/ may baklad na susukol.”5 Gagamit siya ng tugmaang isahan, sunuran, at salitan samantalang handa ring magpasiklab sa pagpapamalas ng tugmang dalisay, tudlikan o pantigan, bukod pa sa paggamit ng ibang elemento ng retorikang nasagap niya sa pagbabasa’t pakikipagbarkada sa mga makatang kapanahon niya. Maipagyayabang ni Antonio ang ikalawang saknong ng “Ang Mutya kong si Perfecta” na taglay ang tugmang dalisay:
Natutukso ako’t parang may suplína,
Sukatin kung ako’y merong disiplína.
Nasanay na akong nababartolína
Ang laya ng gunam na nanghahalína.
Ang pader at rehas ay bukal at mína
Niring talinghagang amoy-gasolína.
6
Higit pa sa tugma at sukat ang dapat pagtuonan sa tula ni Antonio. Sa awiting-bayang “Doon Po sa Amin” na ginagad ng makata, ang “San Roque” ay naging “Panique” na tumutulay sa hanggahan ng totoo o dili kaya’y maalamat na pangyayari. Pabaligho ang salaysay sa unang saknong, itinulay sa ikalawang saknong na masasabing gusot ng kuwento, at magiging resulta ang ikatlo’t pangwakas na saknong. Metonimiya ang susi sa pagtuklas ng buong estruktura ng bulok na sistema; at ang babaeng ginahasa’t niluray ang puri ang luray na puri din na tataglayin ng Panique. Dahop sa hustisya ang nasabing pook, ayon sa tula, at kaya maiisip na metonimiya ang Panique sa malawak na lipunan (i.e., Filipinas). Lalampas sa tradisyonal na pagpapakahulugan ang “Doon Po sa Amin,” lilihis nang kaunti sa mga varyant nitong awit, habang makakargahan ng pambihirang dupil na panretorika ang Panique. Pansinin, halimbawa, ang adnominatio sa una’t ikalabing-isang taludtod, na magiging kaugnay ng repotia sa una hanggang ikatlong mga saknong. Magsisilbing expolitio ang ikatlong saknong kung itatambis sa unang saknong. Sa madali’t salita’y ang “Panique” bilang maalamat na “paniki” ay iiral sa dilim, at gaya sa mga kuwentong-aswang at bampira, ay daragit at pagdaka’y sasaid sa dugo ng muslak, mortal na dalagang birhen.7
Ambidekstrong mailalahok ni Antonio ang kaisipang suwail sa kawa ng katutubong dalumatan, habang tumatagal. Malulutong ang kaniyang pasaring at pahaging sa nangingibabaw noong utak-kolonyal, kolonyalista, at kolonya ng mga api’t sawimpalad. Halimbawa, nagsasagutan ang “Bahay-Kubo” at “Pen pen de Sarapen” kung ihahambing sa nagsusuhayang “Kasal ni Kikay,” “Ako’y Ibigin Mo,” at “Sinisinta Kita.” Magpapanukala naman ng pagbalikwas ang “Walang Matimtiman” at “Ale, Ale” kung itatambis sa mapanudyong “Aling Fidelina” at sa mapagpatawang “Si Kulasa at ang Senyor.” Paninimbang sa subteraneong paniniwala ang “Isang Pagtanaw sa Pamahiin,” “Ikatlong Sindi ng Sigarilyo,” at “Santigwa” kung itatagis sa mapusók na pag-usig ng “Duwende,” “Kapre,” at “Wala raw Silang Alam sa Pulitika.” Ang maganda’y hindi nangimi na kasangkapanin ni Antonio ang anumang hiblang kaugnay sa malig ng Tagalog-sa masining na paraan at sa paraang umiiwas maging manipesto lamang ng propagandistang kilusan-at nang maitanghal iyon sa panahong halos mabura na sa gunita ng sambayanan ang katutubong pagtula.
Makikitid ang taludtod ngunit siksík at binúli sa mapanudyo’t masisteng pahiwatig ang Biro-biro kung Sanlan. Walang itulak-kabigin ang bawat tula, solido ang estruktura ng kalipunan, at komplementaryo kahit ang mga bukanang paliwanag ng mga makatang Mike L. Bigornia at Romulo A. Sandoval. Likás kay Antonio ang abakada ng tugma at sukat, talinghaga, kariktan, at kaisipan sa panulaang Tagalog kung pagbabatayan ang mga aral ng mga kritikong sina L. K. Santos at I. E. Regalado. Tila nasagap niya ang agimat ng kaniyang amang si Emilio Mar. Antonio-na naging prinsipe at pagkaraan ay kinilalang Hari ng Balagtasan makalipas yumao noong 1950 si Florentino T. Collantes-sa paghabi ng tula. Gayunman ay nakaahon na ang nakababatang Antonio sa dating kinabalahuang pananalinghaga ng mga Balagtasista. Gagamitin niya ang kumbensiyon sa panulaang Tagalog upang pagkaraan ay suwayin ang mga batas nito. Na magsisimula sa pagpili ng mga salitang lantáy, balbál, laláwiganín, at kosmopolitano hanggang sa pagsusugpóng ng mga hulagwáy o anino at pagsasalansan ng kata’t salaysay tungo sa muling paglalang ng sariwang kabatiran.
III
Maihahakang kailangan ni Antonio noon ang higit na maluwag na pananaludtod, lalo’t makislot ang kaniyang guniguni at nasa kasibulan ng pagtula. Pinagtiyap naman ang panahon ng protesta at ang yugto ng radikal na pagsusulat laban sa Batas Militar ng administrasyong Ferdinand E. Marcos; at malinaw na pruweba ang di-matatawarang ambag ng Galian sa Arte at Tula (GAT)-ang organisasyon ng kabataang manunulat sa Filipino-sa panitikang pambansa at siyang humubog sa sinumang ibig matuto ng matinong pagsusulat at pagsusuri ng panitikan. Nagkatugma ang habang-alon ng GAT at ni Antonio. Siya’y nasa tumpak na pook at tamang panahon, bukod pa sa nagtataglay ng pambihirang talento at sigasig sa pagtula. Titimo sa malay ni Antonio ang estetika (at pilosopiya, kung mayroon man) ng GAT, isasapuso kahit ang politika ng maka-Kaliwang aktibismo, ngunit hindi kailanman tatalikdan ang kaniyang pinagmulan bilang tao at mamamayan. Matutuklasan pagkaraan ni Antonio na walang hangga ang posibilidad ng pagtula, at ito ay hindi matatakdaan kahit ng ideolohiya o relihiyon o kautusan. Mulang dekada sitenta hanggang otsenta’y hahamig ng mga gawad sa iba’t ibang timpalak pampanitikan si Antonio, mapapansin sa mga pagtatanghal ng tula, at magiging kauna-unahang pangulo ng GAT.
Waring bagyong kumawala sa supot ng kalawakan ang mga tula ni Antonio nang ilathala ng Ateneo de Manila University Press ang Taga sa Bato, Mga Piling Tula 1973-1988 (1991). Mabilis na naubos ang mga sipi, at lumikha ng alingayngáy sa merkado, at pinag-aralan ng mga estudyante. Hinikayat nga ni dating direktor ng publikasyon na si Esther M. Pacheco si Antonio na dagdagan ng ilang tula at pakapalin ang nasabing koleksiyon para sa susunod na paglilimbag. Sa pinalaking edisyon ng Taga sa Bato (1994), nabago ang pabalát, isiningit ang bagong seksiyon, at inilahok ng makata ang kaniyang piling mga tula mula sa Biro-biro kung Sanlan. Ang resulta: Naging pinakamatimyas na testamento ang Taga sa Bato hinggil sa bisyon, estetika, at pananalig ni Antonio sa ebolusyon ng kaniyang pagkamakata.
Ang semilya ng Biro-biro kung Sanlan ay ganap na magkakabuto’t laman sa Taga sa Bato. Pinaghalong panata at sumpa-bukod pa ang tandisang pagtatampisaw sa usaping panlipunan at ang pagbubunyag ng angking ars poetica-ang inilalagda ni Antonio sa kaniyang ikalawang aklat. Humaba ang mga taludtod ni Antonio sa ikalawa niyang koleksiyon. Higit na matipuno ang mga salita at ang diwa’y mayamungmong. Naglaho ang pagbabantulot sa mga anyo, nilalaman, at paksa ng mga tula. Sabihin nang nagsimula ang Taga sa Bato sa sipat ng isang probinsiyano.
Noong dumating ka sa lungsod,
inakala mong malinis at sementado
ang lahat ng bagay.
Noo’y di ka pa nakapagsasaulo
ng mga pangalan ng kalye
o nakasuot sa mga walang-pangalang eskinita.
Hindi mo pa rin nasusubukang
kumalikot ng telepono at direktoryo.
Hindi mo pa rin kilala ang presinto
at marka ng kalsada.8
Makikipagbuno ang nasabing probinsiyano sa mga lamanlupa at impakto ng kapuwa nakalipas-mito at kasalukuyan-realidad; maglalagalag sa mga tumana at mamamangka sa ilog ng pagtuklas at pagdanas bilang baguntao; haharapin ang multo ng sarili at ang itim na paruparo habang tahimik ngunit marubdob na hahanapin ang kabuluhan ng pag-iral. Magdudulot ng kaliwanagan ang pagbubulay, gaya ng isinasaad sa “Karayom sa Dayami”:
Hindi na kadena ang kahapon na umaalipin,
gumagapos sa pagsulong. Ito’y bukal ng tubig
na pagsasalukan ng pang-unawa sa sarili,
upang lumaya at matatag magpasiya,
upang hindi maging dungo at duwag,
upang maging matapang sa pakikidigma.9
May matutuklasang agimat sa nakaraang panahon, at para sa persona, kailangan ito sa pakikitunggali sa hinaharap. Mahihiwatigan ang “hinaharap” pag tinitigan ang ikatlong kabanata ng Taga sa Bato. Sa ikalawang yugto ng koleksiyon ay sasapit ang probinsiyano sa Maynila. Ang “Maynila” na binuo ni Antonio ay ibang-iba sa “Maynila” na dating dukalan ng talinghaga nina Julian Cruz Balmaseda, I. E. Regalado, José Corazón de Jesús, at F. T. Collantes. Hitik ang Maynila ni Antonio sa rambulan ng saring imahen at pananalig; malimit marungis o maangas ang kapuwa loob at looban ng mga tao; amoy-tsiko kung hindi humihiyaw o malamuyot ang birhaws at bangketa; basketbolan o pasugalan ang mga kalyehon o eskinita; masikip ang trapiko ng sasakyan at hanapbuhay; at singnipis ng dividendazo ang pananalig kina Santa Ana at San Lazaro.
Walang tigil ang mga paang
nagmamadali sa Quiapo,
walang tigil ang tawaran at bilihan,
walang tigil ang pagngiti ng despatsadora
sa barat na kostumer,
walang tigil ang paniniyempo ng tingin
ng may masamang hangarin,
walang tigil ang pag-awit ng pulubing
hangga ngayon ay pulubi pa rin…10
Hubad sa romantikong pitlag ang “Maynila” ni Antonio, ngunit naroon lagi ang pag-asa at pagmamahal.
Ipapanukala ni Antonio ang kakaibang pagdulog sa nasabing realidad upang baligtarin ang pangyayari. Ipamamalas niya ang pambihirang bisa ng paggamit ng EQ (emotional quotient) kaysa IQ (intellectual quotient) sa ilang pagkakataon, na maituturing na isang uri ng pagsalungat sa lipunang pulos “tunay, mahusay, maganda” ang sigaw subalit kabaligtaran ang umiiral. Mahihiwatigan ang nasabing pakana ni Antonio sa tulang “Bobo ng Gastambide.” May himig-hinanakit ang pangmaramihang persona na tumutukoy wari sa mga estudyanteng tinaguriang bobo at taliwas sa asal ng mga iskolar sa kalye Recto. Mahilig magyabang ang mga iskolar dahil matataas ang grado. Samantalang ang persona ay “nagsusunog ng baga at hindi kilay” at inaatupag ang “marka demonyo” (i.e., hinyebra) imbes na “matataas na marka” sa eskuwela.
Pero, nadarama ang galaw ng buhay
at katarantaduhan ng mundo.
Kaming walang binatbat
at buwang ng Gastambide.
May alamís na iniiwan ang nagsasalita sa tula. Lampas sa apat na dingding ng silid-aralan ang dapat pag-aralan, at ito ay walang iba kundi ang “buhay” mismo. Bakit naiimpatso ang persona sa loob ng klase? Isang hakang sagot ang “Pulos kabulaanan at malayo sa realidad ang itinuturo ng guro at ng buong sistema ng edukasyon.” Na hindi masikmura ng estudyanteng nagbabayad ng mahal na matrikula. Magulo ang labas ng paaralan at ang loob ng estudyante’y magulo—na maaaring kimkim ang himagsik laban sa establisimyento at diktadura—at ito ang malimit kinatatakutang tingkiin at iniiwasang pakinggan ng mga guro. Lalo’t panahon ng Batas Militar ang namamayani.
Potograpiko ang memorya ni Antonio. Detalyado at kung minsan ay nakapanlilinlang. Lumiliit-lumalaki ang mga retrato na dinurukot niya sa alaala, natitimpla ang kulay at linya ng mga hulagway, halos mabura ang hanggahan ng realidad at kathang-isip, gaya ng mapapanood sa Galaxy, Metro Theater, at Cine Zest. Pipili ang makata ng mga pambihirang hulagway (panlabas) at anino (panloob) na pahiwatig upang mahatak ang mambabasa sa mapagmuning kabatiran. At sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa paningin ng probinsiyanong bagong salta sa lungsod ay makapagwiwika nang may matalas na pagmamasid sa paligid:
Ang memorya’y kawad ng koryenteng
nakasampay sa mga posteng nakatirik
sa kalyehong iisahing metro.
Na kahit ka datihan sa distrito ng Quiapo
ay hindi mo tatapunan-pansin.
Pambihira ang pagkatalogo ni Antonio sa Maynilang muling tinuklas niya para sa mga mambabasa na sadyang tumalam ang pagdama at pandama. Sunod-sunod, bumubuhos ang mga hulagway na pawang mahuhugot lamang sa tunay na dumanas ng gayong karanasan. Balikán pa ang tulang “Retrato”—na kabilang sa koleksiyong Bagay-Bagay (1992)—at tila ikinumpisal na ni Antonio ang paninirahan ng kaniyang mag-anak sa Quiapo at ang paglipat nila sa Sampaloc. Ang nasabing mga pook ay magkakamapa sa isip ng makata, at ang lalandasin ng iba’t ibang persona sa guniguni ng mambabasa.
Ang “Memorya ng isang Kalyehon,” halimbawa na, ay masasabing sinematikong pagbubulay sa Bagong Lipunan, mula sa punto de bista ng mikroskopikong pagsilip sa kalyehon ng maralitang tagalungsod. Ang labas-masok na mga tao na inilarawan sa tula’y isang uri ng pagkandî sa kalyehon. Ang naturang pook ay perya ng karukhaang pisikal-espiritwal sa gitna ng madilim na hinaharap at lumalabong lunggati ng mga residente o dayo. Panandalian ang lahat ng pagtatagpo at ugnayan na pawang nakasaad sa bawat tungkulin o papel na ginagampanan—o kung hindi’y tinatakasang gampanan—ng mga tagalooban. Nakapagluluwal ng rimarim at awa ang tagpo mula sa persona at palayo sa mga tauhang iginuguhit nito. Nakasusugat sa budhi at gunita ang gayong nanggigitata’t umaalingasaw na tadhana, gayunman ay nakapupurga ng sarili, at para sa persona’y dapat igpawan ang dapat igpawang busabos na pamumuhay.
Hindi magtatapos sa Maynila ang mga tula ni Antonio. Mapapabilang sa kaniyang koleksiyon ang mga tulang may inspirasyon ng kaniyang paglalakbay sa iba’t ibang pook, at maihahalimbawa na ang “Biyaheng Abra,” “Lungsod na Pawid at Kawayan,” “Retrato sa Beijing,” at “Todos los Santos sa Hong Hong.” Ang mga persona ni Antonio ay hindi igigiit ang sarili, manapa’y ituturing ang katauhan na “Katutubo akong banyaga sa sariling bayan.”11 Maglalaro din siya sa mga napapanahong usapin at balita, at yaon ang kaniyang ilalarawan o isasaysay sa ilang tula na nilalapatan kung minsan ng epigram, gaya ng “Sa Nabaklas na Andamyo,” “Mensahero,” “Hindi Mapupuksa ang Laksang Rolando,” at “Flores de Julio.” Ano’t anuman ay madaling nakatawid nang tuwid si Antonio sa kipot—na ang magkabilang pampang ay naglilihim ng panganib, pagsubok, at kapahamakan—dahil angkin niya ang kahusayan “bilang mandaragat sa laot ng talinghaga.”
IV
Walang pasubaling nagtataglay ng mga paniniwala at lunggati ni Antonio bilang makata ang kabanatang “Sa Harap ng Makinilya” sa Taga sa Bato. Ang nasabing kabanata ay aalingawngaw sa ilang tula sa Karikatura at iba pang Kontra-banda (1999); Kalawang sa Patalim (1998); Ornamental (1998); Pira-pirasong Bituin (1996); at Bagay-Bagay (1992).
Nakapahiyas ang pananalig ni Antonio sa kaniyang tula sa “Pamamangka.” Nagsimula ang tula sa retorikang tanong na “Bakit kailangan ko pang manlambat ng talinghaga?” na mauugat kaipala sa mga alalahanin ng ama na nagkataong makata. Ang nasabing tanong, wika nga, ay tila pag-usig sa araw kung bakit kailangan nitong sumikat tuwing umaga, at kung bakit may siklo ang hihip ng simoy bawat panahon. Ano’t anuman, may batayan ang tanong dahil ang pagiging makata naman ay nakaugat sa realidad ng lipunan, at kailangang “kumain ang tao para mabuhay.” Maliban na lamang kung isang hatag na ang pangyayaring maykaya sa buhay ang makata at hindi na kailangang kumayod maghapon. Sa paningin ng ibang tao, ayon sa tula, “Ang maging makata sa panahong ito’y/ pamamangkang walang patutunguhan.” Na tila pagsasabing: “Hindi ka bubuhayin ng pagtula. Walang kabuluhan ang tula!” Para sa persona’y hindi makatwiran ang naturang pananaw, at mapanlagom ang pahayag. Ang higit na mahalaga’y sumubok pumalaot, matutong magpaamo ng unos, manghuli ng talinghaga, gumaod nang mag-isa, at magbalik sa pampang nang matagumpay sa paglikha habang taglay ang pananalig na hindi niya inaksaya ang buhay sa walang katuturang bagay. Isinasakataga lamang ni Antonio ang matagal nang kawikaan: “Ang galing ng mamalakaya/ kung may bagyo nakikilala.”
Tandaang dagat ang karaniwang hulagway, kung hindi man sagisag, ng karunungan sa maraming kultura lalo dito sa Asia. Sa Filipinas pa lamang, may animnapu’t walong kawikaan ang umiinog hinggil sa dagat, tubigan, at kaugnay nito; bukod pa ang patungkol sa isda bilang hulagway at talinghaga.12 Ang “panlalambat ng talinghaga” ay masasabing pagsisikap na makamit ang dunong at bait, na pawang kailangan ng tao para mabuhay, dahil pangaral nga sa Bibliya, “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.” Ang pagsulat ng tula, kung gayon, ay isa nang mabigat na tungkulin para sa persona; at hindi dapat itong ihambing sa ibang propesyon na ang tanging sukatan ay kayamanan, kapangyarihan, at katanyagan. May maipagmamalaki ang persona sa kaniyang lumalaking mga anak at naghihintay na esposa. At ang puhunan ng makata’y pag-ibig at buhay na kaniyang maipapamana sa susunod na henerasyon.
Ang naghuhunos na poetika ni Antonio ay maibubuhol sa maláy na pakikisangkot sa malawak na inog ng lipunan. Kaugnay yaon sa pangangarap na ang “…tula’y ripleng/ bumubuga ng pulbura ng taludtod/… naliligo sa dugo ng pagbabaka.”13 Pagkilala ng utang na loob ang isinasaad ng “Lapis at Papel” na itinuring ng persona sa tula na siyang nag-aruga sa “musmos na pagtatangkang tumula” nito. Kung minsan ay nagpapatama si Antonio sa mga mambeberso at makatang sampay-bakod, gaya ng isinasaad ng “Berso”: “Niluluray nila ang aking/ kariktan, naging gusgusin ang alindog/ at hinuhubdan nila ako ng dangal at pangalan.”14 Maitatambis ang pahaging sa tulang “Akala Niya,” na nagpapahiwatig na taliwas sa “…pagluluto ng ulam/ ang paglikha ng tula sa sinapupunan.”15 Bakit? Gaano man kabihasa umano ang isang tao sa pamamaraan ng paghahalo ng sangkap ng tula ay hindi sapat kung kulang ang tula sa “lasa’t sangkap ng sarsa ng buhay” (i.e., karanasan, abentura, dunong, at iba pa).
Binanggit ang dalawang tulang pahaging ni Antonio upang itangi ang tula bilang musa na katumbas ng buhay, ang musang nagkatawang-tao na makakaniig nang walang kahulilip.16 Munting piraso ng karanasan, at halos pangungumpisal, ang pahiwatig ng isang tula ni Antonio hinggil sa pagpapalitan ng kaalaman at teknika sa pagtula ng mga makatang tuwing Biyernes ay walang palyang nagkikita-kita upang tumoma. Subalit higit sa pag-inom ng alak at mainit na talakayan hinggil sa kabaguhan ng tula ang pagkatanto sa pinakamahalagang bagay:
Sa bawat Biyernes ng gabing pinag-uusapan ang taludtod,
daming bagong istilo, porma, talinghaga’t pagsubok.
Ang totoo, kahit magbago’t mag-eksperimento ang lahat
ng iba-ibang porma, salansan, istilo at hinagap;
Tanging ang bihasang manalinghaga’t bumerso
ang lilitaw at lilitaw na tunay na artesano.17
Maitatambis sa nasabing tula ang “Subersiyon” na pagsusuri wari sa sarili ng makata. Ang subersiyon na tinutukoy sa tula ay paninimbang sa metapisikang tukso, o sa paglikha ng bagong kaakuhan (i.e., identidad) bilang tao at makata. Magsisimula sa loob ang deskontento, na ang manipestasyon ay mababanaag kahit sa pisikal na anyo at kilos ng persona. Narito ang unang bahagi ng tula:
Pabagsakin ang sarili
na baguhin ako.
May ibang ako na nanunukso
at ibig palitan ako.
Halimbawang pagbigyan
ang ibang ako,
maging kumpleto kaya
na pabagsakin ako?18
Mauugat ang dalumat ng persona ng “ako” ni Antonio sa dalumat ng “ako” ni Alejandro G. Abadilla. Pilosopiko, kung hindi man maysa-pilosopo, ang pahiwatig ni Abadilla hinggil sa “Ako” na nakasaad sa tulang “Ako ang Daigdig”19 at sa labing-anim na mala-tanaga sa Tagabadilla. Maihahalimbawa ang isang mala-tanaga ni Abadilla: “Walang hanggang tula/ Sa iyo ang ako:/ Bakit ka tulala/ Sa kaakuhan ko?20 Taglay wari ng tula ang misteryo ng “kaakuhan,” alinsunod sa sipat ng makata, at tila alingawngaw naman ng isinasaad ng kawikaang higit na mahirap arukin ang budhi kung ihahambing sa pag-arok sa balong malalim. Naiiba ang tula ni Antonio dahil puwedeng itangi ang “ako” bilang persona at ang “ibang ako” bilang kapilas na persona o dili kaya’y ibang tao. Kung babalikan ang siniping tula ni Antonio’y mahihiwatigang nababago ang ilang panig ng kaakuhan ngunit mananatili ang “ipinaglalaban” ng persona at ito ang pinagmumulan ng “pagsalungat” sa “agos ng pagbabago.”
Marami na akong binago,
asal, gawi, pananaw, taktika:
ako pa rin ako.
Maubos man ang buhok,
pumuti ang bigote’t balbas
o lahat ay ahitin ko.
Ako pa rin si Teo
o si makatang kalbo,
may iba nang nadarama
pero, pilit ipinaglalaban
ang paniniwala
bilang makata at ako.
Ang “paniniwala” ni Antonio “bilang makata at ako” ay mababatid lalo kapag sinuyod ang iba pa niyang koleksiyon. Lalayo ang makata sa impluwensiya o dikta ng kaniyang kapanahon—kahit bansagang tradisyonal ang bikas—at igigiit niya ang matataguriang taták Teo T. Antonio:
Kung lilikha ako ng tula
at lalagyan nila ng hanggahang
parisukat, hindi ko alam
kung masusunod ang takdang guhit
at kung ano ang lalabas na tula.
Halimbawa namang sundin ko
ang nakatakdang parisukat na itinakda,
ano naman kaya ang sisibol
na usbong ng puso’t diwa?21
Ano ang ibig ipahiwatig nito? Maihahakang gagawa siya ng sariling daigdig, at ang daigdig na ito ay kaniya lamang. At kung ibig ninuman na kilalanin si Antonio o ang mga tula niya’y kailangang pasukin ang nasabing daigdig, ang daigdig na masasabi ring hitik sa patibong, salamangka, at laberinto ng pahiwatig. Gagamit ng mga tauhan at ibang tinig ang makata, at padadaluyin ang mga alamis sa gaya ng pangarap na lumikha ng “ensayklopidya ng talinghaga” habang tumitipa sa bagong kompiyuter.22 Masasalat ang gayong pagtatangka sa Ornamental, na ang karamihan sa mga tula’y nakagiya sa paningin at niloloob ni Antonio, kung ihahambing sa kaniyang mala-aktibistang pananaw noong mga dekada sitenta at otsenta. Halimbawa’y ipapanukala ni Antonio na, “Nabubuhay tayo sa salita” at siyang nakapagbibigay ng saring panlasa sa buhay mulang kamusmusan hanggang pagtanda.
Mabilis tumula si Antonio, pansin nga ng kaniyang matatapat na kaibigan, at aakalain ng iba na wala siyang ginagawa sa opisina kundi tumula nang tumula. Gayunman ay hindi nangangahulugan yaon ng pagiging bulagsak, at magmumula pa nga sa mga taludtod ni Antonio ang paalalang maging masinop at maingat gumamit ng salita. Batid ng makata ang kaniyang hanggahan, at may pahiwatig ng pagwawakas ang tulang “Talinghaga.”23 Hindi lahat ng yugto ng buhay ay maningning. Ihahayag ito ng kabuuang temang bumibigkis sa Pira-pirasong Bituin: “Alam kong pana-panahon/ ang liyab ng talinghaga./ May panahong huhupa ang ningning,/ tulad ng mga bituin;/ kapag nag-ulyaning lalo/ ang harayang bumugso…”/ Hindi rito magtatapos ang pagbubulay ng makata, bagkus itutuloy yaon sa pangangarap na “maging pira-pirasong bituin” ang kaniyang talinghaga sakali’t ito’y “mabasag sa lupa” (Sirain ng kritika?). At sinumang makapulot ng kaniyang talinghaga ay “huwag akalaing pamantingin” lamang iyon at iwasan ng mga paang “ayaw masugatan ng liwanag at dilim.” Liwanag ng salita ang lunggati ni Antonio bilang makata, ang “liwanag” na taliwas sa “ningning” ayon sa isinasaad ng Katipunismo nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang nasabing liwanag din ang ibig niyang ihain sa mambabasa, gaya ng matutunghayan sa “Pamimitas ng Bituin” at “Kailangan Ko ang Iyong Pang-unawa.”
Masasalamin ang kaganapan ng poetika ni Antonio bilang makata at alagad ng sining sa Karikatura at iba pang Kontra-banda. Maihahakang tipong coffee table book ang nais ni Antonio ngunit sa kasamaang-palad ay hindi natupad. Magastos iyon at mapangarapin, at aangalan kahit ng pinakamalaking pabliser na magdadalawang-isip sumugal sa nasabing proyekto. Ano’t anuman ay makatatayo nang mag-isa ang koleksiyon ni Antonio kahit walang pintura, ilustrasyon, at grafiks ng mga pamosong artist ng Filipinas. Matimbang ang Karikatura at iba pang Kontrabanda dahil matatag ang pundasyon nito sa paggamit ng parikala, paradoha, at parabula sa paraang masiste at kung minsan ay halos absurdo. Matalas ang iniiwang talinghaga ng “Nawawalang Mukha”:
Isang araw, nang humarap siya sa salamin,
wala na ang kanyang mukhang madalas kausapin.24
Ang tinutukoy na tauhan sa salaysay ay si Kulasfiro, ang dukhang probinsiyano na nagtungo sa Maynila upang makipagsapalaran. Kumapit siya sa patalim, wika nga, dahil kailangang makaraos at mabuhay. Nagkataon namang napabilang siya sa sindikatong nagpupuslit ng kargamento, at naging bihasang ismagler, at di-maglalaon ay yayaman. Hinabol ng batas si Kulasfiro, kaya minabuting ilihim ang identidad, at nangibang-bayan, at nagparetoke ng mukha (i.e., plastic surgery). Ngunit sa pagbabalik ni Kulasfiro sa sariling bayan ay nabura na ang kaniyang kaakuhan. Hindi na siya si Kulasfiro at hindi isang Filipino. Kundi ang bagong si Don Nicolo. Ang pagkilala sa sarili ay nagbabago, ayon sa tula, at ang mga pagbabago’y nililinlang kahit ang mismong lumikha ng pagbabalatkayo.
Kung itatambis ang nasabing tula sa “Ang Huklubang Lalaking Kinakausap ang Hagdanan,”25 halimbawa, ang kabaliwan na masisilayan ng nagsasalitang persona sa panig ng “lalaking kumakausap ng hagdanan” ay huhugot ng alusyon kay Sisyphus, ang mabalasik na Hari ng Corinth, na pinarusahang magdusa sa napakadilim at mala-kanárakáang Tartarus. Ang totoo’y wala namang paulit-ulit na batong itinutulak pataas at inihuhulog pababa ang nagpakilalang “Sisyphus” sa tula ni Antonio. Wala ring pahiwatig kung bakit sumapit sa pagkatantong “Sisyphus” ang nasiraan ng bait at siyang pinagtatakhan ng persona. Ano ang “kasalanan” ni “Sisyphus” sa tula ni Antonio at bakit tila habambuhay siyang isinumpang makipag-usap sa bawat baitang? Walang nakasaad. Samakatwid ay hindi mahalaga kung totoong si “Sisyphus” ang nakita ng persona. Ang kaparusahan—kung kaparusahan ngang matatawag ang kabaliwan—ay ang mismong pagkausap nang paulit-ulit sa baitang; at ang bagabag nitong iniiwan sa alaala ng nagtatanong na persona. Ang “baitang,” sa isang banda, ay maaaring sagisag sa antas ng pananaw, sa makasariling ambisyon at marahas na pagtrato sa sarili. Ito ang sákit na maaaring danasin lamang sa daigdig na pulos absurdo ang umiiral, at walang pagkakaiba sina Hades at Zeus at burado ang hanggahan ng dilim at liwanag.
V
Kaugnay ng poetika ni Antonio ang pagtatampok sa marubdob na pakikipagniig sa Tinubuang Bayan. Nasa Biro-biro kung Sanlan ang pangunang titis, na naging sigâ’t lumagablab sa Taga sa Bato, lalaganap sa Pagsunog sa Dayami (2003), Ornamental, Bagay-Bagay, at Tilad na Dalít (2003), sasagitsit kahit ang alipato sa Pira-pirasong Bituin, lilihis na may heometrikong hulagway sa Karikatura at iba pang Kontra-banda, dadalisay sa Kalawang sa Patalim, iluluwal bilang timpladong satori at satyagraha sa Sa Aking Soledad (2002), at magbubukas ng paningin sa epikong bayang Piping-Dilat (2002). Lumilingon lamang si Antonio sa nakaraan. Ang kaniyang pagtulang may bahid ng pagmamahal sa bayan ay mauugat bago pa man dumating si Francisco Balagtas, at naging instrumento sa makabayang adhikaing lumaya sa anumang uri ng pananakop ng dayuhan.
Filipinas ang matang-tubig ni Antonio. Kaya malimit siyang nakalilikha ng mga taludtod na pumupuna sa maling kaugalian (“Ang pamahiin ay kamatayan sa paniniwala./ Ang paniniwala’y itinutulos na bandila.”26), ngunit marunong kumambiyo upang itanghal ang natatanging pagdanas (“Ang bawat alamat, talinghaga’t bugtong/ nitong alimango’y dagat na nasisid.”27), at ilarawan sa sariwang tagpo ang kabatiran (“Isang mandala ang pamahiin,/ nakabalabal na mga pinangko/ sa tulos ng kawayan sa gitna.”28). Kung minsan ay umuusig sa lango at walang kapag-a-pag-asang nilalang (“Saan hahangga ang iyong pagkabasag?/ Ang pagkadapa mo sa lupa/ ay paghalik sa sarili.”29). Nagpapasaring sa mga sakim na mariwasa (“Kahit sa angkan ng saranggola,/ may nandaragit at dinadagit tuwina.”30). Inuuyam ang sinumang taglay ang mapagbalatkayong tindig sa bayan (“Ngayon, ang sumpa at panata/ para sa kalayaan/ ay itinititik sa alagwa ng laway.31). At nagpapagunita ng halaga sa madalas kaligtaang bagay (“Hindi natin pansin/ ang sumisibol na pag-ibig sa pinitak./ Naroon ang puhunang pagtitiis/ na binhi ng pawis at luha…”32). Marami pang halimbawa na hindi na mababanggit dito sa kakulangan ng espasyo.
Mababatid sa mga tula ni Antonio ang pagsasalikop ng nilalaman at anyo. Ang paksa hinggil sa bayan, tao, hayop, o bagay ay laging kasugpong ng estilo, wika, at iba pang disenyong panretorika niya. Halimbawa’y ang katutubong dalít sa “Alitaptap” at ang tanaga sa “Bahay ni Ka Tale” ay mahihinuhang ginamit ni Antonio dahil angkop na angkop ang nasabing padron sa paksang tinatalakay sa tula.
Ang mapaglaro’t mapangahas na pananaludtod ni Antonio sa unang bahagi ng kaniyang pagtula ay maituturing na yugto ng eksperimentasyon. Ang mga pormang awit, dalít, salawikain, at tanaga ay mahahaluan ng haiku, rondel, soneto, triolet, villanelle, at iba pang padron. Maihahalimbawa ang mga piyesa sa Taga sa Bato at Bagay-Bagay. Habang lumalaon ay tila kakaligtaan ni Antonio ang porma at magtutuon nang mahigpit sa pinakadiwa ng tula (i.e., insight). Magiging prominente ang halos blokeng mga taludtod, na masisingitan kahit paunti-unti ng mahahaba o maiikli o sungking mga taludtod upang maiwasan ang nakauumay na anyo ng mga tula. Kahit ang astang “linyadong pagtula”-kung makatwiran man ang gayong taguri-na masisilayan sa Taga sa Bato ay magbabago, at mag-iiba ang himig na patuos sa himig na mapagpatawa, magaang, at mapagbulay, gaya ng mababanaag sa Pagsunog sa Dayami, Karikatura at iba pang Kontra-banda, at Kalawang sa Patalim.
Madaling bansagang tradisyonal at kumbensiyonal si Antonio nang hindi napagdidilian nang maigi. Malalim kasi ang baul ng talasalitaan niya, at malayong-malayo sa limitadong talasalitaan ng ibang kasabayan niya na pulos Tagalog-Maynila ang alam o kung hindi’y Taglish o dili kaya’y malasadong Filipinong Binisaya, Binikol o Inilokano. Bukod sa nabanggit, gawi ni Antonio na pagtugmain ang dalawang magkasunod na pandulong salita ng taludtod, kaya malimit lumitaw sa kaniyang mga tula ang tugmaang aabbccddeeff, at iba pa. Hindi naman makikita yaon sa lahat ng kaniyang tula, dahil sisikapin din ng makata ang tinig na kumbersasyonal-naturál na naturál ang hagod ng mga linya-at halos pasukin ang daigdig ng mala-prosa. Ang nakapagtataka’y ang tunay na tradisyonal na tugmaang isahan, gaya ng pulos aaaa o dili kaya aaaa/ bbbb/ cccc/ etc., ay bihirang makita kay Antonio. Maihahakang ang taktika ni Antonio ay aproksimasyon ng tulang pabigkas at pahimig, na ang bawat kataga ay umaalunignig at umaaluy-oy, at itinakda hindi lamang para namnamin nang tahimik sa pagbabasa bagkus pakinggan nang taimtim pag binibigkas o inaawit nang maindayog sa saliw ng musika.
Susubok si Antonio kahit sa paggamit ng mahahabang saknungan, at maihahalimbawa ang unang eksperimento niya sa “Flores de Julio” na maikokompara sa “Magtanong Tayo sa Bituin,” “Ang Kubo ni Filomena,” “Pagsalakay ng Lahar,” “Kamatayan ng Isang Lawa,” at “Sa Dibdib ng Gubat at Bundok.” Mag-iiba-iba ang tabas ng mga taludtod ng makata, magiging yugto-yugto, at bawat yugto ay tila pilas ng pangyayaring magbabadya ng susunod na pangyayari. Pinakamahaba sa lahat ang de-tugma’t sukat na epikong-bayang Piping-Dilat, ang pakasaysayang rendisyon ni Antonio sa buhay, pakikipagsapalaran, at pakikibaka ni Marcelo H. del Pilar kapiling ang iba pang propagandista at anakpawistang mandirigma noong panahon ng pananakop ng Espanya sa Filipinas. Tila nobelang patula ang ginawa ni Antonio, at doon pinagsalimbay ang kasaysayan at kathang-isip upang punan ang anumang puwang na mahirap nang matagpuan sa pasulat na kasaysayan. Maihahalimbawa ang “Canto VII: Pangungulila Pagdaong sa Hong Kong” na malikhaing pagsasalaysay sa maaaring naganap kay Del Pilar sa banyagang pantalan.
VI
May sariling diskarte si Antonio sa pagbubuo ng koleksiyon. Kade-kadena ang kaniyang mga kabanata, at kahit ang panghuling kabanata-o ang ilang tula sa isang kabanata-ng isang aklat ay papasok sa susunod niyang aklat ng tula. Ang repetisyon ng ilang tula sa isang koleksiyon ay maituturing na malikhaing estribilyo ni Antonio, na mapangangatwiranan dahil tinatangka nitong paigtingin ang eksposisyon ng isang paksa o tema sa kabilang koleksiyon tungo sa iba pang koleksiyon; at pagpapaalala na rin sa mga mambabasa na magkakaugnay ang ilang tula kung tema, taktika, at anyo ng siklo ng mga tula ang pag-uusapan. Maihahalimbawa ang Taga sa Bato, na ang mga kabanatang “Karayom sa Dayami,” “Isang Pagtanaw sa Pamahiin,” “Tilad na Dalít,” “Maynila,” “Sa Nabaklas na Andamyo,” “Biyahero,” “Sigwa’t Sagwan,” “Pagpuksa at Pakikidigma,” at “Sa Harap ng Makinilya” ay magsisilbing bunsuran ng mga susunod na aklat, gaya ng Bagay-Bagay, Kalawang sa Patalim, Pira-pirasong Bituin, at Ornamental.
Titigang maigi ang labindalawang aklat ni Antonio upang mabatid ang kaniyang lalang. Magiging prologo ang Biro-biro kung Sanlan. Ang Taga sa Bato (una’t pinalaking edisyon) ang magiging haligi ng siklo hinggil sa nayon at lungsod; sa nakalipas at makabagong panahon; sa realidad at kathang-isip; sa pag-iisa at pakikisangkot; sa sarili at kaligiran. Halos higupin ng Taga sa Bato ang nilalaman ng Biro-biro kung Sanlan, ngunit maidadahilang kailangan yaon upang mabuo ang estruktura ng Taga sa Bato bilang panata ng pagkamakata ni Antonio. Pagbabalik sa minulan at sa sarili ang hagod ng Ornamental, at halos nasa balag ng pangungumpisal, gayunman ay may kakayahang umigpaw ang masasabing pansiriling lunan tungo sa panlipunang lunan. Nagsusuhayan naman ang Bagay-Bagay, Pira-pirasong Bituin, at Kalawang sa Patalim na pawang maituturing na pagpapalawig sa nasimulang kabanatang “Tilad na Dalít” mula sa Taga sa Bato. Ang rurok ng tatlong nabanggit na aklat ay kakatawanin ng Pagsunog ng Dayami na walang pasubaling pinakamatindi’t pinakamasinop na koleksiyon ni Antonio kung uuriin ang mga tulang umiinog sa temang pangkaligiran. Maituturing na kapilas na anyo ng Biro-biro kung Sanlan ang Karikatura at iba pang Kontra-banda. Ang pagkakaiba lamang ay mapaglaro sa estilo at pananaludtod ang Biro-biro kung Sanlan, ngunit sopistikado naman ang rendisyon ng parikala, siste, at paradoha sa Karikatura at iba pang Kontra-banda.
Samantala’y kung tula hinggil sa pag-ibig ay hindi pahuhuli si Antonio. Tumining ang gayong paksa sa koleksiyong Sa Aking Soledad na lumagom sa halos lahat ng tula ng pag-ibig ni Antonio at dinagdagan pa ng mahigit tatlumpung tulang pulos bago. Nakapaloob din sa nasabing aklat ang iba’t ibang sipat at pagdulog sa pag-ibig ngunit hindi kailanman magyayabang ng pagsakop—dili kaya’y magtatanghal ng mapagkandiling pagpapaikot sa babae—gaya ng romantikong awit ni Julio Iglesias. Para kay Antonio’y nariyan ang pag-ibig subalit hindi kailanman maitatakda ang pakahulugan. Subukin mong lapatan ng pakahulugan ang “pag-ibig” ay maglalaho itong parang bula. Ihambing ang magkaibang sipat sa “Sinisinta kita” sa “Ang Mangingisda at ang Sirena”; o itambis ang konsepto ng pagtatalik sa “Paghiga sa Kamang May Tinik” at “Musa Abandonada.” Mababatid na hindi kayang saklawin ng isip ang wika ng puso. Nakasaad ito sa tulang “Walang Paa ang Pag-ibig” ni Antonio:
Walang paa ang pag-ibig,
Pero nalalakbay ang gubat at bundok.
Walang pakpak,
Pero nalilipad ang matayog
na panaginip at pananagutan.
Walang bituka,
Pero nadarama ang uhaw at gutom.
Walang bisig,
Pero kumikilos at nakikibaka
Laban sa pagduduhagi.
Walang ilong,
Pero nasasamyo ang halimuyak
Ng pag-asa at tagumpay.
Walang mata,
Pero nakakakita
Ng luwalhati sa kabiguan.
Walang tainga,
Pero nakaririnig ng pagdaing.
Walang utak,
Pero sinlawak ng dagat at papawirin.
Walang ngalan,
Pero sagisag na sinasambit,
Isinasapuso at isinasadiwa.
Walang katauhan,
Pero kalangkap ng lupa at katotohanan.33
Laging kalangkap ng lupa at katotohanan ang pag-ibig ng makata sa kaniyang musa. Ang “lupa” ay maaaring tulay na pahiwatig sa kaniyang tinubuang bayan. At ang “katotohanan” ay isang hiwagang paulit-ulit na tutuklasin ng makata, at lalo na ng madlang naghahanap ng bagong larang ng selestiyal na pagmamahal. Isa nang uniberso si Teo T. Antonio. Nakasalalay sa ating paningin ngayon kung paano huhulihin ang kaniyang liwanag o luningning.
Mga Tala
1 Basahin ang Mutyang Dilim ni Virgilio S. Almario (Marikina City: Talingdao Publishing House, 2001). Maiuugnay din dito ang Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio… at iba (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 1992).
2 Almario, ibid., p. 3.
3 Basahin ang The Dialogic Imagination ni Mikhail M. Bakhtin, inedit ni Michael Holquist. Salin nina Caryl Emerson and Michael Holquist (Austin: University of Texas Press, 1981).
4 Basahin ang “Balani at Birtud ng Tula ni Teo T. Antonio,” introduksiyon na sinulat ni Mike L. Bigornia sa Biro-biro kung Sanlan (Kamuning: Tagak Series, 1982), mp. 10-14. Ang pagpapakilala ni Bigornia sa panganay na aklat ni Antonio ay masasabing mapangahás, dahil kabataan ang sumulat ng kritisismo at hindi matandang kritiko o makata na siyang tradisyon na sa panitikang Tagalog noon.
5 Ito ang unang saknong ng tulang “Bugtong-hininga,” mula sa koleksiyong Biro-biro kung Sanlan, p. 52. Mababasa rin sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1994), p.36.
6 Mula sa tulang “Ang Mutya kong si Perfecta” kabilang sa koleksiyong Biro-biro kung Sanlan, p. 69. Ang buong tula’y hindi purong tugmang dalisay, gaya ng isinaad na panuto ni Iñigo Ed. Regalado. Ang una at ikatlong saknong ay nahaluan ng tugmang tudlikan, gayunman ay hindi nakasira yaon sa buong estruktura ng tula.
7 Magandang balikan ang mahaba-habang sanaysay ni Virgilio S. Almario, “Ang Tradisyonal sa ‘Doon Po sa Amin’ ni Teo T. Antonio,” na kabilang sa Mutyang Dilim Ang Bagong Pormalismong Filipino sa Pagbasa ng Tula (Marikina City: Talingdao Publishing House, 2001), mp. 99-112. Marami pang panig ng pagtula ang matutuklasan kay Antonio, at isang magandang simula ang ginawa ni Almario.
8 Unang saknong ng tulang “Maynila,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1991), p. 32-33. Mababasa rin sa pinalaking edisyon ng aklat, mp. 44-45.
9 Mula sa tulang “Karayom sa Dayami,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, una at pinalaking edisyon, p. 24.
10 Mula sa tulang “Maynila,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon, mp. 32-34. At sa pinalaking edisyon, mp. 44-46.
11 Ito ang pangwakas na taludtod sa tulang “Biyaheng Abra,” mula sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon, p. 76. Mababasa rin sa pinalaking edisyon, p. 76.
12 Batayan ko rito ang listahan ng mga kawikaan sa The Proverbs, tinipon at inedit ni Damiana L. Eugenio (Quezon City: University of the Philippines Press, 2002), mp. 490 at 602-607.
13 Mga taludtod sa tulang “Sigan Natin Ngayong Gabi ang Aking Taludtod,” nalathala sa Taga sa Bato (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1991), p. 57. Mababasa rin sa bagong edisyon ng aklat na nalathala noong 1994.
14 Mga taludtod mula sa tulang “Berso,” nalathala sa Bagay-bagay (Pasig: Anvil Publishing Inc., 1992), p. 13.
15 Basahin ang tulang “Akala Niya,” nalathala sa Ornamental (Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 1998), mp.111. At Karikatura at iba pang Kontra-banda (Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 1999), p. 61.
16 Basahin ang tulang “Ang Makatang Tagalog na Hindi Maintindihan,” unang nalathala sa Ornamental, mp., 113-114. At sa Karikatura at iba pang Kontra-banda, mp. 41-43. Napiling finalist sa Panorama Literary Contest noong 1993 ang nasabing tula, ngunit may tipograpikong pagkakamali sa pamagat.
17 Mga taludtod mula sa tulang “Kapag Biyernes,” nalathala sa Bagay-Bagay, p. 58.
18 Mga taludtod mula sa tulang “Subersiyon,” nalathala sa Bagay-Bagay, p. 57.
19 Kabilang sa koleksiyon ng mga tula ni Alejando G. Abadilla, pinamagatang Ako ang Daigdig at Iba Pang mga Tula (Manila: Silangan Publishing House, 1965).
20 Kabilang sa seksiyong “Ang Ako,” at nalathala sa Tanagabadilla, Ikalawang Aklat, ni Alejandro G. Abadilla (Pilipinas: Limbagang Pilipino, 1965), p. 18.
21 Mga taludtod sa tulang “Ang Ayaw Ko,” kabilang sa koleksiyong Ornamental, mp. 88-89.
22 Basahin ang mga tulang “Usok ng Sigarilyo” at “Antigong Makinilya” na pawang kabilang sa koleksiyong Ornamental, mp. 12-13 at 43-44.
23 Mga taludtod sa tulang “Talinghaga” na kabilang sa Pira-pirasong Bituin (Quezon City: University of the Philippines Press, 1996), p. 10.
24 Mula sa tulang “Nawawalang Mukha,” kabilang sa koleksiyong Karikatura at iba pang Kontra-banda, mp. 107-109.
25 Mula sa Karikatura at iba pang Kontra-banda , p. 11.
26 Mga taludtod ng tulang “Ikatlong Sindi sa Sigarilyo,” unang nalathala sa Biro-biro kung Sanlan, p. 60. At sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 27.
27 Mga taludtod sa “Pakikipaglaro sa Alimango,” nalathala sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 144.
28 Mga taludtod sa “Isang Mandala ang Pamahiin,” nalathala sa Pagsunog ng Dayami, (Quezon City: University of the Philippines Press, 2003), p. 86-87.
29 Mga taludtod sa “Panauhin sa Lansangan,” nalathala sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 43.
30 Mga taludtod sa “Angkan ng Saranggola,” nalathala sa Pagsunog ng Dayami, p. 80.
31 Mga taludtod sa “Inilalagda sa Dugo,” nalathala sa Kalawang sa Patalim (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 1998), p. 9.
32 Mga taludtod sa “Kung Walang Nagmamahal sa Lupa,” nalathala sa Sa Aking Soledad (Pilipinas: Oregem International Publishing Co., Inc., 2002), p. 113-114.
33 Mula sa koleksiyong Sa Aking Soledad, p. 16.
mr.robert anonuevo
GOOD DAY,SIR
i just want to ask for a copy of your winning essay in Filipino
“ang Resureksiyon”,that ranks the first place in Palanca Award year 2000.
this could be of a great help, for me to finish my report on my Filipino III subject
LikeLike
Hello Katherine,
Pagbibigyan kita ngayon. Pero sa susunod, kailangang magpunta ka sa silid-aklatan at matutong magsaliksik. O kaya’y tumawag sa tanggapan ng Palanca upang humingi ng sipi.
LikeLike
Ako’y nakadalo kahapon sa paglulunsad ng libro ni Rio Alma na Huling Hudhod at narun si G. Teo Antonio. Sayang wala yata kayo dun G. Añonuevo. Bumigkas ng maikling tula si Teo para kay Rio Alma at sa tingin ko ay talagang pambihira. Sayang di ko naisulat iyong tula at di ko na matandaan iyon ngayon at ako yata’y na-starstruck sa dami ng mga bigatin dun kabilang na sina Michael Coroza, Vim Nadera, Joey Baquiran, Rogelio Mangahas, atbp. Ako lang yata ang walang binatbat doon na buhat probinsiya – Lucena pa ako at lumiban pa sa trabaho ko sa Kapitolyo he he – na nakarating sa pagtitipong iyon. Nang ako’y palabas na ay nakasabay ko pa si G. Teo. Sa kasamaang palad ay di man lang ako nakabili ng libro ni Rio at ang kaagapay nitong libro ng kritisismo na sinulat yata ninyong apat nila Coroza, Nadera at Baquiran sa kakulangan ng aking badyet he he he. Maraming salamat sa iyong Alimbukad at tuluyan na akong nawiwili sa wika at panitikang sarili, lalo na sa panulaan. Ewan ko lang kung saan ako hahantong sa pagkahumaling kong ito, sa edad kong itong nalalapit na yata sa karurukan he he he.
LikeLike
Hindi ako nakadalo sa paglulunsad ng aklat ni Rio Alma dahil masama ang pakiramdam ko. At para hindi makahawa’y sinadya kong umiwas sa maraming tao. Bumili ka ng aklat ni Rio at ang pagkakaalam ko’y libre na ang aklat ng panunuri na ginawa namin nina Joey, Niles, Mike, at Vim.
Mabuti nang mahuling sa panitikan, huwag lamang sa kabalbalan.
LikeLike
tunay na maganda at hitik ng aral sa buhay ang panitikang pilipino na sinimulan ng mga dalubhasang makata
LikeLike
wow! ang ganda ng kanta……
LikeLike
Walang kupas ang kumpare kong Tarikan.
Tula nang tula!
Tata
LikeLike