Kaarawan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaarawan

Roberto T. Añonuevo

Bumukas ang pinto, at humigop ng mga bagwis at amihan
ang himpilan. Lumakad papaloob doon ang isang binata,
at nang lumabas siya pagkaraan ng apatnapung gabi,
ang paligid ay hininga ng hukluban, at ang lupain
ay alingawngaw ng kalembang ng mga banyagang batingaw.
Luminga-linga ang kabataan, sinamyo ang halimuyak
ng mga palumpong at punongkahoy na nakasalubong,
sinalat ng mga talampakan ang maligamgam na lupa,
at waring naramdaman niyang pumatak sa kaniyang maantak
na loob ang malagkit maitim nakalalangong pulut ng ilahas
na kagubatan.

Lovely, ni Roberto T. Añonuevo

Lovely

Roberto T. Añonuevo

Dumating si Marikit isang hapon
at ikaw na nakapiit sa dilim
ay nagliwanag gaya ng lungsod.
Si Marikit ay sarili mong tinalikdan,
at ngayon ay kausap mong walang kurap.
Gaano man kaikli ang inyong pagtatagpo
ay katumbas ng eternidad.
Iyan ang nadama ng may luhang simoy,
na parang kaganapan ng kalayaan—
at kaganapan ng payak na pagmamahal.

Tuwing dinadalaw kita, ni Roberto T. Añonuevo

Tuwing Dinadalaw Kita

Roberto T. Añonuevo

Tuwing dinadalaw kita, ang espasyo sa pagitan natin ay katahimikan. Nangungusap ang iyong mga mata sa aking mga mata, at ang pananabik ay nagbibihis ng mga papel na bulaklak na taglay ang kalungkutang walang kilalang ama at anak. Sa isang kisap, ang katahimikan ay atin na lámang ipagkikibit-balikat, at ngingitian. Salamat, ‘ika mo, ngunit ano ang dapat ipagpasalamat?

Ang anino mo at ang anino ko ba’y may bilis ng bagong anyo ng kalayaan? Paano susukatin ang panahon sa velocidad ng ating paghihiwalay? Marami pa akong tanong, at kung wala marahil ang iyong bantay, magpupukulan tayo ng mga tanong, maghahagikgikan, kahit wala, wala tayong masaló o masagót.

Kung kailan ka nagpapahinog sa selda ay sakâ mo unti-unting nauwaaan na ang lakas ay wala sa kamao o baril o salapi, bagkus nasa isipan at puso—na ang naratibo ay hindi madadampot at maililigpit ng mga tiwaling pulis. Natutuwa ako kung paano mo ipinapaliwanag ang bawat kaso ng ilang kakosa mo, na ang iba’y ni hindi makabása o makasulat, at kilalanin ka nilang Mayór (sa napakaikling panahon) at piliin nilang kahaliling abogado.

Ang iyong mga salita ay awit din na ang himig ay tumatawag ng pagtuklas ng sarili. Ang sariling iyan ay ako ring nagbabalatkayo sa ulam, damit, tubig, ilaw, at yakap na pinipigil ng rehas at batas. Ang sariling iyan ay hindi karaniwang nilalang, bagkus karaniwang Maykapal—na ni hindi nangangamba kung ano ang mabubuksang kapalaran ng iyong mga hakbang sa loob at labas ng kulungan.

Hindi kami magsasawà na dalawin ka. Pigilin man ng sakit ang ina mo’t kapatid, dadalawin ka nila sa iyong gunita’t guniguni. Dadalawin ka ng iyong mga tita at tito gaano man sila kaabalá sa trabaho. Dadalawin kita, at hindi mangangamba sa panganib. Habang tumatagal, ang katatagan mo ay tumatapang pagsapit sa akin, humakbang man ito sa hukay, at ang hukay ay kapuwa natin espasyo na tumitibok, at may enerhiya, na para lámang naghahabulang mga bola.

Ang paghihintay ay tinanggap mong bahagi ng katotohanan, na marahil ay nakutuban kahit ng iyong mga kalaban. Gaano man kahusay magsinungaling ang mga pulis, itatatwa sila ng mga hulagway at salita at pagkakataon. At ang kanilang superyor ay waring bumubulong sa pangulo doon sa Palasyo ng Malabanan, na parang dinadalaw ng mga multo mula sa umuúsok-úsok na damó.