Sa dulo ng pag-asa, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Dulo ng Pag-asa

ROBERTO T. AÑONUEVO

Sa dulo ng pag-asa, ano ang sasalubong sa iyo? Maaaring isang bangin o kawan ng putakti, o kaya’y tambakan ng basura kung hindi man putol na sapà. Malayang maglalakad ang mga pangamba sa mga anino at pitlag ng lupa, mayayanig ang mga ulupong sa iba’t ibang pakahulugan, at hindi ka man manghuhula, ang yugtong ito ang pinakadakila: iiral ka at maláy ka, iiral ka dahil maláy ka, at iiral ka nang maláy na maláy, kahit ang kinabukasan ay nananatiling palaisipan.

Sa dulo ng pag-asa, sumisikip ang mga selda ng bilangguan; ilalagda ang tatô sa iyong puso at budhi; at para kang paslit na nakasilay, sa unang pagkakataon, ng eroplano o selfon. Matutulog ka sa sahig, at mananagip na dilis na ibinibilad kasama ang libong dilis na nakahanay at natutulog sa labis na pagod o lungkot. Sa dulo ng pag-asa, maglilinis ka ng kubeta sa buong maghapon, o kung hindi’y magwawalis sa mga selda para sa kapatiran ng mga maykaya at maykapal. Sa dulo ng pag-asa, tutulungan ka ng ibang kakosa mong marahil ay naaawa sa itsura mong kalbo, bagito, at waring walang kaalam-alam sa mundo.

(Marahil hindi mo na kabesado ang dating daan sa dulo ng pag-asa. Sa iyong guniguni, lumuwag ang dating makitid na eskinita ng mga tambay, nangaglaho at nagsilipat kung saan ang mga dating kaibigan, lumiwanag ang tambayan, at ang pumalit na hulagway ay tahol ng mga tuta sa bakuran na ang pader ay hardin ng gumamela o rosal.)

Sa dulo ng pag-asa, itatanong mo sa diyos kung bakit mailap ang hustisya, gaya marahil ng pagtatanong ng liping dinakip, binugbog, at ikinulong ang ilan nitong piling kabataan. Isusumbat mo sa kaitaasan kung bakit hindi sumasagot ang diyos sa mga dasal na mataimtim at makulimlim. Hahanapin mo ang diyos na makahahawi ng mga alon, makapagpapaulan ng tinapay, makapagpapahilom ng maantak na sugat, makapagpapanumbalik ng ginhawa sa anyo ng mga bukás na bintana, makapagdudulot ng malawak na pagtitiis o pang-unawa, at makagaganti ng mahigpit na yakap habang tumutulo ang iyong luha.

Sa dulo ng pag-asa, marahil ay walang diyos. Sa dulo ng pag-asa, walang matatagpuang kaibigan. Sa dulo ng pag-asa, walang hinaharap kundi ang pagsasanla ng kaluluwa sa mga demonyong nalilikha sa pabrika ng mga pahayagan, gobyerno, at paaralan. Sa dulo ng pag-asa, walang matatagpuang pangalan, walang matatagpuang magulang, walang matatagpuang karatula na magtuturo kung kailan liliko sa kanan o kaliwa, o kung dapat manatili sa gitna. Sa dulo ng pag-asa, kusang destiyero ka na hahabulin ng mga bala o tarantadong batas.

Sa dulo ng pag-asa, isisilang ang digmaan na mananatiling biro ng presidente, ang digmaan na malalango ang lahat sa pangakò at malulunod sa kopa ng mga pakò, ang digmaan na magpapasikip sa libong bilibid at magpapataas sa ranggo ng mga pulis, ang digmaan na magpapasakit sa ulo ng mga piskal at huwes dahil ang mga kaso ay may padron at sukat gaya ng damit, at kailangang sumunod sila sa utos at patakaran ng nakatataas. Sa dulo ng pag-asa, ang digmaan ay katatawanan, at ang mga tumatawa ay parang mga payasong inupahan ng hari.

Sasalubungin ka ng araw sa dulo ng pag-asa. Iiwan mo ang lahat ng iyong nakasanayan, at maglalaho ang iyong takot o agam-agam. Lahat ng iyong lakas ay magbabalik, at isisilang ang sariwang katinuan. Sa dulo ng pag-asa, hindi mahalaga kung may sumalubong sa iyo o wala. Sa dulo ng pag-asa, hindi mahalaga ang iyong katauhan. Sa dulo ng pag-asa, tutuklasin mo muli kung totoong ang Maykapal ay nasa iyong buto’t lamán, hihintayin mo ang himala na ikaw rin ang lilikha at lumikha, at kung ituring man itong masaklap na biro, ang bathalang ito ang aabangan mo, pagsapit na pagsapit sa dulo ng pag-asa.

nature woods bikes bicycles trails fields grasses florida pine trees land vehicle bicycle cycling road bicycle mountain bike cycle sport mountain biking path mountainous landforms trail vehicle sports equipment mountain bike racing tree mountain racing bicycle soil hybrid bicycle hill adventure landscape ecoregion shrubland grass plant community road grassland prairie enduro cross country cycling freeride cyclo cross bicycle Stop illegal arrest. No to illegal arrest and detention.