Paglimot, ni Roberto T. Añonuevo

Paglimot

Roberto T. Añonuevo

Bálat kung turingan, isa ka ring isinaharayang bátik ng kasalanan, o bawal na fatek na katumbas ng kamuslakan o sinaunang pagkakamali, kung pagkakamali mang matatawag, kapag lumihis sa pamantayan ng mabuti, malinis, maganda pagkagat sa bunga ng karunungan. Ito ang patsada ng gunita, na paulit-ulit magbabalik, sa anyo ng peryodikong panaginip at ikinakasang sumpa ng madla, burahin man sa ngalan ng kumpisal ay triple kung sumipa hanggang gumulapay ka sa lupa at pag-aglahi. O kolektibong alaala ng siberespasyo! Ikaw ang nagpakilala sa akin ng karapatang limutin o lumimot nang tahimik at kay bilis, ang karapatang ibaon sa kawalan at hindi na muling magbalik pa kahit sa anyo ng tunog o alimpuyo ng alikabok. Hindi ko pag-aari ang identidad. Ang susi sa aking pagkatao ay nasa kamay ng kung anong korporasyon, ang susi na itinapon o nawaglit kung saan at maaaring hindi na, hindi na matatagpuan pa, at kung mahanap man ng sepulturero ng kasaysayan ay kalawangin, marupok, at hindi na maipipihit, kung hindi ako magpoprotesta upang patuloy umiral sa loob ng sarkopago, dili kaya’y maglaho nang nakangiti tungo sa ibang uniberso, sa ngalan ng modernidad at bumabagsak na umanidad. 

Alimbúkad: Poetry unthinkable in search of humanity. Photo by cottonbro studio on Pexels.com