Pagpapakatao, ni Roberto T. Añonuevo

Pagpapákatáo

Roberto T. Añonuevo

Mariposang lungti na binatikan ng dilaw-puti
ang kumakampay sa loob ng bolang kristal,
at kung ito’y malikmata ay hindi mahalaga.
Kumakampay ngunit hindi lumilipad,
ito sa wari mo’y ibig dumapo sa busangsáng
na rosal na nanánagínip, at malayang ihakang
magnanákaw, minsan pa, ng halik o nektar.
Marahil, isang lalaking masigasig ang bumaklay
sa dalawang bundok at siyam na batis
at naghanap din ng mga kakaibang kulisap,
para sa agham o kaya’y pansariling kaluguran,
ngunit ang nasalubong ay matandang alásip
na ang atibangáw ng mga bulóng ay kumakatok
sa puso at gulód,
o higit na tumpak, sa utak at dalamhati.
Ang ewritmikó ng huklubang tumatanaw sa iyo
ay malamig na simoy na lumulukob
sa ipinapalagay mo ngayong palad ng pag-ibig
na hubad sa anumang agam-agam at tákot.
Hihipuin mo ang mariposa sa iyong guniguni,
mababasag sa kisapmata ang bolang kristal
sa kung anong katwiran, ngunit kataka-takang
mabubuo kung hindi malulusaw sa mga kamay—
at sasagi sa iyo na ikaw ay akin, o kaya’y ako ikaw.
Alimbúkad: Epic poetry in motion. Photo by Leonardo Jarro on Pexels.com