Mga Varyasyon sa Tema ng Nakba, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Varyasyon sa Tema ng Nakba
Roberto T. Añonuevo


1.
Burahin sa aklat,
Ang nakba ay pilat
Sa iyong ulirat.

Burahin sa utak,
Ang nakba ay sugat
Ng sagradong aklat.

2.
Gunita ng nakba:
Lipad ng buhangin
Sa iyong paningin.

Malayo sa tingin
Ngunit walang tining
Ang ikot ng nakba.

3.
Ang nakba ng mundo:
Isang Palestino’y
Kaharap ang mundo.

Kaharap ang mundo,
Mga Palestino’y
Ang kaban ng mundo.

4.
Ang nakba ang mata
Ngunit di makita
Ang ulan ng bomba.

Ang mata ng nakba,
Ano’t di makita
Ang bakwet na masa?

Hindi man makita,
Heto’t intifada
Ang ganting sandata

Upang makakita
Ang di nakikita.

5.
Bilibid o bitay,
Embargo o bahay-
Na-giba ang nakba.

Ilang milyong gutóm
Ang dapat bumangon
Sapagkat may nakba?

6.
Nakba’t intifada.
Intifada’t nakba.
Intifadang kaban
Ang laban ng bayan.
Ang laban ng bayan
Ay laban sa nakba.
Ang kaban ng bayan:
Bagong intifada.
Alimbúkad: No to Genocide. No to war. Yes to Freedom. Yes to Peace. Photo by Mohammed Abubakr on Pexels.com