Ang Pakikipagsapalaran ng Pawikan
ni Russell Edson
Salin ng “The Adventures of a Turtle” ni Russell Edson ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.
Pasan ng pawikan ang kaniyang bahay. Siya ay kapuwa bahay at tao ng bahay.
Ngunit ang totoo, sa ilalim ng talukab ay ang maliit na silid na ang tunay na pawikan, na nakasuot ng kalsonsilyo, ay nakaupo sa munting mesa. Sa isang sulok ng silid ay serye ng mga panikwas na nakasungaw sa mga puwang sa sahig, gaya ng mga kontrol ng isang mekanikang pála. Sa pamamagitan nito’y napakikilos ng pawikan ang mga paa ng kaniyang tahanan.
Malimit na nakaupo ang pawikan sa padahilig na kisame ng silid-pagong at nagbabasá ng mga katalogo sa munting mesa na tinirikan ng may sinding kandila. Itinukod niya ang isang siko, at pagkaraan ang kabilang siko. Nagdekuwatro siya, at pagkaraan ay pinagpalit ang pagkakapatong ng mga hita. Napahikab siya, at isinapo sa kaniyang noo ang mga bisig at humimbing.
Kapag nararamdaman niyang pinupulot ng isang bata ang kaniyang bahay ay mabilis niyang papatayin ang ilaw ng kandila at tatakbo sa mga panikwas na kontrol, sakâ pagagalawin ang mga paa ng kaniyang bahay at sisikaping tumakas.
Kapag hindi siya makatakas ay pauurungin niya ang hita at itatago ang tinaguriang ulo at maghihintay. Batid niyang walang ingat ang mga bata, at darating ang oras na malaya niyang maililipat ang kaniyang bahay sa kung saang kubling pook, at doon ay muli niyang sisindihan ang kandila, ilalabas ang mga katalogo, at babasahin hanggang siya’y maghikab. Pagdaka’y pasubsob niyang itatago ang kaniyang ulo sa kaniyang mga bisig at matutulog. . . . At iyon ay hanggang may ibang batang pupulot sa kaniyang tahanan. . . .