Mga Dalinsiyáng, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Dalinsiyáng  

Roberto T. Añonuevo

1.
Sumasayaw ang mga tuldok
Sa lawak ng asul-at-puti,
Pagdaka’y natutuping papel
Sa panganorin, isang hapon.

Isang hapon, ang panganorin
Ay natuping papel. Pagdaka’y
Lumawak ang puti-at-asul
Sa serye ng tuldok na sayaw.

2.
Bakit impiyerno ang tanaw
Gayong iniwan mo ang itlog?
Mga mata’y duguang rosas
Pagbukad sa aking umaga.

Ang umaga ko’y bumubukad
Na rosas. Duguan ang mata
Sa kiti sa pugad kung gayon
Ang pagtanaw sa impiyerno.

3.
Nagsasalita ang balete
Sa balahibong takipsilim—
At ikaw na tumitilaok
Ay hindi manok o ulupong.

Ulupong o manok ay hindi
Tumilaok—tunay ngang ikaw:
Takipsilim ng balahibo
Sa balete na nagsasalita. 

4.
Naglasing ka sa mga duhat
At ang mantsa sa iyong damit
Ay kay lagkit upang sumuko
Sa iyo ang tatag ng sanga. 

Ang sangang matatag sa iyo’y
Sumuko sa rikit at lagkit
Ng damit, na taglay ang mantsa
Ng duhat na nitas ng lasing. 

____________
*Dalinsiyáng png Bis [Orn]: Sa Romblon, uri ng ibon (Aplonis panayensis) na itim ang balahibo, pula ang mga mata, matulis ang tuka, at nanginginain ng mga prutas, kulisap, uod, susô, higad at iba pa, at maliit kompara sa uwak: GALANSIYÁNG, KULANSIYÁNG, KULÍNG-DÁGAT.

Alimbúkad: Poetry in search of humanity. Photo by Alimbukad Collective.