Ang Probinsiyano, bilang Ikadalawampu’t walong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Probínsiyáno, bílang Ikádalawámpû’t walóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kung máisasálin sa mga líham ang daigdíg, anó ang itsúra ng iyóng pag-íbig? Itó ang itátanóng sa iyó ni Tékla, na nakápag-ípon ng mga súlat mulâ sa sumísintá sa kaniyá. Ang líham, personál man o opisyál, ay magbúbunyág ng kaaláman, maráhil sa iyó at sa sumúlat sa iyó. Sa pánig ni Tékla, ang máalamát na músa na nílikhâ ni Julian Cruz Balmaseda bílang panapát kay Celia ni Balagtás, ang mga líham mulâ sa kaniyáng kasintáhang si Huwán M. Búhay ay hindî karaníwan—sápagkát itó ay isá nang téstaménto ng pag-íbig at artefákto sa nakalípas na panahón kung ípagpápalagáy na ang mga pangyayáring binanggít sa salaysáy ay naganáp noóng hindî pa úso ang súlatrónikó, téxting, at videokól—at pagsasádulâ ng kapaná-panabík na talâmbúhay sa hímig ng pakikípagsápalarán sa banyagàng poók at walâng katupárang hináharáp. Ang koleksiyón ng mga líham ni Huwán kay Tékla ay isá nang kríptográpikóng épikó kung tútuusín, na lumálampás sa sakláw ng áwit ni Balagtás bukód sa nagpapákilála sa paradígma ng satírikóng pagtulâ ni Balmaseda.

Sabíhin nang kathâng-ísip ang mga líham, at sa gayón, hindî máibibílang sa kanónigóng kasaysáyan ang mga salaysáy. Ang ganitóng pag-ámin ay may katotohánan, ngúnit sa óras na máilimbág ang mga líham, at máibunyág ang mga pámbihiràng detálye ng mga pangyayáring mahírap ulítin sa sérye ng pagsísinungalíng dáhil sa kahangà-hangàng wikà at pagpápahiwátig na lumitáw sa isáng tiyák na panahón, ang mga líham na itó ay nagíging ínterkonektádo sa isá’t isá, nagpapáalingawngáw ng pagtanáw, nagpapámukhâ ng realidád mulâ sa mababàng sektór ng lipúnan, at lumílikhâ ng kasaysáyan sa saríli káhit pa uyamíng kabulàánan. Si Tékla, na sinúsulátan linggó-linggó ni Huwán sa anyông pátulâ, ay magbábasá ng mga líham mulâ Maynilà ngúnit hindî tútugón ni mínsan. Pára siyáng kartéro na nalúnod sa bundók ng mga líham, kung iháhakàng tíla walâ siyáng pagpapáhalagá sa karanasáng ibinábahagì sa kaniyá ni Huwán. Sa kabilâ nitó’y ipagpápatúloy ni Huwán bílang bagamundóng éksploradór at mapágpatawáng anotadór ang pagbuô ng kaniyáng realidád, at itó ang mahalagá.

Si Huwán, nang íwan ang kaniyáng náyon, ay hindî isáng bayáni na mag-úuwî ng trópeo pagbalík sa lupàng sinilángan gáya ng dápat asáhan.

Si Huwán ang kábaligtarán ng gáya niná Aligúyon, Bantúgan, Labáw Donggón, Lumalindáw, Tuwâang—itó ang iháhayág ng mga matá ni Tékla, bukód sa súsusúgan ng masusìng pag-úurì ng gáya niná E. Arsenio Manuel at Damiana L. Eugenio. Ngúnit ang kaniyáng pag-íral ay tíla paglálarô sa nakágawîáng pagtanáw sa épikóng bayáni, sápagkát naturál na naturál kung sipátin niyá ang mundó na lagìng mapágbirô káhit pa malímit masakláp ang birò, at kung gayón, ay mahírap ípaliwánag at sakyán sa panahón ng kolónisasyón. Ang espásyo ng tunggalîán ay lungsód; at si Huwán bílang probínsiyáno ay iíwan ang kaniyáng kinagisnán, makikípagsápalarán sa banyagàng teritóryo, at húhubarín ang kinámulátang kataúhan úpang hanápin at harapín ang tadhanà kapalít ng pagtupád sa pangakò sa músang minámahál. Dádalhín ni Huwán ang probínsiyánong kataúhan, at pagsápit sa Maynilà ay mabábatíd na ang mga halagaháng tagláy niyá ay kailángang idaráng sa mga pagsúbok bágo siyá mágtagumpáy. Ang pagkakáunawà ni Huwán sa daigdíg (mulâ sa púnto de bísta ng lálawígan) ay taliwás sa poók na kaniyáng pínuntahán, at  magkakároón ng biglâáng tránspormasyón ang kaniyáng kamalayán pagsápit sa kákatwâng poók na may napakaráming táo at nagsisipágkumahóg—at sa ganitóng pangyayári’y húhubúgin siyá ng palígid alinsúnod sa kagyát na pangángailángan at hiníhingî ng pagkakátaón.

Maningníng ngúnit mápangánib ang lungsód. Makíkilála ni Huwán ang saríli kapág nakáhalubílo na niyá ang sarì-sarìng táo: kutséro, batàng tagálakô ng diyáryo, peryánte, peryodísta, pulís, hukóm, púta, teleponísta, artísta, kandidáta sa pistá, polítikó, sékreta, manlolóko, makatà, atbp. Ang mga táo na itó ang magpapákilála sa Maynilà; at lahát ng puntahán ni Huwán ay poók na magbúbunyág sa pílas ng lungsód at karagdágang karanasán, at kung may tinatáwag na kabaguhán, itó ay malímit panlabás lámang at mápanlinláng. Isásalaysáy lahát itó ni Huwán kay Tékla, at si Tékla ay magíging matá ng madlâ na sumúsubaybáy sa pakikípagsápalarán ni Huwán tuwíng lálabás ang pítak na “Nakú, ang Maynilà!” Si Huwán ang salamín ng públikó, na magháhanáp ng alíw at magbíbiláng ng póste nang magkároón ng permanénteng trabáho; ang makátutuklás na ang kahirápan ay nakarírimárim na puwérsang nagtutúlak sa prostitusyón at ang kabulukán sa sistéma ng pamámahalà sa gobyérno ay hindî ordináryo bagkús modérnisádo; ang magsisíkap na mag-áral ng mga wikà, mapápabílang sa kapisánan ng mga makatà, at gágamítin ang útak úpang makálusót sa mga gusót, atbp.  Sa dákong hulí, tátangkâín ni Huwán na máibalík sa kataúhan ang pagtanáw na bayáni sa sandalîng magnílay siyá’t mágpasiyáng tumúngo sa ibáng lálawígan, na hindî pa rin ganáp na pagbábalík (at pag-uwî) sa píling ng kasintáhan. Umaása pa rin si Huwán na makákapíling habàng-búhay si Tékla, ngúnit kung magkátotoó man itó ay maráhil magáganáp na lámang sa guníguní ng yutà-yutàng mámbabása na hindî mo kilalá.

Alimbúkad: Epic poetry subversion beyond Filipinas. Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com

Liham sa Manunggul, ni Roberto T. Añonuevo

Líham sa Manunggúl

Roberto T. Añonuevo

Nalímot ko na kung paáno tumulâ, at kung ikáw ang áking tulâ, hindî kitá makíta sa áking mga kuwáderno na párang inimbák sa Manunggúl. Malayà mong ísiping naípit akó sa kuwárenténa, émbargo, o digmâ, ngúnit sa pagkakátaóng itó, hindî akó magsísinúngalíng. Walâng lumabás na tínig sa áking lalamúnan; kay bágal ng áking kaliwâng kamáy sumúlat, na ipinágkakánulô akó sa katáhimíkan. Humihigâ akó, pumípikít, at lumíliít dáhil paúlit-úlit kitáng naríriníg: Nahán ka? Kailán ka aalís? Naísip kong magpahángin sa bakúran, na ngayón ay punông-punô ng súkal, na tíla kómbinasyón ng gúbat at namúmuwaláng bodéga. Hindî akó makáhingá. Sumikíp warì ko ang daigdíg na itó, itínatwâ ang aliwálas at liwánag, at ngayón, isá akóng huklúbang nágtatabás ng mga punggók na punòngkáhoy at makákapál na damó at palumpóng, nágwawalís ng mga lagás na dahón, nagsásalansán ng mga putikáng bóte ng wíski at serbésa, naghaháwan ng mga naghambálang na yéro, túbo at bató, nagtátastás ng binúbukbók na lawanít at dos pos dos, nágsasáko ng mga lumàng sapátos at damít na lumà, nágsisigâ ng talaksán ng mga nagsásatsátang diyáryo, magásin, at libró. Íbig kong ipámigáy sa mga batàng basuréro ang lahát sa bakúrang itó: ang umaápaw na basúrahán na búkal ng gunitâ at damdámin, ang mga tropéo, retráto, at sértipíko na kinásisiyáhang ngasabín ng mga ánay at dagâ. Paúmanhín, kung hindî ako makátulâ sa áking tulâ. Sa pásig ng aking haráya, naíiníp, óo, totoóng naíiníp, sa kahíhintáy ang áking ulilàng bangkâ.

Alimbúkad: Poetry solidarity for Palestine. No to war. No to occupation. No to apartheid. Yes to freedom. Yes to poetry. Photo by aplinsky on Pexels.com

Piraso ng Liham, Jaroslav Seifert

salin ng “Fragment of a Letter,” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Piraso ng Liham

Magdamag humalihaw ang ulan
sa mga bintana. Hindi ako makatulog.
Kaya binuksan ko ang ilaw
at sumulat ng liham.

Kung makalilipad ang pag-ibig,
na siyempre ay hindi nito magagawa,
at hindi malimit lalapit sa lupa,

kasiya-siyang mabalot ng dayaray nito.

Ngunit gaya ng napopoot na bubuyog
ang mga selosong halik ay sumasalakay
pabulusok sa tamis ng katawan ng babae
at ang di-makaling kamay ay dumadakma
sa anumang maabot nito,
at walang hinto ang apoy ng  pagnanasa.

Kahit ang kamatayan ay hindi nakasisindak
sa yugto ng nakababaliw na tagumpay.

Sino ang nakapagkalkula
kung paanong pumapaloob ang pag-ibig
sa pares ng bisig na yumayapos!

Palagi kong ipinahahatid sa kalapating
kartero ang mga liham sa mga babae.
Malinis ang aking budhi.
Hindi ko kailanman ipinagkatiwala iyon
sa mga lawin o banóg.

Hindi na sumasayaw sa ilalim ng panulat ko
ang mga tula, at gaya ng luha sa gilid
ng mata’y bumibitin pabalik ang salita.
Ang buong buhay ko ngayon, sa dulo nito,
ay humahagunot na biyahe sa tren:

Nakatayo ako sa tabi ng bintana ng karwahe
at araw-araw ay humahagibis pabalik
sa kahapon upang makipagtipan
sa makukutim na ulop ng dalamhati.
Kung minsan ay hindi ko mapigil humawak
sa prenong laan sa emerhensiya.

Marahil ay muli kong masisilayan
ang ngiti ng isang babae
na nabihag gaya ng niligis na bulaklak
sa mga pilik ng kaniyang paningin.
Marahil ay mapahihintulutan pa rin ako
na ipadala sa gayong mga mata
kahit ang isang halik bago tuluyang
lamunin ng karimlan ang titig nito.

Marahil ay minsan ko pang makikita
ang maliit na sakong
na tinabas tulad ng alahas
mula sa mainit na kalambutan,
upang muli akong masamid sa pag-asam.

Anong halaga ang natitira at dapat iwan ng tao
habang paparating ang di-mapipigil na tren
sa Estasyon Lethe
na may mga taniman ng kumikinang na gamón
na ang gitna’y may pabangong makapagpapalimot
sa lahat. Kabilang ang pag-ibig ng tao.

Iyan ang pangwakas na hinto:
hindi, hindi na makauusad pa ang tren.

Zero at Liham ni Tomas Tranströmer

salin ng dalawang tulang tuluyan ni Tomas Tranströmer.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Lampas Zero

Tayo’y nasa pista na tinanggihan tayo. Sa wakas, hinubad ng pista ang balatkayo nito at inilantad ang totoo: isang himpilan ng tren, dambuhalang malamig na estatwa na nakaupo sa ulop. May tsok na kahig-manok sa mga pinto ng bagon.

Hindi dapat sabihin, ngunit labis ang dahas na sinikil dito. Kaya ang mga tampok ay mabibigat. Kaya napakahirap makita ang ibang bagay na pawang umiiral din: ang bumabandang sinag ng araw na tumatagos sa dingding ng bahay at naglalandas sa mga di-malay na gubat ng kumukutitap na mukha. Isang teksto sa Bibliya na nakaligtaang isulat: “Lumapit sa akin, dahil hitik ako ng mga kontradiksiyon, gaya mo.”

Magtatrabaho ako bukas sa ibang lungsod. Sasalibad ako sa madaling-araw na bughaw—itim na silindro. Sasaklaw ang Apulón sa nagyeyelong lupain. Nakatayo ang mga bata sa piling ng tahimik na madla, naghihintay ng pampaaralang bus. Ang mga bata na ni hindi man lamang naipagdarasal. Marahang humahaba ang liwanag, gaya ng ating buhok.

Sagot sa Liham

Sa ibabang bahagi ng kahon, natagpuan ko ang liham na dumating sa unang pagkakataon may dalawampu’t anim na taon na ang nakalilipas. Ang liham na isinulat nang may pagkaligalig, at patuloy na pumipintig nang sumapit ito sa ikalawang pagkakataon.

May limang bintana ang bahay; apat sa mga ito ang pinaglalagusan ng sinag nang maningning at pirmi. Ang ikalimang bintana’y nakaharap sa makulimlim na langit at kulog at kidlat. Nakatayo ako sa harap ng ikalimang bintana. Ang liham.

Minsan, may malalim na guwang na humahati sa Martes at Miyerkoles, ngunit ang dalawampu’t anim na taon ay maaaring kisapmatang lumipas. Hindi tuwid na linya ang panahon, bagkus laberinto. At kung hihilig ka sa pader, sa tumpak na puwesto, mauulinig mo ang nagmamadaling yabag at tinig. Maririnig mo ang sariling lumalampas sa kabilang panig.

Nasagot ba ang naturang liham? Hindi ko na matandaan, dahil napakatagal na iyon. Patuloy na umaagos ang di-mabilang na hanggahan ng mga alon. Patuloy na pumipintig kada segundo ang puso, gaya ng palaka sa tigmak na damuhan sa isang gabi ng Agosto.

Nangagtipon ang mga di-nasasagot na liham, tulad ng kulot-kulot na ulap na nagbabadya ng unos. Pinakukulimlim nito ang sinag ng araw. Isang araw ay tutugon ako. Isang araw kapag patay na ako, at malayang ilatag ang mga naiisip. O kaya’y napakalayo rito, at handa na muling tuklasin ang sarili. Nang sumapit ako kamakailan ay naglakad ako sa malawak na lungsod. Doon sa Ika-25 Kalye, sa mahanging kalye ng nagsasayawang basura. Ako na naibigang maglakad at makihalubilo sa madla. Ang titik T sa walang hanggang lawas ng teksto.

"Babaeng oriental," ni Luis Ricardo Falero.

"Babaeng oriental," (1896?) ni Luis Ricardo Falero. Oleo sa kambas.

Hubad at Sulat ni Judith Taylor

salin ng mga tula sa Ingles ni Judith Taylor.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Hubad

Tinuyot ng mga pagkawala, kami’y naglakbay para maabot ang tubig,
. . .. . . . ang baybayin niya, ang aking baybayin.
Ang kuwintas ng kaniyang hininga, ang sinturon ng mga pawis: ang mga paglikom
. . . . . . . upang talikdan ang pagkawala.
Na tinumbasan sa halaga ng pagkawala.
Bakit ang gayong kaningning, kainit na ilaw ay nagpapasikip ng silid?
Nagkunwari akong interesado sa atin ang mga anghel.
Nang dumilat ako’y saka nabatid kung paanong lunukin ko ang pagkasintunado,
. . . . . . na naghahatid tungo sa isang uri ng kawalan.
Hindi ko alam kung sinunod ko ang tunay na hiling ng aking puso.
Aling puso?      Aling puso?      Kailan?

May Sulat Siya

Nais kong maging magkaugnay ang lahat ng bagay sa lohikong uniberso.
Subuking ihimig ang hinaharap bago sumambulat na parang salamin.
Marahil ay payak ang lihim: hayaang ibanda ng salamin ang anumang nariyan.
Dumidila sa pampang ang alon ng pasipiko, umaalingawngaw ang mga uwak.
Ang liwayway, ang bawat bagay sa aking sangay na nagpapaalala,
. . . . . . ay muling lumilitaw.
Nananatiling pinilikan ang mga madaling-araw at sadyang enigmatiko.
Sasapit ang panahong magsisimula ang mundo na hubugin ang matigas mong ulo.

Naiwang Hulagway

Nagbubunyag ng kawalang kulay ang silid kapag niretratuhan.
Binuksan niya ang diksiyonaryo’t nabasa ang salitang Norwego.
At itinuring itong orakulo, habang umuulan ng niyebe sa labas.
Nabalisa ang kaniyang mukha sa salamin, nalito sa alingawngaw.
Sa nakaraang tagpo, hindi ba tinawag nila siya na “tsikadora”?
Pinunit ng simoy-panaginip ang tuktok ng mga palma, halos pawasak.
Namumuhay nang mag-isa ang tsikadora habang di-makali ang siglo.
Ang kaniyang silid, simputi ng itlog, ay tahimik na bagyo ng yelo.

Babaeng lumiliham, ni Carl Larsson, 1906.
Babaeng lumiliham, guhit sa tubig-kulay ni Carl Larsson. 68 cm x 100 cm. 1906. Matatagpuan sa Thielska galleriet, Stockholm, Sweden.

Taglagas Ngayon, ni Mihai Eminescu

TAGLAGAS NGAYON

salin ng tula ni Mihai Eminescu.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Taglagas ngayon, kalat sa lupa ang mga dahon,
At naiiwan ang mga hamog sa may bintana;
Nagbabasa ka ng lumang liham na kupas, sira,
at binalikan ang iyong búhay minsan pa noon.

Sa munting bagay ay nalugod kang maglustay-oras
At nayayamot kung lumagitik sa may salamin;
Kung nagyeyelo sa labas-bahay, mas nanaising
Nabí sa siga saka payapang lubos-mangarap.

Umupo ako sa aking silya nang nakatitig
Sa apoy nitong lumang salaysay at adang reyna;
Sa paligid ko’y may singaw-ulop na lumalamig.

At kumaluskos ang mga sutlang nukaw sa akin,
Habang ang yabag na mararahan ay papalapit . . .
At tinakpan mo ng yelong kamay itong paningin.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Love Letter

Ensueños de Amor, pintura ni Juan Luna

Nakapaloob dito ang mga bituin, at ang sumulat ay nalalasing sa pagtingala sa kaniyang paraluman. Pasuray-suray ang mga salita, sumusuka ng mga talulot, at handang magpaamo ng mga anito sa sanlibong motel. Maaaring tukayo ni Beatrice ang dilag, ngunit hindi mo panghihinayangan kung siya man ay magpakilalang Ligaya o Soledad. Hahabulin ng mga pangako ang binibini, at ang binibini ay lumapit-lumayo na katumbas ng umaalagwang saranggola at iniikid na pamingwit. Maya-maya’y sasalimbay ang mga grapikong papuri, na maaaring tudyo sa malantik na pilik o manipis na palda, hanggang mauwi ang usapan sa halakhak o hinampo. Ibang espiritu ang nasok sa ulo ng awtor, at kung hindi siya mapipigil ay makaiipon ng tomo-tomong pagbati o pag-aalala, kahit magawi ang paksa sa agham at batas, lakad at layaw. Magtataka ang bawat salita kung sino-sino ang katabi nito, na posibleng  nahihibang, inaantok, o sumasalungat sa mundo. Malilito marahil ang paraluman, mababaliw sa lohika at paramdam, at kung siya nga ang tunay na bituin, ang mortal niyang manliligaw ay napakaliit, napakahamak sa kaniyang kumikisap na paningin.