“Sa pagitan ng estado at simbahan,” ni Isabella Ramirez

Sa pagitan ng simbahan at estado

ni Isabella Ramirez

Sa pagitan ng simbahan at estado
Ay may kung sinong nagsasalita,
At lumalagom sa wika ng kerubin:

Itindig ang dambuhalang koliseo
Para sa darating na embahador
ng konsiyerto, isports, at politika.

Kaysikip at kayliit ng mga kapilya
Para sa dibinong eroplano, limosin,
At bag na magsasakay sa pananalig.

Kailangan ang pagbubukod kay Cesar
At sa lahat ng kaniyang iniipon
Dahil hindi maluhò ang panginoon.

Sa pagitan ng simbahan at estado
Ay napipiit ang mga tinig sa silid,
At abuloy ang asam ng wari’y berdugo.

Bumabagal ang trapiko ng mga salita,
at isinasahimpapawid ng mga langaw
ang mga nakangangang bungo sa pedestal.

Kayâ may nagsasalita, na marahil
Ay isang anyo ng banal na sanduguan,
At umaasam sa himig ng The Blasters

Para patanyagin ang “Samson et Dalila”
Habang marahang pumapanghi ang gabi                       ,
At humihiyaw ng katarungan ang mga lamok

sa hanggahan ng simbahan at estado.

Koliseo noon, at isang paalala sa magiging basura ngayon.

Koliseo noon, at isang paalala sa magiging basura ngayon.

Wakas ng Prusisyon

“Mahaba man ang prusisyon, sa simbahan din ang tuloy,” ang sinaunang kawikaang tumutukoy sa panahon ng paglalakbay na nagwawakas sa iisang lugar. Ang lugar ay maaaring pisikal na lunan, bagaman maaari ding tumukoy sa matalinghagang dimensiyon na ang realidad at guniguni ay nagsasanib sa kung anong paraan. Malimit na ikinakabit ang nabanggit na kawikaan sa kasal, at sa matagal na panahon ng panunuyo o panliligaw, subalit ang totoo’y ang kawikaan ay puwedeng ilapat kahit sa haba na buhay na ang wakas ay kamatayan.

Matatagpuan sa prusisyon ang parada ng mga imahen, rebulto, at estatwa ng mga santo—na ang karaniwang tagapangalaga ay maykaya sa lipunan at kayang tustusan ang pagpapagawa ng mariringal na kasuotan at korona. Pinaghahandaan din ang matitibay na karosa na may kahoy na gulong at hinihila ng mga lubid, bukod sa binabantayan ng mga lalaking deboto. Sa pamamagitan ng karosa, ang isang rebulto ng santo ay naitatanghal sa madla at naililibot sa bayan, na waring pagpapamalas ng pananampalatayang kahit ang mga santo at Maykapal ay kinakailangang lumapit sa tao at hindi ang tao ang palaging lalapit sa kanila.

Labis na mainipin ang kasalukuyang henerasyon upang maunawaan ang halina ng prusisyon. Iniisip ng iba na pagpapabagal lamang ito ng trapiko ng mga sasakyan; samantalang iniisip ng iba na ang isa o mahigit pang oras ng paglalakad ay sakripisyong matutumbasan pagkaraan ng katuparan ng hinihiling sa Poon. Ituring man itong ehersisyo ng pananampalataya, ang prusisyon ay manipestasyon ng lunggati ng simbahan para sa lahat: ang kabutihan na inaasahang mangingibabaw sa anumang anyo ng kasamaan.

Nagiging makabuluhan ang prusisyon dahil sa kolektibong sakripisyo ng mga tao. Kung pinaghahandaan ang mga kasuotan, bulaklak, at ilaw para sa isang santo, naghahanda rin ang mga tao sa espesyal na araw na naglilibot ang diyos at ang mga santo para tunghayan wari ang nagaganap sa bayan. Ang prusisyon ang yugto na sama-samang nananalangin ang bayan, at ang kanilang panalangin ay hindi na lamang nagiging personal bagkus pambayan. Sa oras na makabalik ang Diyos at ang mga santo sa simbahan ay saka pa lamang magbabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga deboto bilang pahiwatig ng paggalang sa kapangyarihang sobrenatural.

Kamatayan at katubusan. Paete, Laguna.

Kamatayan at katubusan. Paete, Laguna. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Patsada ng Simbahan ng Santo Jerome. Morong, Rizal.

Simbahan ng Santo Jeronimo. Morong, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.

Simbahan ng Birhen ng Antipolo.

Reproduksiyon at pananalig. Patsada ng Katedral ng Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Simboryo ng liwanag.

Simboryo ng liwanag. Parokya ng Santa Rosa ng Lima (St. Rose of Lima), Teresa, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Dasalan sa Parokya ng Santa Magdalena, Pililla, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Dasalan sa Parokya ng Santa Magdalena, Pililla, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Altar ng Katedral ng Birhen ng Antipolo. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

St. Rose of Lima Parish, Teresa, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Simbahan ng Paete, Laguna.

Patsada ng Simbahan ng Paete, Laguna. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Morong Church.

Simbahan ng Morong, Rizal. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Simbahan at Mga Hulagway

Makapangyarihang íkon ang simbahan sa Filipinas, sapagkat ito ang tagpuan ng mga panalangin, pananampalataya, pagsisisi, at pasasalamat  mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Simbahan ang naghatid ng kaapihan sa kapuluan, ngunit simbahan din ang magsisilang ng luklukan ng pamahalaang nagsasarili at lumaya mula sa kaalipnan. Pinaghihilom ng simbahan ang kirot ng damdamin, at sa ilang pagkakataon, ay mahimalang gumagamot sa pisikal at sikolohikong sakit ng mga deboto. Ginawang imortal ng makatang Florentino T. Collantes ang “Lumang Simbahan,” at ang simbahang ito ay makapaglalapit sa langit at lupa, at ang pagmamahal ay hahamakin kahit ang libingan, matamo lamang ang itinitibok ng kalooban [Mga kuhang retrato ni Bobby Añonuevo © 2012].

Daan sa kalangitan.Simbahan ng Barasoain [Baraswain].Kampanaryo ng Barasoain.Hari ng mga Api.Pananampalataya sa kalayaan.Tanaw.Krus na daan.

Prosang Tagalog ni Jose Rizal

Jose Rizal sa GSIS Museum

Jose Rizal sa GSIS Museum

Kilala si Jose Rizal sa kaniyang prosang nasusulat sa Espanyol, ngunit nakasulat din siya ng ilang akda sa Tagalog. Magaan at madulas ang prosang Tagalog niya, bagaman masasabing malayo sa testura ng Tagalog nina Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, at Francisco Balagtas. Pinakatampok na marahil ang Makamisa (1892), ang sinasabing karugtong ng El Filibusterismo (1891), at pinag-ukulan ng pag-aaral ni Ambeth Ocampo. 

Sa bungad pa lamang ng Makamisa ay mahihiwatigan agad ang kakatwang tagpo sa simbahan, ang simbahan na parang karnabal na sinusugod ng mga tao, at ang mga tao ay pawang mapagbalatkayo sa harap ng kanilang panginoon. Titindi ang paglalarawan dahil Linggo de Pasyon, at ang kurang si Padre Agaton—na pinakamakapangyarihan sa Bayan ng Tulig—ay tumangging magbigay ng ostiya sa mga mananampalataya gayong mahigpit naman sa pakumpisal. Ang karikatura ni Padre Agaton ay di-malalayo sa mapaglarong komedya, at ang banal ay nagiging makalupa at karnal. Ipakikilala pagkaraan si Marcela, na maaaring malaki ang papel sa nobela, at mahihiwatigang ang nasabing dalaga ang puntirya ng libog ni Padre Agaton. Samantala’y si Kapitan Lucas, ang ama ni Marcela, ay satiriko rin ang paglalarawan. Siya ang punongbayan ngunit kinapopootan ng mga mamamayan, at animo’y tuta ni Padre Agaton. Kahit ang paglalarawan sa loob at labas ng kumbento ay hitik sa siste mulang di-pinapansing mga bulaklak sa hardin hanggang asal ng Guwardiya Sibil hanggang pananampal ng kura kay Aling Anday, na matalik ang ugnayan sa naturang pari. Si Padre Agaton ang mahihinuhang paglulunsaran ng salaysay, at kung bakit niya sinampal si Aling Anday ay siyang aabangan sa mga susunod na kabanata ng nobela.

Kung sadya ngang mapagpatawa ang nasabing akda hanggang wakas ay walang makababatid yamang maliit na bahagi lamang ang nasulat ni Rizal. Tanging mga sulat ni Rizal kay Ferdinand Blumentritt ang makapagpapahiwatig kung ano ang posibleng tatahakin ng nobela. Ibinubunyag din ng mga liham ni Rizal kay Blumentritt ang kaniyang kakapusan sa wikang Tagalog, at ang pagnanais na isulat na lamang ang nobela sa Espanyol dahil may mga yugtong gaya ng sermon ng pari na kailangang nasa Espanyol. Maaaring nagpapalusot lamang si Rizal. Si Rizal ang halimbawa ng intelektuwal na nabigong gamitin ang sariling wika alinsunod sa diskurso ng kaniyang mga kababayan, bagaman kapuri-puri ang kaniyang pagtatangka.

Kung pagbabatayan naman ang ibang prosa ni Rizal, gaya ng “Paalaala sa mga Mapag-usapin,” ang siste ay laging nakapaloob kahit sa munting salaysay na tila tulang tuluyan. May magkaibigan na nakatagpo ng kabibi, at pinag-agawan iyon, at ang pagtatalo’y nauwi sa hapag ng hukom. Ngunit pagsapit sa hukom ay dinukit niya ang laman ng kabibi at kinain, saka ibinahagi ang dalawang takupis sa magkaibigan. Ang ganitong uri ng salaysay ay tila hango sa Biblikong alusyon, nang magtalo ang dalawang ina sa harap ni Haring Solomon hinggil sa kung sino ang marapat kumuha ng sanggol (1 Hari 3: 16–28). Kaugnay din iyon ng de-ilustrasyong “Si Pagong at si Matsing” na hinango ni Rizal sa kuwentong bayan na ukol sa magkaibigan ding nagtalo at naghati sa tiniban ng saging. Ano’t anuman, ang “Paalaala sa mga Mapag-usapin” ay hindi simpleng pagpapatawa lamang. Inuusig nito ang pagtatalo sa mumunting bagay na hindi dapat pagtalunan, samantalang iginigiit ang halagahan ng pagbibigayan ng magkaibigan. Ang hukom ay hukom lamang sa pangalan, dahil kahit siya ay manlalamang at kakainin ang dapat sanang pinaghatian ng magkaibigan.

Sa isa pang akdang pinamagatang “Ang Magkapatid” ni Rizal, inilahad ng persona ang masaklap na pangyayari sa buhay ng mahihinuhang ulilang magkapatid na pinagmalupitan ng kanilang ale (i.e., tiya). Dating mayaman ang ale ngunit naghirap pagkaraan, at pinagbuntunan ng lupit ang magkapatid. Magbubulay ang isa sa magkapatid, ayon sa pagunita ng persona, kung gaano ang ginhawang matatamo sa paglayas sa poder ng ale, ngunit magwawakas sa pangangamba: “Makapangangako kayang tutugon, at di lulubay, yamang ang sala o hina ng isa’y makapapahamak sa lahat?” Ang tanong ay patungkol sa pagtutulungan ng magkapatid. Hindi sinagot ang nasabing tanong, ngunit ang tanong na iyon ay umaalingawngaw magpahangga ngayon sa mga nakikibaka tungo sa ganap na ikagiginhawa ng ating bansa.

“Sa Ngalan ng Diyos” ni Faustino Aguilar

Mapanganib ang pluma ni Faustino Aguilar dahil niyayanig niya ang pundasyon ng simbahan at pamahalaan, at nagbubunyag ng mga kakatwang kaugalian, sa pamamagitan ng kaniyang mga nobela. Isa sa mga makapangyarihang nobela niya ang Sa Ngalan ng Diyos (1911) na tumutuligsa sa ordeng Heswita, na kinabibilangan ng mga paring bumibilog ng isip at lumulumpo sa kalooban ng babaeng maykaya, upang maangkin ang salapi, puri, at katawan niya.

SIMBAHAN, kuha ni Bobby Añonuevo

SIMBAHAN, kuha ni Bobby Añonuevo

Napakagandang isapelikula ang nasabing nobela. Masinop na huhubugin ni Aguilar ang mga pangunahing tauhang gaya nina Carmen, Padre Villamil, at Eladio, at susuhayan ng mga tauhang gaya ng Mr. Roland, Dolores, Ventura Rodriguez, Padre Superyor, at Dure. Bubuksan ang tagpo sa pag-uusap nina Padre Villamil at Padre Superyor, isang gabing masungit ang panahon, at ipapahiwatig ang balak nilang akitin papaloob ng kumbento si Carmen na tagapagmana ng ekta-ektaryang lupain at limpak na kayamanan. Ang maitim na balak ng dalawang pari ay tila sumasalamin din sa maiitim nilang sutana, at kaugnay ng pagnanasang isalba sa kahirapan ang Kompanya ni Hesus at matustusan ang materyal na pangangailangan ng mga pari.

Si Dolores, kasintahan ng Amerikanong si Roland, ay makikipaghiwalay sa kaniyang minamahal dahil sa di-matanggap na tsismis na nagmumula rin sa mga pari. Sa labis na lungkot, lalapit si Dolores kay Padre Villamil, at ang konsultasyon at pangungumpisal ay maghuhunos na makamandag na usapang hahatak kay Dolores para talikdan ang daigdig at pumasok na madre sa kumbento. Si Eladio, na utusan ni Dolores, ang makapapansin sa masasamang balak ng mga pari sa nasabing dalaga, at ipaghihimagsik ng loob ang gayong pakana. Ngunit kailangan niyang sumandig kay Dolores upang buhayin ang kaniyang asawang si Dure, at kailangan niya si Padre Villamil upang maging tulay kay Dolores at gawin siya nitong katiwala sa mga bukirin o ari-arian.

Ang kagandahan at kayamanan ni Dolores ang pagnanasahan nina Padre Villamil at Eladio. Higit na malupit lamang si Padre Villamil, dahil yamang batid nito ang pagkamuslak (i.e., naivete) ni Dolores, ay gagamitin ang katusuhan upang magahasa ang dalaga at maangkin pa ang mga lupain nito. Samantala, malilibugan din si Eladio kay Dolores, at pagnanasahan nito ang katawan ng dalaga, subalit gagawin ito upang unahan si Padre Villamil, uyamin ang nasabing pari sa labis na kalibugan, at yugyugin ang katauhan ni Dolores para magising sa matagal nang katangahan. Si Roland lamang ay masasabing umiibig nang tapat kay Dolores, ngunit mahina rin si Roland bilang banyaga na hindi kayang amuin ang ilahas na loob ni Dolores. Ang pagkakalarawan kay Roland ay tila Tagalog imbes na Amerikano, gayunman ay hindi na mahalaga yamang ang ibig lamang itampok sa nobela ay ang pananaghili o panibugho ni Dolores sa kaniyang kasintahang nawala nang matagal.

Ipagpapalit ni Dolores ang lahat ng kaniyang kayamanan makamit lamang ang pinaniniwalaang langit na ipinangangako ng simbahan. Samantala, si Padre Villamil naman at ang kaniyang mga kasamang pari sa Kompanya ni Hesus ay naniniwalang kailangang matamo rin ang materyal na yaman sa lupa bukod sa pinaniniwalaang yaman ng kalangitan. Si Eladio ang animo’y anarkista na handang lumikha ng panununog, pagpatay, at panggagahasa kung ang buhay sa daigdig ay walang nang maidudulot na pag-asa. Ang naturang mga tagpo ay waring pabaligtad na paglalarawan ng mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nagsasabing hindi dapat sumandig sa ipinangangakong langit na hindi naman alam kung magaganap, bagkus magsikap na matagpuan ang langit dito sa lupa.

Pambihira ang nobela ni Aguilar dahil ipinakikita nito kung paano ang relihiyon ay nagiging lunsaran ng diyabolikong indoktrinasyon, gaya sa politika, at ng komodipikasyon ng kaligtasan at pananampalataya, na ang sukdulan ay ang pagkatiwalag sa sarili ng tao. Si Carmen ang ultimong halimbawa na maglalaho ang identidad nang pumasok sa kumbento, at malulugso ang puri, bukod sa mawawalan ng kayamanan. Makakamit nga ni Padre Villamil ang yaman, katawan, at kaluluwa ni Dolores ngunit mabubunyag naman sa madla ang kaniyang kabuhungan. Ang pagdiriwang kung gayon sa bandang dulo ng nobela ng gaya nina Padre Villamil at Padre Superyor ay pabalintuna ang epekto, dahil magngingitngit ang bumabasa sa gayong tagpo at isusumpa marahil ang sinumang Heswita na kanilang kilala noon. Ipinahihiwatig din sa nobela ang makatwiran at hinog sa panahong pag-aaklas, na dapat sanang ginawa ni Eladio, ngunit si Eladio ay hindi handa at tanging sarili lamang ang iniintindi.

Mabuting mabasa ng bagong henerasyon ng mga estudyante ang mga nobela ni Faustino Aguilar. Si Aguilar ay hindi karaniwang manunulat, bagkus linyadong manunulat na alam ang bituka ng Katipunan dahil isa siyang Katipunero. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang mga aral ng Katipunan ay pabaligtad niyang itinatampok sa kaniyang mga akda, kaya ang dating mga aral ng Katipunismo ay naipipihit sa kahanga-hanggang anggulo, at sumisilang na sariwa, matibay, at mabulas.