Salmo I, ni Georg Trakl

Salin ng “Psalm I,” ni Georg Trakl ng Austria.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Salmo I

Ikalawang Bersiyon

Para kay Karl Kraus

May liwanag na pinawi nang lubos ng hihip ng hangin.
May poso ng bayan na iniwan ng lasengggo noong hapon.
May ubasan, na sunog at itim, na sinapot ng mga gagamba.
May silid na pinaputi nila sa pamamagitan ng gatas.
Yumao ang siraulo. May pulô doon sa Timog Dagat
na tumatanggap sa Diyos ng Araw. Hinataw ang mga tambol.
Isinasayaw ng mga lalaki ang isinasadulang digma.
Kumekembot ang mga babaeng may palamuti ng mga dahon
at bulaklak, kapag umaawit ang dagat. O naglahong paraiso!

Iniwan ng mga diwata ang mga bulawang kahuyan.
Inilibing ang estranghero. Pumatak ang nangangatal na ulan.
Ang anak ni Pan ay lumitaw sa anyo ng manggagawa
na umiidlip kapag tanghali sa mainit na aspaltadong daan.
Ang mga dalaginding ay nakabihis sa lubos na karalitaan!
May mga silid na hitik sa mga kuwerdas at sonata.
May mga nagyayakap na anino sa malabong salamin.
Sa mga bintana ng ospital nagpapainit ang mga pasyente.
Hatid ng puting bapor ang nakahahawang duguang sakit.

Lumitaw ang kakatwang kapatid sa masamang bangungot
ng ibang tao. Nilarô ng kaniyang kapatid ang mga bituin
sa sukal ng mga abelyana. Ang estudyante, na tila kapares,
ay tinitigan siya mula sa bintana.
Sa likod niya’y nakatayô ang kaniyang patay na kapatid,
o di kaya’y naglalakad sa paikot-ikot na hagdan.
Sa lilim ng kayumangging kantanyas namumutla ang nobisyo.
Tumakipsilim sa hardin. Kumampay ang mga paniki sa klawstro.

Huminto maglaro ang mga bata ng mayordomo’t naghanap
ng mga ginto sa kalangitan.
Pangwakas na kuwerdas ng kuwarteto. Tumakbo ang bulag
na batang babae na nangangatog sa kahabaan ng abenida,
at pagdaka’y nangapâ ang anino niya sa malalamig na pader,
na pinalilibutan ng mga kuwentong-ada at sagradong alamat.

May hungkag na bangka na tuwing gabi’y tinatangay ng alon
sa maitim na estero.
Sa malamlam na sinaunang asilo, naaagnas ang mga bangkay.
Ang mga patay na ulila ay nakahiga sa gilid ng pader ng hardin.
Lumabas sa abuhing silid ang mga anghel na putikan ang bagwis.
Sumungaw sa kanilang nanganinilaw na pilik ang mga uod.
Madilim at pípi ang plasa sa harap ng simbahan, gaya noong dati.
Sa pinilakang talampakan nagpadulas ang dating mga búhay,
at ang lilim ng kondenado ay lumusong sa humihikbing tubigan.
Pinaglaruan ng salamangkero sa kaniyang hukay ang mga ahas.

Sa rabaw ng talaksan ng mga bungô, umalimbukad ang gintong
paningin ng Maykapal.

Dictatorship is no joke. Respect human rights. No to illegal arrest. Stop illegal detention.