Pesteng Yawa, ni Roberto T. Añonuevo

Pesteng Yawa

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nalimot kong umibig isang araw, at nang pumasok sa aking bintana ang sinag ng liwayway ay inakala kong talumpati iyon ng pangulo na mahilig magbiro at pambihira ang kodigo ng mga talinghaga kapag nagpapaliwanag sa madla. Nag-unat at naghikab ako, at ramdam kong tila nalagas ang lahat ng aking ngipin at buhok, at kung mumuráhin ko ang umaga ay pagtatawanan ako ng salamin. Napanaginip ko kagabi na kinulimbat ng mga langgam ang natitirang asukal sa kusina, at lalong dumami ang mga sundalo at pulis sa buong metropolis. Na hindi naman nakatinag, dahil walang sariwang imahen . Gusto kong bumangon ngunit parang nagkabaging ang kama at nililingkis ako nang hindi ko maunawaan. . . Kumuliling ang orasan, at pagkaraan, iniligtas ako ng tungkulin ng tandang at tahol ng nagugutom na aso laban sa halimaw na higaan. Tumindig ako, subalit ang aking mga paa ay ano’t yelong natutunaw. Lumakad ako at natigmak sa panlulumo ang sahig. Napadako ang mga mata ko sa kalendaryo, at naisip kong tatlong siglo na akong nakakulong ngunit hangga ngayon ay hindi pa namamatay. “Ganito ba ang masamang damo?” asik ko sa sarili. May kumakatok sa pinto, at ibig ko mang buksan ay ipinagkakait sa akin ng bait ang tagpo para sa sinumang panauhin. May kung anong vayrus ang kumapit sa aking katauhan; at kung mahahawa ang iba pang nilalang sa aking kalagayan (na wala akong pakialam at ayokong mandamay), marahil ay malilimot din nilang umibig, gaya ko, sa kanilang daigdig isang araw. Kinapa ko ang dibdib, at waring narinig kita— na paulit-ulit tinatawag ang aking pangalan. . . .

Ang Emperador, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Emperador

Roberto T. Añonuevo

Umiiyak na sanggol ang mga panalangin
Sa pusod ng dambuhalang katedral
Na kapatid
Ng tanikala ng mga barong-barong,
At narinig ito
Ng mga ibon
Ng mga mithi,
At lumipad at tinangay yaon
upang lumapág at humápon sa aking mesa.

Ang tinig, ano’t nagtitinikling
Sa mga lapis at ilang kinuyumos na papel!
Ipinaling ko ang tingin
Sa relo,
At kisapmatang huminto ang inog ng mundo
na tuminag sa aking espasyo.
Makahihindi ba ang langit sa munting anghel
Kung wala rito ang Maykapal?

Nag-iwan ng mga balahibo
Sa balintataw ko
Ang mga paglipad,
Ang pagód na pagód na paglipad,
At marahil, nakasalubong nito ang mag-anak
Na lumiban
Sa hapunan,
Subalit nangangarap ng kaligtasan sa labas
Ng bintana.

Baká tinangay ng mga tuka ang mga uhay
Na magpapasimula
Sa planong bukirin
Para sa mga mangingisda
Na napilitang kumahig sa buhangin?
Sakali’t gayon, ang hinaing ng karpintero
ay dapat tumbasan ng pagbuo ng mga ataul.

Sa papel na nakalapag sa mesa’y nakasulat:
“.  .  . At sa laberinto ng mga balón at yungib,
Kumakawag ang ilang isda na magpaparami
Nang likás para sa nagbabadyang tagsalat.”

Ang inosenteng iyak
Ay tumalbog-talbog sa rabaw ng aking mesa.
Kahit ako magtukop ng mga tainga
At pumikit
Ay naririnig ang sariling tákot na nakabibingi;
Parang mga kampanilya sa des-oras ng gabi
Ang mahabang pila
Ng mga kalansay
Na kumakatok sa guniguni.  .  .
Hinahabol din ako
Ng antigong batingaw
Mula sa mga umaasa’t alaga ng kuwarentenas
Sa ngalan man
Ng nabalam na rasyon ng mga de-lata’t bigas.

Sa akin ba sila maglilintanya ng hinanakit
Kung awtoridad
Na maituturing,
Habang umaalat ang mga pisngi sa pawis
Ng pagtitimpi, pagtitiis?
Ang araw na ito’y ilalaan pa ba sa hukluban?
Tanghalian ba ng mga pating
Ang mga bangkay na magbabalik sa laot?
Ang mga sagot ay anong gandang palaisipan
para sa mga yayao,
lalo’t paunti nang paunti ang mga gatong.

Ngunit kailangan kong dumilat
Sapagkat dapat gampanan
Ang tungkulin ng kataas-taasaan at realidad.
Ipinababa ko ang krus at watawat sa tore
At binasag
Ang hanay ng mga deboto—sa isang utos.
Ngunit hindi tumatahan ang sanggol.
Tumatahan ay hinding-hindi ang sanggol
Hanggang mag-ihit.
Hinipan ng simoy
Ang mga balahibo
Palabas ng bintana pagsapit ng liwayway,
At nagpaginhawa sa akin ang gayong tagpo.

At ako na nakaupo sa paboritong trono
Ay titig na titig nang walang pagkasawà
Sa nakalatag na mapa—
Ang mapa na natigmak sa lumigwak na tsaa
Na wari ko’y pamilyar na dagat
Ng mga luha
Mula sa mga sisinghap-singhap na anghel.
Sa ilalim ng bituin, sa ilalim ng pangalan
At ekis,
Nakaturo ang balani ng iniingatan kong
Paraluman
Sa isla ng Ikaapatnapung Gabi.
Umiiyak na sanggol ang mga panalangin. . . .

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Sila, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “They,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sila

Bakit kailangang bulabugin nila ang ating mundo?
Bakit kailangan nilang tapyasin habang lumalaon
ang mga marmol na monumento ng ating sapó-sapóng
gútom at pagpupunyagi? Ang ubod ng ating panahon

para sa kanila ay papel na pútong sa paghaharì,
at ang sigasig nating ipagsanggalang ang angking dangal
laban sa mga hishis-laguklok ng tumitinding hapdî
ay kakatwang bátik sa panig nila, na dapat pagtakpan.

Napopoot ka sa kanila, at likás lang na madamá,
nang mapanatili ang kalayaan ng iyong damdamin;
ngunit dapat nating baguhin iyan hangga’t makakáya
sa anyo ng karunungan at balanì, gaya ng sining.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

 

Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon

Roberto T. Añonuevo

Nakatulog si Meng Haoran at sinalubong ng mga uwak—
Ang mga uwak na busóg na busóg sa paglapà ng mga bangkay;
At ang mga bangkay na warat-warat ay napukaw ng sipol
Ng simoy, at tumindig, at naglakad nang humahagulgol. . .
Ngunit nanatiling nakahimlay ang makata sa piling ng awit
Ng napigtal na libo-libong dahon mula sa mga punongkahoy
Na tila ospital na umaapaw sa mga tao na may trangkaso,
Pagdaka’y naging hardin ng sigâ, habang tumutula ang usok

At apoy, at sumasayaw ang mga titik sa himig ng tik-tak-tok. . .

Dumilat si Meng Haoran sa aparato ng salot at bangungot,
At ang ibon ay naging daga at ang daga ay naging paniki,
At ang paniki? Isang tuldok sa libong saliksik ukol sa sakít,
Na puwang upang magduda kung siya pa rin ang makata, o isa
Nang partido ng mga burukrata na ang watawat ay pabrika
ng mga lamanlupa, na sinasaliwan ng awit ng manyikang hukbo.
“Ako ba ang panaginip para sa dinastiya ng setro’t estado?”
Walang ano-ano’y umalingasaw ang tala-talaksang kalansay,

Na nagmamapa sa mga milenyo’t konstelasyon ng mga imperyo.

Ang Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sandali

(para kay Raúl Jara)

Ang gunita ng CCTV at ang gunita ng mga mediko
ay malalim na sugat na bumubukás sa puso
ng isang Francisco—na maaaring makata o santo—
ngunit hindi maaangkin ninuman. Napalalakí
ang mga hulagway, nasasalà, napababagal,
na wari’y pelikulang di-matapos-tapos na pagdating
ng mga maysakit
na naubusan ng gamot o pinagkaitan ng mga dalaw,
at pagkaraan, ang mabibilis na pagliligpit
ng mga bangkay. . .
Sa panahon ng pandemya,
panandalian ang lahat, at hinuhubad ang maskara
para muling magsuot ng bago’t malinis na maskara,
humarap sa salamin at tanungin kung ikaw ang nakatingin,
at bumibigat ang suot na mga damit ng tungkulin,
bago tupdin ang hindi magiging tadhana ng mga diyos:
Ang makita na ang tao ay mortal, at butil ng alabok,
at pigilin ang luha sa salamin sa pagdami ng mga ulila.

Pumapalya ang CCTV sa kisame at ang gunita ng doktor
sa ilang pagkakataon, marahil sa labis na pagkayod,
ngunit kagila-gilalas
na nagtatala ng espasyo na mababalikan ninuman:
ang mga pangyayari na mapag-aaralan kung kailangan,
gaya ng alpabeto ng sakít at hermenyutika ng gamot,
o kaya’y palaisipang krimen at di-sinadyang pagkaligta,
ngunit napakaraming pangyayaring dapat burahin
at limutin (kung iyan ang makagagaan),
at tipunin ang nararapat para sa maaliwalas na búkas—
nang di-alintana na tumatakbo ang oras, na oras na
para kumain o magpahinga, na oras na para umuwi
sa di-mapakali’t nababagabag na pamilya.
Ang labas ng ospital ay maluwag na kalyeng tinatawid
ng antuking pusa, at ang kalooban ng dapat gamutin
ay masikip na panaderya, na lulutuin wari
ang libo-libong tinapay para sa hapunan ng iba,
at masayang pagsasaluhan sa kuwarentena ng pag-iisa.

Hindi nagsisinungaling ang CCTV, at nakikita ng doktor
na ang pighati ay hindi lámang sa isang Filipino o Italyano
at lumalampas sa anyo ng mga deboto o pagano,
na ang kaguluhan ay walang tatak dukha o mayaman,
na ang kagutuman ay tumatagos sa mga pader at panaginip,
at kung ano ang kaligtasan ay walang saysay na isilid pa
sa tugma at sukat at salimuot ng mga talinghaga.
Ang lagnat ng lungsod ay marahil pulmonya ng daigdig,
at kung naririto si Asklepiyos,
sasabihin ba niyang ang pagsuko’y wala sa bokabularyo?
Anuman ang balita, anuman ang agahan,
anuman ang klima’t aberya, makikinig tayo sa wika
ng pagkakaisa,
at magkakaisa,
para buhatin ang daigdig at ilipat sa loob ng dibdib,
at pagtitiwalaan ang mga gintong hibla ng mga alaala

noong unang pagkakataon, at kahit noong unang panahon.

Kuhang retrato ni Robina Weermeijer, at hango sa Unsplash.

Karpiyud, ni Roberto T. Añonuevo

Karpiyud

Roberto T. Añonuevo

Naglalakad na binata sa abandonadong abenida
ang ritmo ng gitara
ngayong ibinilanggo ng sálot sa loob ng tahanan

ang buong bayan.

Ang sálot, tila wika ng sabóg na pangulong maalam
sa batas ngunit abstrakto ang sintaks at hiwatig,
ay lumalaganap nang manhid malamig lumulutang—

at nakatanghod kami sa teatro ng katangahan.

Naglalakad na binata sa abandonadong abenida,
ang gitara’y sumasagot
sa palasyo na ang mga tao’y pagod gutóm siraulo

sa kahihintay
sa kung tawagin ay ayuda mula sa kabang-yaman.

Naglalakad ang binata sa abandonadong abenida,
at kung hihimig ang gitara,
ang himig ay naghihintay ang umaasang pamilya

sa likod ng barikada.

Kung may plano
ang gitarang umaawit sa binatang nag-iisa sa abenida,
malabo ang plano ng gobyerno sa paggugol ng pondo,

singhal ng mga artista sa isang kurot na komentaryo.

Ano kung mabagal ang saklolo at napakabilis iluwal
ang batas laban sa pandemya?
Nakalunok ba ng pagong ang Palasyo ng Malabanan?

Hungkag na kamalig ang aming pag-asa.  .  .  .

Humahaba ang píla ng mga bangkay sa krematoryo,
isa-isang nalalagas ang mga mediko,
heto’t pinupuyat pa rin kami sa sermon ng pangulo.

Matitiis ang kuwarantenas,
ang sabi ng gitara, ngunit ang negosyo’y umaaray,
at kaming walang suweldo’y unti-unting namamatay

gaya ng binatang mag-isa sa abenida.

Gayunman, ang talumpating garalgal ng pangulo
ay hindi naglalakad sa abandonadong abenida,
at kung magbanta pa’y butangerong ngumangawa—

iyan ang wika ng gitara
na sa mga kamay ng binatang naglalakad sa abenida
ay naghahanap ng lunas sa desesperasyon, depresyong

nakamaskara ng arlekin mula sa aklatan ng aklasan,
nakamaskara ng arlekin mula sa aklasan ng aklatan.

Social Distancing, ni Roberto T. Añonuevo

Social Distancing

Roberto T. Añonuevo

Ang súkat ng layo mo sa akin ang magtatakda
ng kapanatagan—na ipagpalagay nang malinis
na ospital o bagong hugas na mga kamay. . . .

Ang layo mo ay ang lapit ko sa paghihiwalay.

Lahat ay mapagdududahan, gaya ko sa tingin mo,
na sumakay ng eroplano; at ang eroplanong ito
ay maisasahinagap na umikot-ikot sa mundo,

at nang umuwi ay sakay ang tadhana ng ataul.

Ibinubukod ang tao sa kapuwa tao, na hindi ba
pagsasabing ang lahat ay iba na, iba sa iba?
Walang dahilan para tumawag o pumaswit.

Mamamatay ako sa sindak habang nasa loob.

Ang loob na ito ay maaaring sariwang resort,
o kaya’y paboritong sinehan o restoran,
ngunit hungkag, at ang nasa labas ay ikaw.

Pinagbubukod tayo ng bagay na lingid sa isip.

Mag-iingat ako at mag-iingat ka; kung kailan
darating ang kapahamakan ay laro ng síkiko,
ngunit maaaring pumasok sa bibig ilong mata.

Ang lumayo ka sa akin ay pagsasabi nang tapat.

Natulog ang mga pabrika. Naglaho ang mga dyip.
Nagsara ang mga tindahan. Walang tao sa daan.
At kahit silang magkasintahan ay tumatanggi

sa yakap o halik, o wikain ang salitang Pag-ibig.

Pangunungkán, ni Roberto T. Añonuevo

Pangunungkán

Roberto T. Añonuevo

I. Paghahanap
Nagugutom marahil ang mga diyos.
Nabubulabog ang ginintuang bukirin
sa laksang balang at sasambang tumatakip
sa buong liwanag ng araw.
Tinutugis ng mga gansa, itik, at bibe
ang pugad ng susô, kuhól, at linta.
Sinusundan ng anakonda ang mga bakás
at anino ng ligáw na manok at kambing.
At sa palumpong, tinitipon ng hantik
ang inugit na lamán ng isang kalabaw.
Dinadagit ng banog, banoy, at kasay-kasay
ang naglulundagang hito’t bangus sa lawa.
Humahalik sa lupa ang butiki’t nakikinig
sa pintig ng gumagalang gamugamo’t ipis.
Ilang ardilya ang manunulay sa tarundon
bago puksain ng nakaabang na bayawak?
Hinahawan ng antutubig ang kanlungan
ng biya’t langáray, at bumubuka ang bibig
ng buwaya sa nangangalisag na ilog.
Sinisinghot ng kaayaman ang mga sukal
upang mabatid ang nanlilisik na alamid.
Sinisibasib ng ilahas na putakti’t bubuyog
ang mahalimuyak na duklay at bulaklak,
at itinataboy ng anuwang ang mga kidang.
Nag-aalimpuyo ang hangin at lupa,
at nagtatagisan ang apoy at tubig.
Alumpihit sa gutom ang mga diyos ng daigdig.

II. Pagluluto
Kusina ang buong lawak ng daigdig:
Pinugot ang ulo ng munting tariktik
Ng punglo’t kutsilyo ng mga limatik.
Lumukso ang daga sa masel at dibdib.

Kinulob ng palad itong atang-atang
Bago pa ilatag sa mesa’t sangkalan;
Pigtal ang galamay ng pitong bangkalang
Upang ipanggisa sa sulak ng kalan.

Natuyo ang katas ng bayag ng baka
Paghalo sa lasa ng pigi ng usa.
Upang maiprito tulad ng gagamba,
Biniyak ang dibdib ng tulirong maya.

Nang durug-durugin ang musmos na kiti,
Nasunog ang pakpak ng mga paniki.
Dumapo ang bangaw sa pinggang napipi’t
Nabali ang buto’t kabang sa kawali.

Tinuhog ang ipis ng isang tenedor
At hinimay-himay ang igat at kuhol.
Uwak at palaka’y pinurga ng kastor
Binása ang atay ng pugateng baboy.

Nawindang yena’t binigti ang asno
Ng mga daliring mula eroplano.
Tinipon ang tungaw at sanlaksang kuto
Sa pusyaw ng mangkok at init-kaldero.

Matapos timbangin ang pugo at itlog,
Piniga’t niyugyog ang reyna ng pukyot.
Nang umaasó na ang tumpok ng uod,
Tumulo ang laway sa bibig ng diyos.

III. Pagkain
Maraming buntot ang iwinawasiwas
. . . . . . . . . .at nababahag ang mga titi o uri,
Maraming pangil ang binubunot
. . . . . . . . . .kapalit ng makamandag na dila,
Maraming balahibo’t matalim na kaliskis
. . . . . . . . . .ang naghuhunos na damit at alpombra,
Maraming bagwis ang itinitiklop ng punglo
. . . . . . . . . .upang bigyang katwiran ang baril,
Maraming hasang ang nalilinis o napipinid
. . . . . . . . . .kapalit ng akwaryum at de-lata,
Maraming insekto’t dinosawro ang tinitipon
. . . . . . . . . .upang maigayak sa diorama’t museo,
Maraming tao ang ipinaglilihi sa mga hayop
. . . . . . . . . .dahil asal-hayop ang may korona’t setro,
Maraming kabayo’t tandang ang ipinupusta,
. . . . . . . . . .at lumilipad ang salapi ng sugarol,
Maraming unggoy, daga’t pusa ang tinitistis
. . . . . . . . . .upang iangat ang siyentista’t mangmang,
Maraming diyos at alipin ang kumakain
. . . . . . . . . .at napupuno ang bituka ng likido’t lamán.

IV. Pagpipiging
Nagugutom pa ang mga diyos at maladiyos
at lumalabo ang mga mata ng di-kumakain.
Namimilipit ang mga talangka’t hinahablot
ang kamag-anak na alimangong gumagapang.
Nililingkis ng kobra ang pugad ng katipaw
at walang sisiw na bibilangin ang inahin.
Wala mang gadya’t halimaw na umuungol,
may tagak na umiitim kapag naghahanap
ng kalabaw, at may balaw-balaw na balisa
sa lahar at nuklear. Kumukupas ang bahaghari
at balát-hunyango, kayâ waring tumatawa
ang mga hayina sa mahabang magdamag.

Bumubulusok ang bulalakaw sa dagat
at nalulusaw ang pugita’t bituindagat.
Nagsasaliksik sa malalayong peninsula
ang mga pawikan, pating, at tambakol.
Paglundag ng lumba-lumba’t butanding,
may talipuso’t lambat na magtatagumpay.

Ano ang ikukumpisal ng libong kilyawan
sa humahaginit na bato’t mga punglo?
Nagpapahabaan ng dila ang tuko’t palaka,
at lumilisan ang kuliglig at mandadangkal.
Walang mahapunan ang mga balangkawitan.
Sino, sino ang inaawitan ng mga kutigpaw?

V. Pagtapik sa Tiyan
Kailangang dumighay, umutot nang malakas
ang mga diyos upang lubos na marinig
at madama ng lahat kiming nagugutom.
Kailangang tingalain ng mga kinakabagan
ang pagtinga sa ngipin at kabusugan.
Kailangang papintugin ang isip at tiyan.
Kailangang ibantayog ang isip at tiyan
at hayaang bumulag ng inggiterong paningin.
Hanggang sa pagninilay sa muling pagkain. . . .

Ngunit umaatungal ang bulkan at bundok
kapag hinahalukay ang atay ng mga lupain.
Dumadaluyong ang ilog, danaw, at laot
kapag sinusuyod ang pusod ng tubigan.
Lumalatay, pumapatay ang apat na hangin
kapag nagluluwal ng asido’t polusyon
ang mga abala-aburidong pabrika’t makina.
Pinaliliyab ng apoy ang balát at hininga
kapag nabubutas ang balabal ng kalawakan.

Kaya’t kapag marami na ang kumukulong tiyan,
kapag nagrerebelde na ang mga dila’t bituka
o nagpapakana ng digmaan ang puso’t utak,
kumakapit sa patalim ang mapuputlang labì
kahit pa managinip ng mga lagas na ngipin.
Aagawan muna ng hapag at ulam ang mga diyos,
ngunit dahil naubos, pineste’t pinagpistahan
ang lahat ng dapat makain—kinakailangang
itakda ang napakalawak, maringal na handaan
upang masimulang katayin, iluto’t lamunin
ang matataba, masesebong diyos ng daigdig.

1992

Guru, ni Roberto T. Añonuevo

Guru

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Ang sentro ang bulkan at ang bulkan ay umáhon sa palad ko noong isang araw. Hipan ito at lalong uusok at mapopoot. Takpan ito at mabilis sasabog. Ipinaloob ko sa bulsa ang aking kamao, at sa loob ng limang minuto’y wala na ang bulkang pinipigil umatungal. Maya-maya’y naramdaman ko ang apoy sa aking bayag, at ang bulkan ay pitong kilometro ang naratibo hinggil sa pag-iral ng paruparo. Ang paruparo? Kisapmata ang isang siglo, at marahil kayâ minamahal ng mundo. Isang taon ang lumipas, at ang gunita ng bulkan ay nagpasigla ng ekta-ektaryang rosas—na kakatwang pinakinabangan ng ibang lupalop. Maraming katwiran ang bulaklak, ngunit hindi nito kapalaran ang kapana-panabik na silakbo ng paikid na apoy. Hinahanap ko ngayon ang bulkan; at nang basahin muli ang palad, ang bulkan ay hindi na bulkan bagkus lumalargang kawan ng mga ibon. Kagila-gilalas na iginuguhit nito sa himpapawid ang ngalan ko habang lumilipad papalayo, at waring sumisigaw, nang hindi umuusal, na hindi ako, hindi ako ang sentro ng uniberso.

Tuhan, ni Roberto T. Añonuevo

Tuhan

Roberto T. Añonuevo

Kasinglaki ng dulo ng hintuturo ang mga kontinente
ng impormasyon—parang panaginip o bangungot—
. . . . . . . . . . . . . . . .  . , ,at sa isang iglap, makagigiba ng dibdib
at bahay; at ang gusali, gaano man katagal ipinundar,
ay nakatakdang magwakas at magsilbi sa pagpapahaba
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng mga bagong pampang.
Ingatan ang hintuturo.
Baka iyan ang lagusan tungo sa kubling-kamalayan.

Kapag naipit ang iyong daliri, o minalas na maputol
sa kung anong katwiran, ang karunungan ay espasyo
na magdiriwang sa siklo ng alingawngaw at kagutuman.

May sampung daliri, ngunit naiiba ang nakapagtuturo.

Ang memorya mo’y katumbas ng magagarang aklatan,
na magpapanalo sa ahedres at huhula ng mga bagyo.
Gayunman ay hindi ito madarama at walang pandama.

Mag-iisip kang nanunurot, at matututo ng panunumbat
ang bilyong daliring katumbas ng pindot o tinig o alon.

Gagayahin nila ang iyong daliri.

Hindi ba napahihinto ng lagnat ang trapik ng obrero
at ang mga palengke’y kontaminadong libingang
kahihindikang lingunin, kung hindi man dalawin?

Kumusta, kabalikat?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Kung maglaho kang anino’y
tiyaking maililipat sa dulo ng aspile ang utak o haraya,
at mapasakamay ng iba.
(Ganiyan ang pagpapaliit ng uniberso sa isang berso.)
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sa gayon, maireresiklo ang lihim
at katangahan at katotohanan, saka maaangkin ng iba
ang mga bantayog at libong limbagan.

Kapag nawala ka’y isisilang ang sangkatauhan.

Mapaiikot na ruleta ang mga lunggating ikinakahon,
ikinakarga, iniluluwas sa ngalan ng mga kasunduan.

Malalaos ang silbi ng raket at submarino, at mauuso
. . . . . . . . . .ang saranggolang lumulupig,
ngunit mananatili ang mga pambihirang hintuturo

para sa kapayapaan.

Ano nga ba iyan kung ihahambing sa maginhawang
paghinga? Magkano ang simoy ayon sa mga baraha
ng hinaharap?

Sapagkat nasa iyong hintuturo ang kawan ng balang
at nag-iisang uwak sa huklubang tuod ng bakood,
ingatan ang daliri.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Ingatan ang dulo ng daliri.

At kung ang kabulaanan ay makagagaan ng puso,
makaaasang maitutuwid ng isang hinlalato
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang paghuhugas ng kamay.