Nangangailangan ng bagong sistema ang produksiyon ng sangguniang aklat, na tinatawag ding “teksbuk,” sa Filipinas. Ang pagsusuri ng teksbuk ay hindi dapat mauwi lamang sa pagsala at pagsinop sa mga maling gramatika, palaugnayan, gamit, katibayan, at konsepto ng mga salita, gaya ng malimit gawin ni Antonio Calipjo Go. Kailangan ang pagtataguyod ng mahigpit na proseso mulang pangangalap ng datos at impormasyon hanggang pagpili kung ano ang paksang ilalahok at kung paano isasalin yaon bilang araling kayang humubog sa kasanayan ng mga bata. Ang mga teksbuk ay hindi dapat alingawngaw lamang ng mga teksbuk sa Singapore, Canada, United Kingdom, at United States bagkus sumasalalim sa mga pangangailangan ng Filipinas. Ang mga teksbuk ay hindi rin dapat nakakulong sa Batayang Edukasyong Kurikulum ng Departamento ng Edukasyon, bagaman handang sumunod sa itinatakda ng naturang ahensiya.
Upang magawa ito, kinakailangan ang pagbubuo ng sirkulo ng mga eksperto sa bawat larang, gaya ng panitikan, agham, araling panlipunan, matematika. Ang mga tao na ito ay dapat inaalagaan nang mahabang panahon, dahil sila rin ang mag-aambag nang malaki sa produksiyon ng teksbuk. Ngunit kahit ang mga ekspertong ito ay dapat may kasamang bihasang manunulat at editor, dahil hindi nangangahulugang kayang magsulat nang matino ang sinumang may doktorado o masterado sa isang larang.
Iminumungkahi rin ang pagbubuo ng sirkulo ng mga manunulat na siyang kabalikat ng mga eksperto. Sa Filipinas, masyadong tinitipid kung hindi man minamata ang mga manunulat imbes na bigyan ng sapat na sahod o pabuya para mapaganda ang teksto. Kailangan ang solidong sirkulo ng mga manunulat upang maging katuwang ito ng mga eksperto na pawang nagmumungkahi kung paano bubuuin ang aklat. Ang pagtutulungan ng mga bihasang manunulat, guro, eksperto, at iba pang tao ang susi sa mahusay na produksiyon ng aklat.
Bukod sa sirkulo ng mga manunulat ay dapat binubuo rin ang sirkulo ng mga editor ng bawat larang. Iminumungkahi ang pagtatalaga ng mga editor sa bawat yugto ng produksiyon, at laging nakakawing sila sa mga pangkat ng mananaliksik at sa sirkulo ng mga eksperto. Sa ganitong paraan, naibubukod agad ang matitingkad na mali sa teksto at napapalitan ng sariwa’t tumpak na datos at impormasyon.
Iminumungkahi ang abanseng pangangalap ng datos at impormasyon. Magagawa ito sa pagbubuo ng pambihirang silid-aklatan at artsibo sa panig ng publikasyon, bukod sa pagbubuo ng mga pangkat na ang tungkulin ay maging katuwang sa pananaliksik. Ang pangkat ng mga mananaliksik ay dapat umaayon sa kontemporaneong panahon, ngunit hindi dapat mangingimi sa pagbabalik sa ugat, kasaysayan, at paglago ng isang larang, gaya ng panitikan at agham. Ang tungkulin ng pananaliksik ay hindi dapat iniaasa lamang sa mga gurong manunulat, dahil kung minsan ay wala silang panahon pa para magsaliksik. Nahuhulog din sa bitag ang iba na mangopya ng ibang aralin sa ibang teksbuk o blog, o kaya’y gamitin ang sinulat ng kanilang mga estudyante nang may mailahok sa teksbuk.
Ang sistema ng produksiyon ay dapat pinadadali ng mga makabagong aparato at kagamitan, gaya ng kompiyuter. Ngunit hindi dapat tipirin ang pag-eedit sa papel at panaigin palagi ang pag-eedit sa kompiyuter iskrin. Lumulusot ang maraming mali sa teksto dahil inaakala ng iba na sapat na ang pagtitig sa iskrin. Magagamit ang sistema ng kompiyuter sa paglalatag ng mga teksto, at natitingnan agad kung ano ang mga naulit na paksa o nilalaman. Magagamit din ito upang mahugot ang mga kinakailangang salita, at mapalitan agad yaon.
Nagkakaroon ng problema sa pagsulat ng teksbuk sa Filipinas dahil ang pagdulog sa mga paksang susulatin ay pinaghahati-hatian ng mga guro o eksperto gaya ng tinapay. Ang paghahati ay ibinabatay sa bawat kabanata, kaya ang isang awtor ay malimit ulitin kung hindi man banggitin ang natalakay na sa mga naunang kabanata. Ang tagapag-ugnay ng proyekto ang naiiwang magsaayos ng mga paksa, at magsinop ng mga aralin, kaya hindi gaanong nalilinis o naitutuwid ang mga mali. Kung minsan, ang tagapag-ugnay ang tumatayong editor na hindi dapat. Ang ibang pabliser na nagtitipid ay uupa ng tagalabas na editor o tagapagtasa na titingin sa mga mali, at pagkaraan nito ay inaasahang malinis na ang teksto.
Ang pagbubuo ng teksbuk ay malayo sa pagbubuo ng pahayagan, bagaman may mapupulot sa proseso ng pag-edit sa isang pahayagan. Ang isang makapal na teksbuk ay dapat pinagbubuhusan ng isip ng 80 editor o higit pa, upang masala ang mga impormasyon, aralin, talahanayan, estadistika, tanong, at kung ano-ano pang kuntil-butil na lalamanin ng teksbuk. Ang bawat editor ay dapat may kabihasaan sa kaniyang larang, gaya ng agham o panitikan o kasaysayan, bukod sa magaling humawak ng wika. Nagkakaroon ng problema sa paggawa ng teksbuk dahil kung minsan ang isang pabliser ay bibili ng mga imported na teksbuk at iyon ang ipagagaya na lamang sa mga lokal na awtor. Ang napapalitan ay ang mga pangalan at lugar lamang, ngunit ang konsepto ay nananatiling kolonyal. Sa panukalang maramihang editor, ang bawat paksa ay natititigan nang matagal at napag-aaralan sa bawat yugto ng produksiyon. Natatasa rin nang maigi ang bawat kabanata. At ang mga pangkalahatang editor (na maaaring binubuo ng lima o pitong katao) ay napapagtuhog-tuhog ang mga aralin at walang nasasayang na salita o papel kapag nailatag na ang teksto.
Malimit na inuupahan ng mga pabliser ang mga guro na sumulat ng teksbuk dahil ang mga gurong ito ang magpapagamit din ng kanilang teksbuk sa mga estudyante. Na malaking pagkakamali. Sa ganitong sistema, ang mga guro ay hindi lamang naaatasang sumulat at mag-edit ng teksto bagkus ginagawa pa silang tulay para sa promosyon, distribusyon, at marketing ng mga aklat. Napipilitan ang mga guro na sumunod sa atas ng publikasyon, para maibenta ang sinulat nila at kumita kahit kaunti mula sa pabliser. Ang nasabing sistema ay masisipat na katamaran sa ngalan ng katipiran sa panig ng mga pabliser ng teksbuk, dahil imbes na umupa sila ng mga tagapaglako ng aklat ay ginagago pa nila ang mga guro. Sa kabilang dako, may matatamo ring dagdag na puntos ang guro kapag nailabas ang teksbuk, at iyon ang maisasaad niya sa kaniyang resume.
Isa pang sakit ng teksbuk sa Filipinas ay ang mababang kalidad ng papel at paglilimbag. Sinasadya ito upang mapababa ang presyo ng teksbuk, at kapag napunit o nasira ang aklat ay mapipilitang palitan yaon sa susunod na taon. Kung minsan, ang teksbuk ay ginagawa ring workbook, na may mga pahinang pinupunit o sinusulatan. Sinasadya ito upang maging isahang gamit lamang ang teksbuk at puwede nang itapon sa oras na masulatan ang mga puwang sa ilalim ng mga tanong. Dapat baguhin ang ganitong sistema. Dapat maging matibay ang papel, malinis ang limbag, at masinop ang pagkakatahi at pagdidikit ng mga pahina, gaya noong dati. Bukod na papel o kaya’y kuwarderno dapat ang sinusulatan ng mga estudyante, at hindi ang kanilang mga teksbuk. Ito ay dahil ang ilang tanong ay nangangailangan ng masinop na espasyo para sa sagot na pasalaysay o paglalarawan, gaya ng sanaysay. Mapangangalagaan din ang teksbuk, at maipagagamit pa ito sa susunod na mga mag-aaral.
Napapanahon na ring baguhin ang wika na ginagamit sa mga teksbuk sa Filipinas. Halimbawa, ang wika sa agham at matematika ay hindi dapat sa Ingles nakasulat bagkus sa Filipino. Ito ay upang mapadali ang paghahatid ng konsepto sa mga bata na iba ang pinagmumulan kompara sa mga Amerikano. Bagaman nakasaad sa patakarang bilingguwal na Ingles ang dapat gamitin sa naturang mga larang, kailangang suwayin ito kung nais talaga ng mga guro na maturuan nang mabilis, magaan, at mahusay ang kanilang mga estudyante. Nang gumawa ng teksbuk na Filipino ang UP Sentro ng Wikang Filipino noon sa mga larang na gaya ng matematika, pisika, agham, biyolohiya, at iba pa ay naunawaan agad yaon ng mga estudyante batay sa resulta ng mga pagtatasa. Ngunit nabigong maipagpatuloy ang proyekto nang magpalit ng pangulo ng unibersidad, at nasayang ang pagod at pagpupursigi ng mga dalubhasa sa kani-kaniyang larang.
Marami pang dapat baguhin sa sistema ng produksiyon ng teksbuk. Ang pagtutuwid ng teksbuk ay hindi lamang dapat batay sa baryotikong pamumuna, kundi man de-kolor na pamumulitika, ni Antonio Calipjo Go. Kailangang isaayos ng mga pabliser ang loob ng lathalaan nito, lalo na yaong kumikita na nang malaki-laki. Kailangang isaayos din ng pamahalaan ang sistema ng pagrepaso ng mga aklat, at magtatag ng ahensiyang magbibigay ng tatak, pabuya, at pagkilala hinggil sa mahusay na pagkakagawa ng teksbuk o anumang aklat. Kailangang isaayos ng pamahalaan at pribadong sektor ang promosyon at distribusyon ng mga teksbuk, para ang mga pabliser ay hindi kinakailangang suhulan ang mga administrador at punong guro ng mga paaralan. Bukod dito, dapat patawan ng malaking parusa ang mga pabliser na nagpapakalat ng mali, at nangangalap ng mga pipitsuging mga manunulat. Higit sa lahat, napapanahon nang bigyan ng sapat na bayad at atensiyon ang matitinong manunulat, editor, ilustrador, potograpo, layout artist, at iba pang kawani ng publikasyon, dahil nakasalalay sa kanila ang ikagaganda ng aklat at iba pang babasahin sa paaralan.