Round Table, ni Roberto T. Añonuevo

Round Table

Roberto T. Añonuevo

Nakikipaghuntahan ang mga ugat ng punongkahoy
sa mga ugat ng pana-panahong
palumpong o baging,
ani mo’y hinugot kay Sadhguru o sa dibuho sa komiks,
at kung ang mga ito ay papasok
sa aking bibig
ay maaaring lumabas sa tainga,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at gumapang
palapit sa mga mata, at tumimo sa mga balintataw
ang kagubatan, at maghunos na eksotikong libingan.

Katotohanan ang mesa, at nasasalat na katotohanan.

Pag-uusapan sa lupa at súkal
ang batis at estalaktita at dayaráy, at kung minsan,
kulog at kidlat,
punsô at balón,
ibubulalás ang kimkim na kabág o ahas o bulawan,
isisingit ang tiyaga
ng putakti at sakripisyo ng patpating kalabaw,
ililihim ang palakâ
o ang biya sa sipit ng talangkâ,
hanggang sumapit sa heolohiya ng tákot at mithi
na masisipat na pumutok na kuditdít o nalagas
na dahon sa kay lawak na alpombra ng mga lumot.

Nagpupulong ang mga punongkahoy—waring galít na galít
sa isa’t isa at nagsasapawan—
at anuman ang kanilang napag-usapan
(na lingid sa iyo o sa akin),
gaya halimbawa sa anyo ng bunga o patigasan ng bungéd,
ay pribilehiyong pailalim para sa mga karapat-dapat,
at diringgin
kahit piláy ang isang pakpak ng balitang lilikwad-likwad.