Umiiral ka sa Mukha ng Taglamig. . . salin ng tula ni Gëzim Hajdari ng Albania salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo Umiiral ka sa mukha ng taglamig bilang sugat. Walang tinag at banyaga sa di-perpektong espasyo, malimit masungit, hinihintay ang pantay na katahimikan ng buhangin upang kausapin ka nang lihim. Huwag magulat sa palaboy na ilog at bagong punongkahoy na wala rito noon. Sa palibot ng kisapmatang mga bagay, ang pagkawala ng mga makatang nagbibigkis ng langit sa lupa ay magpapatuloy. Sinasabing yayao tayo sa magkaaway na lupain. Ang mga taon ko: isang pagtakas sa nalilingid at muling pagkapukaw nang nahihindik sa gabi.
lupain
Sumpâ, ni Luís de Camões
Salin ng “O dia em que eu naci moura e pereça,” ni Luís de Camões ng Portugal Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Sumpâ Kapanganakan ko’y limutin; pawiin sa biglang pagpanaw nang hindi na muli magbalik sa dati. Kung ito’y sakali’t umulit, ilambong sa araw, lupain. Hayaang maglaho ang sinag. Hayaang ibunyag ng hulàng lahat ay yayao, uulan ng dugo’t sanlaksang impakto. Hayaan ang inang ang anak ay iwan. Hayaan ang bayang sindák, tumatangis at may mga mukhang maputla at pagod na maniwala pang ang mundo’y sasabog. Kayong bayang takót, tanggapin ang hindik sapagkat sa araw na ito dumilat ang kawawang búhay na batid ng lahat!
Pilosopiya, ni Pablo Neruda
Salin ng “Filosofia,” ni Pablo Neruda ng Chile Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Pilosopiya Masusubok ang katotohanan ng lungtiang punongkahoy sa tagsibol at balát ng lupa: Pinalulusog tayo ng mga planeta sa kabila ng mga pagsabog at pinakakain ng mga isda ng dagat sa kabila ng mga pagdaluyong: Mga alipin tayo ng lupain na nangangasiwa rin sa hangin. Sa paglalakad ko nang may kahel, nagugol ko ang higit sa isang búhay at inuulit ang globong terestriyal: Heograpiya at ambrosya. Ang mga katas ay kulay hasinto at puting halimuyak ng babae na tulad ng mga bulaklak ng arina. Walang matatamo sa paglipad upang takasan ang globong ito na bumihag sa iyo pagkasilang. At kailangang ikumpisal ang pag-asa na ang pag-unawa at pagmamahal ay nagmumula sa ibaba, umaakyat at lumalago sa kalooban natin gaya ng sibuyas, gaya ng mga ensina, gaya ng mga bansa, gaya ng mga lahi, gaya ng mga daan at patutunguhan.
Iba, ni Pablo Neruda
Salin ng “Otro,” ni Pablo Neruda ng Chile Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Iba Pablo Neruda Sa malimit na paglalakbay sa rehiyon na hindi pa naitatala sa mga aklat, nakasanayan ko ang mga lupaing sutil at doon ay walang nagtatanong sa akin kung ibig ko ba ng mga letsugas o kung higit kong pipiliin ang hilbás* na nilalamon ng mga elepante. At dahil ni wala akong maitugon, ako’y nagtataglay ng pusong dilaw. __________ *Hilbás [png. bot.]—— Mula sa Tagalog, ito ay isang uri ng palumpong at katumbas ng mint [Mentha albae-carolinae Heinr.Braun] sa Ingles.
Awit, ni António Botto
Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Awit Umaalimbúkad ang lupain sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon. Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho ang pandama para umibig: ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala, ng isang ngumingiti habang kumakanta. Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol na naglalaro sa damuhan at sa mga kahuyan na hitik at mayamungmong, sariwa, mumunting supling ng dahon na nagpapatalbog ng liwanag, pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay. Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan. Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog, at may banayad na dibinong himig na lumulukob nang walang tinag sa mukha ng mga bagay. Nagbabago ang mga mundo— at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao. Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap, at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi.
Mithi, ni Hanane Aad
Salin ng “أمنية” (Wish), ni Hanane Aad ng Lebanon
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mithi
May samyo ng paghimbing ang lupain.
Ang awit ay may halimuyak ng kalayaan.
Sabik akong langhapin ang aking kalayaan
Bago sumapit ang sukdulang pagtulog.
Sabik na akong awitin ang aking awit
Bago ako tabunan nang lubos ng lupa.
Animnapu, ni Yeḥyā Salīm ’Atalla
Salin ng “Sixty,” ni Yeḥyā Salīm ’Atalla ng Israel at Palestina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Animnapu
Animnapung taon kang nagdiriwang ng iyong pista opisyal
At para sa iyong pista opisyal
May animnapung ilog sa aking dugo
Animnapung taon kang nagdiriwang ng iyong pista opisyal
At para sa iyong pista opisyal
May animnapung panahong ginugol sa mga kampo
Animnapung taon kang kumakain ng kabutihan sa aking lupain
At narito ako
Animnapung taon na hinintay ang giikan para sa aking ani
Animnapung taon gayon nga
Ang pista opisyal mo ba’y darami pa matapos ang animnapu
Habang patuloy kang dumadalo sa mga paglilibing?
Huwag matuwa
Dahil ang pista opisyal mo’y may galak ng mga bagyo
Kapag binubunot ang mga bulaklak sa kandungan ng hardin
Huwag matuwa
Dahil ang pista opisyal mo’y damá ang apoy ng pagkasunog ko
Sa mga batas ng olokawstos
Huwag matuwa
At nasa harap mo ang lahat ng dokumento
Maghintay at maririnig mo
At mababása ang paghuhuramentado ng sugatan
Kilalanin ang kirot ng katotohanan
Siya na hindi tinuruan sa mga salita
Ay tuturuan ng mga riple.
Ang Pangwakas na Awit ng Pag-ibig ni Pedro J. Lastarria, alyas “El Chorito,” ni Roberto Bolaño
Salin ng “El Ultimo Canto de Amor de Pedro J. Lastarria, alias ‘El Chorito’,” ni Roberto Bolaño ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Pangwakas na Awit ng Pag-ibig ni Pedro J. Lastarria, alyas “El Chorito”
ni Roberto Bolaño
Sudamericano sa gotikong lupain,
Ito ang aking awit ng pamamaalam
Ngayong humahangos ang mga ospital
Sa mga agahan at oras na laan sa tsaa
Nang may paggigiit na tanging
Maipapataw ko lamang sa kamatayan.
Nagwakas ang ganap na pinag-aralang
Takipsilim, at ang nakaaaliw na larong
Walang patutunguhan ay nagwakas.
Sudamericano sa lupaing higit na masungit
Kaysa magiliw tumanggap, handa na akong
Pumasok sa mahaba, balatkayong pasilyong
Sinasabi nilang doon namumukadkad
Ang mga nasáyang na oportunidad.
Mito, ni José Antonio Ramos Sucre
Salin ng “Mito,” ni José Antonio Ramos Sucre ng Venezuela
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mito
Batid ng hari ang mga pag-aaklas at kaguluhang ginatungan ng pagkadismaya sa buong kabisera. Sa bawat hakbang niya’y sumasalubong ang mensahero ng madidilim na pangitain. Nagpasimuno siya ng nakagugulat na diyalogo hinggil sa isang malabong balita.
. . . . . . .Pumasok sa guniguni ng soberano ang pagkawasak ng sonang mataba ang lupain at ang pagkalipol ng mga magsasaka nito. Isang ilahas na tribu ang nakasilip ng pagkakataon nang mabulabog ang kaharian, at sinakop yaon sa pamamagitan ng mga karitong kargado ng mga karit. Ang ilang walanghiyang mangkukulam, na tagapayo ng mga barbarong pinuno, ay pabulalas na inihayag ang kanilang mga hula sa gitna ng nagliliparang alipato ng siga. Sa hihip ng maalinsangang simoy, ang duguang araw ay umahon mula sa mainit na nayon.
. . . . . . .Inilipat ng mga lalaki ng ilahas na tribu ang ilang tolda na yari sa balát na isinakay sa kanilang mga despiguradong aso, na uhaw sa dugo, at sumiping sa piling ng kanilang mga babae, nang panatag at magaan, sa loob ng mga yungib na pinagsanayan. Inilaan nila ang mga tolda para sa kanilang mga hepe.
. . . . . . .Bigong sinangguni ng hari ang hanay ng matatandang kapitan hinggil sa lunas sa estado, ang hiwatig ng balbas na pontipikal, at ang mapipiga sa maiikling usapan.
. . . . . . .Ang prinsipe, na kaniyang anak, ay sumabat upang sumingit sa konseho, na pinangibabawan ng nakaririnding katahimikan. Umimbento siya ng maginhawang pamamaraan at nagmungkahi sa kanila ng madaling diskurso. Taglay niya ang makapangyarihang diwain at mapagsalbang pandiwa. Nilisan niya ang pangkat ng mga nagugulumihanan.
. . . . . . .Sumuko sa usapan ang mga beterano, at umasa at sumunod sa kaniyang mga utos. Ang presensiya ng kabataan ay sumupil sa urong-sulong na tagumpay, at ibinuwal ang mga pakana ng mga rebelde.
. . . . . . .Hinarap ng bayani ang panganib sa tulong ng masilakbong madla. Noong araw na magbalik siya, inihimig ng maririkit na babae, mula sa asotea ng mga palasyo ng kabisera, ang awit ng sinaunang sekular na pumupuri sa bahaghari.
Caesarea, ni Czeslaw Milosz
Salin ng “Caesarea,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Caesarea
Nang pasukin namin ang sariwang tubigan ng Caesarea
O habang naglalayag paroo’t gumagala sa mga atlas,
nahihimbing ang mga kanawáy sa sipol ng mga tangos,
lumilipad sa wawà ang kawan ng gansa nang mahamog
ang umaga. Mga multo at tore’y lampas wari sa ulop.
Ang kutitap at tunog ay gaya sa nagpipingkiang metal.
At ang mga galeón, na dating nakasapit pa sa pantalan,
Ay ano’t naaagnas sa tarangkahan ng lungsod.
Ilang taon ang lilipas bago matuto nang di-nakauunawa.
Naglagalag kami sa mga palengke ng Caesarea,
Tinawid-tawid ang mga tagaytay at lawa ng lupain,
Nakilala ang maraming tao at paniniwala at wika.
Ngayon, nang maging kapaitan sa amin ang Caesarea’y
hindi pa rin sigurado: kung iniligaw kami ng kasakiman
Ng paningin, o sadyang pinaniwalaang nagkatotoo ito:
Ang aming bokasyon, ang aming unang tulak ng dibdib.