Salin ng “Midnight Turning Point,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Paghahatinggabi Matamang nagmamasid ang hantik, at tumitig sa kawalan. Ni walang maririnig kundi mga patak mula sa kulimlim ng mga dahon at malalalim na hilik ng gabi sa lambak ng tag-araw. Nakatindig ang abeto gaya ng kamay ng orasan, matinik. Kumikislap ang langgam sa anino ng buról. Humuni ang ibon! Sa wakas, marahang gumulong ang kulumpon ng ulap.
dahon
Awit, ni António Botto
Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Awit Umaalimbúkad ang lupain sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon. Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho ang pandama para umibig: ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala, ng isang ngumingiti habang kumakanta. Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol na naglalaro sa damuhan at sa mga kahuyan na hitik at mayamungmong, sariwa, mumunting supling ng dahon na nagpapatalbog ng liwanag, pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay. Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan. Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog, at may banayad na dibinong himig na lumulukob nang walang tinag sa mukha ng mga bagay. Nagbabago ang mga mundo— at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao. Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap, at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi.
Ilang Silbi ng Dahon, ni Don McKay
Salin ng “Some Functions of a Leaf,” ni Don McKay ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ilang Silbi ng Dahon
Bumulong. Pumalakpak sa hangin
at ikubli ang pipit.
Hulihin ang liwanag
at paganahin ang payak na gayuma ng fotosintesis
(paumanhin, ginoo, kung isa lamang ang salita)
na nagpapabanyuhay dito na maging kahoy.
Maghintay
na handang magpakain
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at maging pagkain.
Mamatay nang may estilo:
gaya ng punongkahoy na umurong sa loob ng sarili,
ipinipinid ang mga balbula
sa mga galamay nito
. . . . . upang gutumin sa teknikolor, at pagkaraang
magsilbi nang dalawang oras sa tumpok ng dahon
ng mga bata ay marahang
kakanawin ang mga bitamina nito tungo sa lupa.
Upang maging alagad ng sining ng mortalidad.
Paghuhukay, ni Edward Thomas
Salin ng “Digging,” ni Edward Thomas ng United Kingdom
Salin sa pandagdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Paghuhukay
Tanging sa halimuyak
Ako ngayon nag-iisip—mga samyo ng tuyong dahon,
At dawag ng pakô, at ilahas na buto ng karot,
At pitak ng mustasa sa bukid;
Ang mga amoy na umaahon
Kapag nasugatan ng pála ang ugat ng punongkahoy,
Rosas, groseya, sampinit, o gota,
Ruybarbo o kintsay;
Gayundin sa amoy ng usok
Na dumadaloy mula sa pinagsisigâan
Ng patay, ng basura, ng mapanganib
At lahat ng pinagbabanyuhay na katamisan.
Sapat nang
Sumamyô, durugin ang itim na lupa,
Habang inaawit muli ng robin
Ang malulungkot na himig sa natutuwang Taglagas.
Donselya, ni Elizabeth Willis
Salin ng “A Maiden,” ni Elizabeth Willis ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Donselya
Nang matagpuan ko ang mukha mo sa unan ng mga dahon
ay nagawa mo itong burahin. Ang pugad na napakabigat
ay makapananatili lámang sa langit sa tumbalik na paraan.
Sa ganitong batas nailalaso nang masilakbo ang mga tuhod.
Sinabi ko sa isang binatilyo.
Kung tagamanupaktura ang panonood, at nawala ka sa akin
anong uri ng anghel ang maipanghahalili sa isang dote
o distansiya sa ganitong galaw ng dahon?
Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon, ni Roberto T. Añonuevo
Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon
Roberto T. Añonuevo
Nakatulog si Meng Haoran at sinalubong ng mga uwak—
Ang mga uwak na busóg na busóg sa paglapà ng mga bangkay;
At ang mga bangkay na warat-warat ay napukaw ng sipol
Ng simoy, at tumindig, at naglakad nang humahagulgol. . .
Ngunit nanatiling nakahimlay ang makata sa piling ng awit
Ng napigtal na libo-libong dahon mula sa mga punongkahoy
Na tila ospital na umaapaw sa mga tao na may trangkaso,
Pagdaka’y naging hardin ng sigâ, habang tumutula ang usok
At apoy, at sumasayaw ang mga titik sa himig ng tik-tak-tok. . .
Dumilat si Meng Haoran sa aparato ng salot at bangungot,
At ang ibon ay naging daga at ang daga ay naging paniki,
At ang paniki? Isang tuldok sa libong saliksik ukol sa sakít,
Na puwang upang magduda kung siya pa rin ang makata, o isa
Nang partido ng mga burukrata na ang watawat ay pabrika
ng mga lamanlupa, na sinasaliwan ng awit ng manyikang hukbo.
“Ako ba ang panaginip para sa dinastiya ng setro’t estado?”
Walang ano-ano’y umalingasaw ang tala-talaksang kalansay,
Na nagmamapa sa mga milenyo’t konstelasyon ng mga imperyo.
Sawën, ni Annie Finch
Salin ng “Samhain,” ni Annie Finch ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Sawën
Annie Finch
(Célticong Todos los Santos)
Sa panahong dapat umibig ang mga dahon,
Yamang nagpaparaya ito sa kanilang lumiban
Para kumilos sa simoy, tungo sa sahig
Nagmamasid sila habang sila’y nakabitin,
At ayon sa alamat, mayroong kostura
Na tumatahi sa karimlan gaya ng pangalan.
Ngayong lumulukob ang damong yumayao
Sa lupa mula sa langit sa isang huling alon
Na maputla, gaya ng taglagas na namamatay
Upang ibalik ang taglamig, pagdaka’y tagsibol,
Tayo na namamatay ang sarili’y mahihiklat
Pabalik ang isang naiibang uri ng talukbong
Na nakabitin sa atin tulad ng makapal na usok.
Ngayong gabi, nadama ko sa wakas ang yanig.
Ramdam ko ang mga gabing humahaba palayo
Sa libong paraan sa likod ng mga araw
Hanggang maabot nila ang karimlan
Na ang lahat ng sa akin ay kanuno-nunoan.
Iginalaw ko ang aking kamay at nasalat
Ang hipo na kumislot sa akin, at nang palisin
Ko sa aking isip nang lagpas sa iba pa,
Ako ay naging ina ng aking ina.
Sintiyak ng mga hakbang sa naghihintay kong
Sarili, natagpuan ko siya, at naglabas
Ng mga bisig na hatid ang mga tugon sa akin,
Matalik, at wari’y naghihintay ng pabuya.
“Pasanin ako.” Iniwan niya ang bagnos na ito
Sa pamamagitan ng pangangatal ng belo,
At umalis, gaya ng ambar na kinalalagyan niya,
Isang regalo para sa walang hangga niyang titig.
Salmo I, ni Georg Trakl
Salin ng “Psalm I,” ni Georg Trakl ng Austria.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Salmo I
Ikalawang Bersiyon
Para kay Karl Kraus
May liwanag na pinawi nang lubos ng hihip ng hangin.
May poso ng bayan na iniwan ng lasengggo noong hapon.
May ubasan, na sunog at itim, na sinapot ng mga gagamba.
May silid na pinaputi nila sa pamamagitan ng gatas.
Yumao ang siraulo. May pulô doon sa Timog Dagat
na tumatanggap sa Diyos ng Araw. Hinataw ang mga tambol.
Isinasayaw ng mga lalaki ang isinasadulang digma.
Kumekembot ang mga babaeng may palamuti ng mga dahon
at bulaklak, kapag umaawit ang dagat. O naglahong paraiso!
Iniwan ng mga diwata ang mga bulawang kahuyan.
Inilibing ang estranghero. Pumatak ang nangangatal na ulan.
Ang anak ni Pan ay lumitaw sa anyo ng manggagawa
na umiidlip kapag tanghali sa mainit na aspaltadong daan.
Ang mga dalaginding ay nakabihis sa lubos na karalitaan!
May mga silid na hitik sa mga kuwerdas at sonata.
May mga nagyayakap na anino sa malabong salamin.
Sa mga bintana ng ospital nagpapainit ang mga pasyente.
Hatid ng puting bapor ang nakahahawang duguang sakit.
Lumitaw ang kakatwang kapatid sa masamang bangungot
ng ibang tao. Nilarô ng kaniyang kapatid ang mga bituin
sa sukal ng mga abelyana. Ang estudyante, na tila kapares,
ay tinitigan siya mula sa bintana.
Sa likod niya’y nakatayô ang kaniyang patay na kapatid,
o di kaya’y naglalakad sa paikot-ikot na hagdan.
Sa lilim ng kayumangging kantanyas namumutla ang nobisyo.
Tumakipsilim sa hardin. Kumampay ang mga paniki sa klawstro.
Huminto maglaro ang mga bata ng mayordomo’t naghanap
ng mga ginto sa kalangitan.
Pangwakas na kuwerdas ng kuwarteto. Tumakbo ang bulag
na batang babae na nangangatog sa kahabaan ng abenida,
at pagdaka’y nangapâ ang anino niya sa malalamig na pader,
na pinalilibutan ng mga kuwentong-ada at sagradong alamat.
May hungkag na bangka na tuwing gabi’y tinatangay ng alon
sa maitim na estero.
Sa malamlam na sinaunang asilo, naaagnas ang mga bangkay.
Ang mga patay na ulila ay nakahiga sa gilid ng pader ng hardin.
Lumabas sa abuhing silid ang mga anghel na putikan ang bagwis.
Sumungaw sa kanilang nanganinilaw na pilik ang mga uod.
Madilim at pípi ang plasa sa harap ng simbahan, gaya noong dati.
Sa pinilakang talampakan nagpadulas ang dating mga búhay,
at ang lilim ng kondenado ay lumusong sa humihikbing tubigan.
Pinaglaruan ng salamangkero sa kaniyang hukay ang mga ahas.
Sa rabaw ng talaksan ng mga bungô, umalimbukad ang gintong
paningin ng Maykapal.
Ang Lansangan, ni Octavio Paz
Ang Lansangan
Salin ng tulang “La calle,” ni Octavio Paz.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Mahabà at tahimik ang lansangan.
Binagtas ko ang karimlan, at natalisod at nadapà
at bumangon, at naglakad akong bulag, mga paa ko’y
tumatapak sa mga tahimik na bato at tuyong dahon.
May kung sinong nasa likuran ko ang nagpapakaluskos
din sa mga bato, dahon:
Kapag bumagal ako’y bumabagal din siya;
kapag tumakbo ako, takbo rin siya. Paglingon ko: walâ.
Ang lahat ay dilim at wala ni pinto.
Lumiko nang lumiko ako tuwing sasapit sa mga kanto
na patungo sa walang humpay na lansangang walang
kung sinong naghihintay, walang sumusunod sa akin,
at doon hinabol ko ang tao na nadapà
at bumangon at nagsabi sa akin nang makita ako: Walâ.
Taglagas Ngayon, ni Mihai Eminescu
TAGLAGAS NGAYON
salin ng tula ni Mihai Eminescu.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
Taglagas ngayon, kalat sa lupa ang mga dahon,
At naiiwan ang mga hamog sa may bintana;
Nagbabasa ka ng lumang liham na kupas, sira,
at binalikan ang iyong búhay minsan pa noon.
Sa munting bagay ay nalugod kang maglustay-oras
At nayayamot kung lumagitik sa may salamin;
Kung nagyeyelo sa labas-bahay, mas nanaising
Nabí sa siga saka payapang lubos-mangarap.
Umupo ako sa aking silya nang nakatitig
Sa apoy nitong lumang salaysay at adang reyna;
Sa paligid ko’y may singaw-ulop na lumalamig.
At kumaluskos ang mga sutlang nukaw sa akin,
Habang ang yabag na mararahan ay papalapit . . .
At tinakpan mo ng yelong kamay itong paningin.