Bumabakhtin Da Dawg, ni Roberto T. Añonuevo

Bumabakhtin Da Dawg

Roberto T. Añonuevo

“I shall return!” —Gen. Douglas MacArthur
“I am the Lord thy God. . .”— mula sa Aklat ng Exodus

Matututo balang araw ang ilog na tumiklop na isang papel, at ang papel na tumatahol ng mga salita na waring galing sa ambidekstrosong bathala ay magpapaunawa ng mga kalansay sa loob ng mga kontrata, ang kasunduan sa maboboteng huntahang bumubuti sa loob ng silid na naglalaman ng kabit-kabit na pag-ibig sa mansiyon o bantayog o paaralan, na kung hindi hawla ay galeriya ng mga aklat at gatasán ang kawawang guro, bumibiyahe sa langit para tumanyag na alagad ng poskolonyang moralidad, ikakatwiran ang kultura ng mga masunuring tuta, ngunit ipinagtatanggol ang kasaysayan ng pusa, o maysapusang isinasakay sa paglalakbay, marahil para makaipon tungo sa bagong proyekto, na gaya sa nobela’y hindi matapos-tapos sapagkat walang hangga ang gutom sa paghawak ng setro at teleskopyo, sinisipat ang anggulo ng bútas na lulusutan, umaahon na musika ng niresiklo at sintunadong katwiran, maamò ngunit ibig maging ámo, maraming tagapagtanggol na taliba at balita sa kawili-wiling dilim, kuripot sa grasya gayong waldas kung lunggati ang pag-uusapan, walang sinasantong batas at mahigpit sa teritoryo, lumalawak ang mga bakás na hindi tumatanda at di-nakatatanda, bukod sa nagpapahatid ng alingawngaw upang makarating marahil sa Norwega at makapiling ang kamukhang Noriega, malamig na humihimig sa ibabaw ng balikat ng mga trubador, animo’y lasing at hindi mapakali, nangangati kapag nag-iisa, bumibigkas ng walang kamatayang Ako, Ako ang Daigdig,  nagpapakadalubhasa sa paglundag at nasa puso kung kumagat, na ang kamandag ay hinahangaan ng madlang hindi nakabuklat ng diksiyonaryo, na ang nilalaman ay inaari para pagkakitahan kahit pag-aari ng bayan sapagkat tinustusan ng buwis at pawis ng karaniwang mamamayan, at ngayon ay pag-aari ng iisang pangalan, na higit magtatagal at paplantsahin ang gusot, dahil ang papel ay ilog ng mga tumatahol, na kagila-gilalas sa kolektibong pagmamahal na maibalik ang tubig na umagos para wasakin ang angking loob, at kung nagbabasá ka pa rin hanggang dito, ikaw marahil ang tunay na Aso ng mga Aso—na hinding-hindi ko ipagpapalagay na isang siraulo.

Ispahan, ni Andreas Embirikos

Salin ng “Ispahan,” ni Andreas Embirikos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lumukob sa nayon ang dumadagudog na bagyo. Sinalakay ng mga batong umaalulong ang mga gasalakót na lawa at ang napinsalang isda ay gumapang sa himpilan ng mga ermitanyo. Walang saklolong dumating doon at sumambulat ang atungal ng mga megalosawro sa magkabilang panig at ang mga kabute’y nanahimik sa mga aktuwal na pangyayaring lumulutang sa prusisyon ng kasal ng mga buntong-hininga ng kabataang planeta. Pagkaraan, hindi na muling naibalik ang dati. Nabigong umiral ang kapanatagan bilang tunay na entidad. Pinigil ng mga kamelyo ang disaster. Namukadkad ang mga templo ng mga bangkay. Ilang kalapati ang nagpapagál dahil ang sápal ng lawa ay lumikha ng kanal sa pinakamakipot na yugto ng kanilang paglagos sa laksang panlilibak na niyurakan ng nababaliw na ingay ng mga ina at batang higit na mapayat sa mga kalansay ng paniki.

No to US aggression against Iran. No to assassination. No to economic embargo against Iran. Yes to humanity. Yes to poetry!.

Liwayway

May tapayan sa rabaw ng aking daliri, at nakasulat paikot sa bunged nito ang hulagway ng siklo ng dagat o simoy o bundok. Maaaring sinaunang fatek ang tatak, iginuhit ng matandang artesano, at sa payo ng pitho ay iniukit ang arkitektura ng uniberso. Kung sisipatin mula sa itaas, ang tapayan ay tila susong namumurok ang utong. Buksan ang takip ng tapayan at aalimbukad na usok ang mga anghel at kaluluwa mula sa kailaliman. Silipin ang loob ng tapayan at matutunghayan ang gunita ng tubig, butil, pabango, alak, o kalansay. Ititikom ko ang palad, at maglalaho ang tapayan sa palasingsingan. Hawakan mo ang aking kamao, marahang pisilin, at pagbukas ng aking palad ay maaasahan mong magbubukas din ang mga kulay ng Taglagas.

“Liwayway,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 23 Nobyembre 2009.

Sagop

Alapaap

Ito ang panahon ng kaniyang muling pagsilang. Marahil isa siyang iginagalang na pitho na ibinilanggo sa matibay na abram, pinabaunan ng dalangin at bulong ng kaniyang lipi, bago inilagak sa singit ng yungib. (Ibinabalik ang kaniyang binurong loob ngayon upang ipaloob sa kristal na kahon.) At ang kaniyang kalansay na dumanas ng ritwal ng paglilinis noon ay marahang hinugot na gaya ng sanggol sa puwerta ng sagradong karimlan. Nasilaw ang buo niyang katauhan sa lente, sinag, at kislap ng kung anong aparato. Nang ilapag siya sa hapag-tistisan, bahagyang bumuka ang kaniyang bibig na waring sumisigaw; sumungaw na luha sa kaniyang hungkag na mata ang bulawang kulisap; lumundag ang dagitab sa kaniyang maputing noo; saka biglang umihip ang simoy na waring nagbabadya ng siyam-siyam.

(14 Mayo 2005)