Bagong Taon ni Alejandro G. Abadilla

Pinakamaringal ang pagdiriwang ng Bagong Taon dahil nagpapagunita ito ng nakaraan at naghahatid ng pag-asa tungo sa hinaharap. Sumasangguni ang ilan sa mga manghuhula at pitho nang mabatid ang maaaring maganap sa mga susunod na buwan, at nang makapaghanda sa mga kamalasan o kaya’y malubos ang magandang kapalaran. May sumasandig naman sa pamahiin at agimat, at nagiging makatotohanan iyon sa tindi ng pag-iisip at pagdamang iniuukol ng sinumang mapaniwalain. Samantala’y may kumakagat pa rin sa gaya ng Kalendaryo ni Honorio Lopez, o sa elektronikong astrolohiyang makakalap sa cyberspace, bukod sa nagpapaputok o nag-iingay o naglulundag na parang itinataboy ang dambuhalang bakunawa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi ng Disyembre 31.

Isang tula na sinulat ni Alejandro G. Abadilla na pinamagatang “Bagong Taon” (1932) ang nagpapamalas ng sariwang pagtanaw hinggil sa pagbabago ng panahon. Nakapupukaw ito ng pansin dahil sa eksperimento ni Abadilla sa pagpuputol ng mga taludtod, bukod sa repetisyon ng mga salitang nakalilikha ng naiibang musika sa dating tugmaang ginagamit ni Francisco Balagtas Baltazar.

I.
Bagong sigla,
Bagong sigla ng pag-asang
Kung sa daho’y lantang dahon at tuyo na.
Bagong Taon,
Sa pagdatal mong mukha ay masaya,
Sumariwa itong pita
Pagkaraka!

II.
Bagong diwa,
Bagong diwa ng makatang
Kung sa bati ay batisang walang tula.
Bagong Taon,
Pag ngiti mo, ang batisa’y nagkamutya’t
Nang kumanta’y walang sawa—
Bakit kaya?. . .

III.
Bagong balak,
Bagong balak ng pangarap
Ay musmos pa’t walang kayang makalakad,
Bagong Taon,
Nang ang bata’y mahagkan mo ay lumakas,
At sa gayon, ang hinanap,
Kanyang palad!

IV.
Bagong aliw,
Bagong aliw ng mithiing
Kung sa puso’y kuyom-kuyom ng hilahil.
Bagong Taon,
Nang lumapit ka sa kanyang may paggiliw,
Nahango mo sa tiising
Maglilibing!

V.
Bagong taon,
Bagong taong muli ngayon
At ng bawat tao’y tila mayr’ong layon,
Bagong Taon,
Ikaw baga’y magbabalik kay Kahapon
Natigmak na sa linggatong?
Huwag gayon!

Binubuo ng limang bahagi ang tula. (Nakapasok ang mga linya 1, 4, at 7, ngunit hindi ko magawa rito dahil hindi ko alam ang HTML kodigo ng WordPress.) Ginamit ni Abadilla ang sukat na 4,8,12,4,12,8,4 sa bawat saknong na may tugmang isahan. Mapapansin sa tula na sinubok ang hati na 4/4 o kaya’y 4/4/4 na ang tanging sablay ay sa seksiyon IV, taludtod 5, “Nang lumapit/ ka sa kanyang/ may paggiliw/. . .” dahil ang pagsisimula sa panghalip “ka” ay magiging sintunado at alanganin ang parirala. Kinasangkapan sa tula ang repetisyon ng mga salita, diwa, at talinghaga, upang makalikha ng pambihirang musika. Halimbawa, ang pag-uulit ng salitang “bago” sa tuwing ikauna, ikalawa, at ikaapat na linya ay nagtatampok ng kombinasyon ng anapora at epistrope. Ang repetisyon ay hindi lamang sa panlabas na aspekto, bagkus panloob din, dahil sa inihahain nitong diwain na ang taon ay inihalintulad wari sa tao.

Sa tula, ang bagong taon ay nagbabadya ng “bagong sigla,” “bagong diwa,” “bagong balak,” “bagong aliw,” at “bagong taon.” Mahahalata na tantiyado ng makata ang pagkatalogo o paghahanay ng mga katangiang maaaring taglayin ng sinumang tao. Sa pagbabago ng panahon, nababago rin ang pananaw, kalooban, at lunggati ng mga tao na parang nagpapaalingawngaw sa matandang kasabihan ng Maranaw: “Mia-alin so mosim na kaonton so tao” (Nagbago ang taon, tao ay nagbago). Sa mga Ilokano, ang pagbabago ng taon ay pagbabago rin ng ugali (Iti baro nga tawen/ Bago nga ugali).

Ipinakikita rin sa tula ni Abadilla na ang panahon ay hindi estatiko, bagkus ito’y umaandar at sa ayaw man o sa gusto ng tao ay mapipilitan siyang tangayin ng agos ng pagbabago. Ang transpormasyon ng mga pangyayari ay hindi lamang matatagpuan sa bawat seksiyon ng tula. Nalalagas ang mga tuyot na dahon at mapapalitan ng sariwang dahon, na pagsasadula ng siklo ng buhay at resureksiyon. Nagpapabukal ang bagong panahon ng sariwang diwaing walang pagkasaid. Nagkakaroon ng gulugod ang mga balak at natutupad ang pangarap sa tumpak na panahon. Napapalitan ang lungkot at humahalili ang kasiyahan. Ngunit ipinagugunita rin ng tula na huwag nawang magbalik pa sa nakalipas na “tigmak sa linggatong” (i.e., hilahil at ligalig) na animo’y walang kalutasan kapag inisip. Kapag pinag-ugnay ang bawat seksiyon, makabubuo ng isang buo’t pambihirang katangian ng Bagong Taon, at ito ang dapat pahalagahan ng lahat.

Sa pangwakas na yugto ay ibig wakasan din ang pagkabansot, at humahatak sa mambabasa na humarap sa maaliwalas na bukas. Ngunit magagawa lamang ito kung mababatid ang madidilim na yugto ng nakaraan, at maitutuwid ang mga pagkakamali noon, nang maiwasang maulit ngayon at sa darating na araw. Bagaman ang panahon ay nagpapagunita ng kamatayan, gaya sa kawikaan ng Waray (Lakat han panuigon,/ Lanat han kamatayan), ang panahon din ang magbubunsod ng progreso, gaya sa isinasaad ng kasabihang “Sa lakad ng panahon,/ lahat ay sumusulong.”

Magandang bigkasin ang tulang ito ni Abadilla. Maaaring bigkasin ito ng isa o limang tao na waring nagsasagutan, at bawat bumibigkas ay may kani-kaniyang himig. Maaari ding lapatan ng musika ang tula, dahil ang repetisyon ng mga salita at diwain ay madaling masasagap ng makaririnig. Ano’t anuman, ipinakikita lamang ni Alejandro G. Abadilla na kahit noon ay sinimulan na ang paghahanap ng bago hindi lamang sa tula, kundi maging sa ating pagsagap ng mga bagay-bagay na malimit kinakaligtaan, kung hindi man pinahahalagahan, sa ating paligid o daigdig.

2 thoughts on “Bagong Taon ni Alejandro G. Abadilla

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.