Mga Siyokoy na Salita

“Siyokoy” ang taguri ni Virgilio S. Almario sa mga salitang hiram sa Espanyol o Ingles na sablay ang pagbaybay sa Filipino. Ibig sabihin, mahirap iyong mabatid kung Espanyol ba o Ingles ang pinagbatayan ng panghihiram. Maituturing ang salita na alanganin at di-tiyak ang anyo kumbaga sa tao o hayop o halaman.

Halimbawa na rito ang “komento.” Ang salitang ito ay mahihinuhang alanganing Ingles na “comment” at Espanyol na “commentario.” Kung gagamiting batayan ang Ingles, ang baybay ay maaaring maging “koment.” Samantala, magiging “komentaryo” naman kung Espanyol ang panghihiraman. Ngunit pauusuhin ang “komento” ng mga komentarista at brodkaster sa radyo o telebisyon, hanggang pumasok sa daigdig ng internet. Kahit sa WordPress ay nauso ang “komento” ngunit kataka-takang walang “komentista,” “komentor” o “komentador” na pawang siyokoy din. Mabuti na lamang at binago muli ang “komento” nang punahin at ibinalik sa “komentaryo” o “puna.”

Ang tanong: Dapat bang tanggapin ang siyokoy na salita? Maaari itong tanggapin, ngunit hindi maipapayong gamitin dahil ang paggamit niyon ay senyales ng kamangmangan sa pagbaybay at pinanghihiraman. Maituturing na balbal ang siyokoy na salita, gayunman ay higit na mabalasik kaysa sa naunang salita dahil kaya nitong palitan ang nakamihasnang pagbaybay at magpauso nang bara-bara sa pagbubuo ng salita.

Ang siyokoy na salita ay madaling matukoy kung mahahalatang hiram ang salita. Maihahalimbawa ang “kontemporaryo” (contemporaneo) na dapat baybaying “kontemporaneo.” Malimit ding gamitin ang “aspeto” na di tiyak kung hiniram ba sa “aspect” o “aspecto” at dapat baybaying “aspekto.”  Ngunit may siyokoy din na maituturing kahit sa Filipino nagmula ang salita. Maihahalimbawa rito ang “sakin” (sa+akin) at “sayo” (sa+iyo) na pawang nauso nang lumabas ang selfon at ang laos na pager.

Ang kaso ng “sakin” at “sayo” ay halimbawa ng pagtitipil, ayon sa panutong binuo ni Iñigo Ed. Regalado, na pinagdirikit ang dalawang salita upang lumikha ng bagong salita, at ang pagtatambal ay ginagamitan ng taktika ng pagpungos sa unahang pantig ng ikalawang salita. Bagaman katanggap-tanggap ito sa teks, kasumpa-sumpa naman iyon sa pormal na pagsulat dahil ang “iyo” at “akin” ay pinagkakaitan ng ganap na pagkilala ng kaakuhan bilang panghalip panao.

Malubhang sakit ang “sakin” at “sayo” dahil maaaring maipagkamali yaon sa “sakim” at “sakitin” o “sáya” at “sayá.” Bukod dito, ang katagang “sa” ay mapupuwersang maging unlapi [prefix] kaya ang lahat ng ugat ng salitang mapalapit sa “sa” at nagsisimula sa patinig ang pantig ay may posibilidad na kainin nito para mapaikli ang dalawang salitang pinagtambal. Magdudulot ito ng malaking kalituhan, at nakikina-kinita ko ang pagsumpa ng taumbayan sa gayong kalakaran.

Ang kataka-taka’y sumulpot ang salitang “diba” na pinagdikit na “di” (hindi) at “ba.” Sa kasong ito, malaking problema ang pagdirikit ng mga salita dahil kayang tumayong mag-isa ang tinipil na “di” at ang katagang “ba.” Ang “diba” ay mahihinuhang simpleng kamangmangan ng pagtitipil o pagtatambal ng salita, at malayong-malayo sa “diva” na pinauso ng mga bakla. Kung palulusutin ang “diba,” tiyak na aangal ang “dina” na pinagtambal na “di” (hindi) at “na” na pawang magpapadugo ng ilong kahit ng kapangalan nitong artista.

Nakagugulat na ang bagong henerasyon ng mga kabataan ay halos hindi napapansin ang paglaganap ng siyokoy sa kanilang mga akda. Maaaring senyales ito na nakaligtaan na ang pagbabasa at pag-aaral ng Filipino, at ang Filipino na lumalaganap ngayon ay nananatili sa estado ng balbal at kabalbalan lamang. Dapat maging maingat hinggil dito, dahil ang mga siyokoy na salita ay maaaring umahon sa tubigan ng kamangmangan at habulin at paslangin tayo nang walang kamalay-malay.