Higit na Mautak si Zorro

Higit na Mautak si Zorro

( “El Zorro en más sabio” ni Augusto Monterroso
Salin mula sa orihinal na Espanyol ni Roberto T. Añonuevo)

Naaburido isang araw si Zorro dahil sa hirap at lungkot, kaya nagpasiya siyang maghunos na manunulat, na pinagbuhusan niya ng loob kaagad, dahil nayayamot siya sa tao na magsasabi ng isang bagay ngunit salungat ang gagawin.

Magaling ang una niyang aklat, at matagumpay; umani yaon ng palakpak sa sangkalupaan, at mabilis isinalin (bagaman sablay kung minsan) sa iba’t ibang wika.

Hinigtan ng kaniyang ikalawang aklat ang una, at ang ilang propesor mulang Hilagang Amerika na pawang bigatin sa akademya ay masiglang pumuna at sumulat ng mga aklat hinggil sa mga aklat ni Zorro.

Nalugod nang sandaling yaon si Zorro, at pinalipas ang mga taon nang walang inilalathalang akda.

Ngunit pabulong na umangal ang ibang tao, at inulit: “Ano ba ang pasanin ni Zorro?” At kapag nagkita sila sa mga pagdiriwang na may inuman ay paliligiran nila si Zorro para tanungin kung bakit tinalikdan nito ang pagpapalathala.

“Pero nakapagpalathala na ako ng dalawang libro,” tugon niya nang may pagkainis.

“Mabuti iyan,” ang sagot nila, “kaya dapat ka ngang magpalathala pa ng maraming akda.” Hindi umimik si Zorro, ngunit nawika niya sa sarili: “Ang totoo’y ibig nila akong maglabas ng masamang aklat; ngunit dahil ako si Zorro, hindi ko gagawin iyon.”