Balatong Pampolitika

Mataas na pagkilala na maituturing ang pagtanggap ng anumang gawad o parangal, lalo kung may kaugnayan sa sining. Nagiging matamis ang gawad kung karapat-dapat tumanggap ang isang alagad ng sining, gaya ng manunulat o pintor o eskultor o kompositor, at ang mga kasama niya sa larang ay umaangat din kahit paano ang estado dahil pinagpupugayan sa pinakamataas na paraan ang kanilang kasama. Ang gawad ay iniuugnay sa simbolikong tagumpay, at nakahihigit sa pabuyang salapi, bagaman makapagbubukas din yaon ng pinto sa sinuman upang makilala sa daigdig.

Hindi naman ibig sabihin na kapag nabigong tumanggap ng gawad ang isang tao ay bigo na siyang maituturing sa kaniyang larang. Di-iilang manunulat, gaya ni Iñigo Ed. Regalado, ang tumangging tumanggap ng gawad kung nararamdaman nilang ang gawad ay ginagamit na balato, kung hindi man kasangkapang pampolitika, ng mga awtoridad. Pipiliin nila ang manahimik dahil buo ang tiwala nila sa sariling kakayahan, at hindi kailanman mapapupusyaw ng pagkaligta ang kanilang ambag sa piniling larang.

Nagbago na ang panahon ngayon. Pinakamagandang halimbawa ang panghihimasok ng pangulo ng Republika ng Filipinas hinggil sa pamimili kung sino ang dapat tanghaling pambansang alagad ng sining. Ang pagpili ng mga tao na mapapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining ay napakahigpit, at dumaraan sa maiinit na talakayan at deliberasyon ng mga lupong binubuo ng mga kinatawan ng bawat larang ng sining. Pinag-aaralan nang maigi ang naging ambag ng bawat kandidato, at dumarating sa yugtong kinakailangang may isang tagapagtanggol ang kandidato sa harap ng mga lupon upang ipaliwanag kung bakit karapat-dapat magwagi ang kaniyang manok.

Ngunit sa oras na makialam ang pangulo, ang kaniyang piniling mga kandidato ay sapilitang maipapasok sa listahan ng mga pararangalan. Karapat-dapat na magwagi bilang Pambansang Alagad ng Sining ang tulad nina Manuel Urbano, Lazaro Francisco, Federico Alcuaz, at Francisco Mañosa Ramon Santos na pawang pinili ng mga lupon sa sining. Ngunit por diyos por diyablo, nanghimasok muli si Pang. Gloria Macapagal Arroyo na pumili kina Cecille Guidote Alvarez, Carlo J. Caparas, at Pitoy Moreno! Isang mariing sampal ito sa buong pamayanan ng sining at panitikan, at lalong magpapababa sa kredibilidad ng pambansang institusyon.

Hindi ko kaaway sina Alvarez, Caparas, at Moreno ngunit sasabihin kong hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining. Kung kinakailangang bigyan ng gawad si Moreno ay dapat magmula lamang iyon sa hanay ng mga tagadisenyo ng damit at modista. Si Caparas naman ay kasumpa-sumpa kung ihahanay bilang manunulat o direktor ng pelikula, at lalong isusuka kung ibibilang sa larang ng sining biswal yamang hindi naman siya dibuhista o pintor o eskultor. At si Alvarez ay higit na magaling na politiko imbes na direktor ng dula, at ang kaniyang napipintong pagtanggap ng gawad ay lalong mababatikan dahil kabilang siya sa pamunuan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA/ Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining).

Naging tradisyon na yata ng pangulo na bigyan ng parangal ang mga tao na malapit sa kaniyang sirkulo. Ang pagbibigay ng ganitong gawad ay maituturing na “balatong pampolitika” dahil ang nagwagi ay hindi ang pinararangalan na gaya nina Alvarez, Caparas, at Moreno kundi ang pangulo mismo. Niyuyurakan ng pangulo ang prestihiyong dating taglay ng gawad, at waring sinasabi niyang kaya niyang magpasiya kung ano at sino ang karapat-dapat tanggapin sa larangan ng sining. Na hindi makatwiran. Ang tindig ng pangulo ay paglulugar sa mataas na luklukan, at ang awtoridad at pagsang-ayon ay laging nagmumula sa gitna. Isang bituin siyang iniinugan ng maliliit na planeta na kung hindi man sipsip ay kaibigan, at sinumang sumalunga sa kaniya ay walang pagkakataong mabigyan ng parangal. Higit pa rito, ang gawad ay nagiging parang kendi na maipamamahagi lalo kung malapit na ang halalan.

Naghahasik ng unos ang pangulo sa panghihimasok muli sa pamimili kung sino ang magiging Alagad ng Sining. Kung nabubuhay marahil si Francisco ay baka tanggihan niya ang gawad, dahil nalulukuban ng kontrobersiya ang isang pinagpipitaganang institusyon. Marahil ay hindi lamang tatanggihan ni Francisco ang gawad kundi babatikusin pa ang pangulo dahil ang ipinangangako nitong panlipunang pagbabago, gaya ng reporma sa lupa, ay nananatiling pangarap lamang ng mga magsasaka, gaya ng mababasa sa kaniyang mga nobela. Ngunit hindi na magagawa pa ito ni Francisco, dahil wala siyang kapangyarihan at impluwensiya gaya ng taglay ng kagalang-galang na Pangulo ng Republika ng Filipinas.

Pagtutuwid: Kabilang si Ramon Santos na batikang kompositor at musiko na pinili at inirekomenda ng lupon sa sining na dapat magwagi ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Siya, sa aking palagay, ang dapat inuunang parangalan kaysa sa mga isiningit na sina Cecille Guidote Alvarez, Carlo Caparas, Francisco Mañosa, at Pitoy Moreno. Ang pagkawala ni Santos sa listahan ay sukdulang panghihimasok ng pangulo sa mga lupon ng tagasala, dahil kaya pala niyang baligtarin kahit ang pangwakas na desisyon ng sirkulo ng mga eksperto sa sining.