Kaibigan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaibigan

Roberto T. Añonuevo

Dumarami sila, gaya sa bisperas ng pista, at magpapakilala, sakâ makíkipágsayá, habang ikaw ang bumabangkâ, ngunit biglang maglalahò kapag sumapit ka at tumindig o umupo sa gilid sa bangin. Hindi nila mauunawaan ang rikit ng panginorin, bagkus malululà sa panganib ng bato o alon na sasalo sa kanila sa kailaliman. Ikakatwiran nila ang kanilang seguridad, trabaho, pangalan, pamilya, at kung ano-ano pang bagay—iiwas sa iyong anyong sumasalungat sa agos na karaniwan—at hindi mo alam kung karapat-dapat sila sa taguring ibig. Ano ang kaibig-ibig sa kanila, at pagtalikod mo’y bumubukad ang kani-kanilang bibig upang magbunyag ng pangil, kamandag, o dilang lumalatay hanggang iyong anino? Mababait sila kung ikaw ay may silbi sa kanila, at iyan ang katotohanang ipagugunita ng iyong laptop o selfon. Masusubok sila sa alak o papel, at masusubok ang kanilang balak o koneksiyon, hanggang sa madamong lupaing kinatatayuan mo. Mabilis silang mapawi gaya ng usok mula sa kusina o sigâ, kapag dumarating ang maiitim na tsismis o balita. Ngunit ang totoo sa kanila’y hindi nang-iiwan, itaga mo sa bato, at hindi nangangambang maulingan ang mukha pagtabi sa iyo; o malangisan ang kamay, maghugas man siya ng kaserola’t pinggan, o kaya’y maghigpit ng lumuwag na tornilyo sa iyong pilipisan.

Stop illegal arrest. No to arbitrary detention.

 

Magsasalita ako hinggil sa pag-asa, ni César Vallejo

Magsasalita ako hinggil sa pag-asa

Salin ng “Voy a hablar de la esperanza,” ni César Vallejo
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . . . .Hindi ako nagdurusa sa hapding ito bilang César Vallejo. Hindi ako nasasaktan bilang artista, bilang tao, o bilang karaniwang nilalang. Hindi ako nagdurusa sa kirot na ito bilang Katoliko o Muslim o ateista. Sadyang may hapdi sa akin ngayon. Kahit hindi ako si César Vallejo, pagdurusahan ko pa rin ito. Hindi man ako artista’y pagdurusuhan ko pa rin ito. Hindi man ako tao o nilalang ay pagdurusahan ko pa rin ito. Hindi man ako Katoliko o Muslim o ateista, pagdurusuhan ko pa rin ito. Nararanasan ko ngayon ang sakít mula sa kailaliman. Ngayon ay sadyang tumatagos sa akin ang hapdi.

. . . . . . . . . .Nasasaktan ako ngayon nang walang paliwanag. Napakalalim ng aking sakít, na wala itong sanhi o hindi nawawalan ng sanhi sa sandaling ito. Ano ang ugat nito? Nasaan ang bagay na napakahalaga, na maaaring magwakas ang sanhi nito? Ang sanhi nito ay wala; at walang makapipigil sa magiging sanhi nito. Dahil bakit lumitaw ang hapding ito, nang dahil sa sarili? Ang hapdi ko’y nagmumula sa habagat, o amihan, gaya ng mga bugok na itlog na iniluluwal sa simoy ng ilang kakatwang ibon. Kung patay ang aking mapapangasawa, ang hapdi ay katumbas niyon. Kung laslasin nila ang aking leeg, ang kirot ay pareho lámang. Kung ang búhay, samakatwid, ay naiiba, ang sakít ay sadyang magkapareho. Ngayon ay nagdurusa ako nang higit na mataas. Ngayon ay sadyang nadarama ko ang sakít.

. . . . . . . . . .Sinisipat ko ang hapdi ng nagugutom na tao, at nabatid ko na ang kaniyang gutom ay higit sa aking pagdurusa, na kung ako’y mag-aayuno hanggang mamatay, kahit paano’y may susupling na dahon ng damo mula sa aking libingan. Katulad din sa gaya ng mangingibig! Nakabubúhay ang kaniyang dugo, na taliwas sa aking walang ugat at walang silbi!

. . . . . . . . . .Naniniwala ako na magpahangga ngayon, ang lahat ng bagay sa uniberso ay hindi makaiiwas na maging mga magulang o anak. Ngunit masdan ang aking hapdi ngayon na hindi magulang o anak. Wala itong likod upang kumulimlim, o wala itong sapat na dibdib para lumiwayway, at kung ilalagak sa madilim na silid, hindi ito makapagbibigay ng liwanag, at kung ilalagay naman sa maliwanag na silid, ni hindi ito makapagbibigay ng anino. Ngayon ay nagdurusa ako anuman ang mangyari. Sadyang tagos ngayon sa aking loob ang sakít.

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.

Ang Karahasan ng mga Oras, ni César Vallejo

Ang Karahasan ng mga Oras

Salin ng “La violencia de las horas,” ni César Vallejo
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . .Yumao ang lahat.
. . . . . . . .Namatay si Ginang Antonia, na namaos, na naghurno ng mga murang tinapay sa nayon.
. . . . . . . .Namatay ang kurang si Padre Santiago, na ibig batiin ng mga kabataan, at binabatì ang kung sino-sino: Magandang umaga, José! Magandang umaga, Maria!
. . . . . . . .Namatay si Carlota, ang may bulawang buhok, at iniwan ang isang sanggol, na pagkaraan ay mamamatay din, walong araw pagkalipas mamatay ang ina.
. . . . . . . .Namatay ang aking Tiya Albina, na malimit awitin ang mga minanang tiyempo at modo, habang nananahi sa mga loob ng koredor, para kay Isidora, na pagiging katulong ang trabaho, at labis na kagalang-galang na tao.
. . . . . . . .Namatay ang matandang bulag ang isang mata, hindi ko matandaan ang kaniyang ngalan, ngunit natutulog siya kahit sa sinag ng umaga, at nakaupo sa sulok ng pintuan ng ohalatero.
. . . . . . . .Si Rayo ay namatay, ang asong kasintangkad ko, at binaril ng kung sinong tao.
. . . . . . . .Namatay si Lucas, ang aking bayaw, na namayapa ang mga baywang, at natatandaan ko tuwing umuulan, at walang sinuman ang may gayong karanasan.
. . . . . . . .Namatay si Nanay nang dahil sa aking rebolber, ang aking ate sa aking kamao, at ang aking kuya sa aking duguang lamanloob, ang tatlong binigkis ng kung anong pighati, sa buwan ng Agosto noong mga sumunod na taon.
. . . . . . . .Namatay ang musikong si Méndez, ang matangkad at lasenggo, na humihimig ng malungkuting tokata sa kaniyang klarinete, na ang pagpapalawig ay nakapagpapahimbing ng mga inahing manok ng aming kapitbahay, bago pa man sumapit ang takipsilim.
. . . . . . . .Namatay ang aking eternidad, at pinupukaw ko ito ngayon.

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.

Ano ang Mangyayari, ni June Jordan

Salin ng “What Happens,” ni June Jordan
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ano ang Mangyayari

Ano ang mangyayari kapag inupuan ng aso ang tigre
kapag ang matabang lalaki’y nagbenta ng retrato niya
kapag ang dalaga’y itinusok sa loob niya ang espada
kapag ang elepante’y kumuha ng tasa sa estante

o ang higante’y nagsimulang humagulgol nang lubos
at ang malaking oso’y humulagpos ang pagkakakapit
o ang akrobat ay nagsimulang magpaimbulog
at ang mga gorilya’y nagsitakbuhan sa mga hagupit

Ano ang magaganap kapag umupo sa silya ang bata
at manood sa lahat ng aksiyon doon sa lupa at langit
o kapag ang mga paslit ay iniwan ang pinakadakilang
pagtatanghal sa daigdig
at panoorin ang sirkus?

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.

Sa Barangay ng Makata, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Barangay ng Makata

Roberto T. Añonuevo

Pumikit ang araw nang sanlibong taon,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at nang dumilat ka,
ang tula ni José Corazón de Jesús ay lumalakad sa tubig—
na mula sa walang kamatayang

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . matang-tubig ng iyong ama,
at naglalagos na sariwang hangin sa mga rehas ng bilibid.

Sa Harap ng Estatwa ni Éndimiyón, ni C.P. Cavafy

Salin ng “ΕΝΩΠΙΟΝ ΤΟϒ ΑΓΑΛΜΑΤΟϒ ΕΝΔϒΜΙΩΟΣ,” ni C.P. Cavafy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Harap ng Estatwa ni Éndimiyón

Sakay ng puting karwahe na hila ng apat
na mala-niyebeng múlo, na suot ang pinilakang
palamuti, ako’y sumapit sa Latmos mula Miletus.
Naglayag ako sa lilang trireme mula Alexandria,
upang magsagawa ng mga sagradong
ritwal—na pagsasakripisyo at líbasyón—
upang dakilain si Éndimiyón*.
Tunghayan ang estatwa! Tumititig ako ngayon
nang labis ang galak sa bantog na kagandahan
ni Éndimiyón.
Ang mga alila ko’y binuksan ang mga sisidlan
ng pabangong hasmin; at ang manigong papuri
ay pumukaw sa kaluguran ng lumang panahon.

* Éndimiyón—ang mitolohikong tauhan na kilala sa kaniyang pambihirang kisig at rikit. Hinimok ni Selene (ang Buwan) si Zeus ipailalim ang lalaki sa eternal na paghimbing, upang mapanatili niya ang kagandahan ni Éndimiyón at madalaw ito tuwing gabi.

Oleo sa kambas ni Johann Carl Loth, at pinamagatang

Oleo sa kambas ni Johann Carl Loth, at pinamagatang “Selene en Endymion,” (1660–1680?),151 sm carrier x 165 sm.

Pi Juan , ni Roberto T. Añonuevo

Pī Juàn

Roberto T. Añonuevo

Nagising ka isang araw, at ang presintong ito ay naging ospital. Nagagamot nito ang kanser ng lipunan, at may bakuna sa mga salot ng lansangan. Halimbawa, ang magnanakaw na pumasok dito ay lumalabas na nagtitikang pastor. Ang tigasing lumpen ay natitiklop na papel o gagambang bumibitin. Ang manyak ay nakakapon sa ehersisyo ng boksing o taekwondo. At ang tulak ay napaaawit habang nakaluhod at pinapupula ang talampakan. Paano silang lalaya kung abogado’y ampaw? Kailangang umamin agad sila sa krimen, o magagalit ang prosekyutor o hukom. Anumang pakiusap ng politiko ay matuwid, at sino kaming alat para sumuway o tumuwad? Lahat ng ibilibid dito ay makasalanan, hindi man litisin, at kung gayon, ay dapat iligtas para sa katarungan, kaligtasan, at kapayapaan. Mali ba ako, Mayór? Sumagot ka! Kailangan mo ng klirans? Bakit ka bumubulong ng areglo? Mababait kami rito! Magtanong ka sa aming mga reporter! Marami ka pang maririnig, at kung may kaso ka, sumunod ka lamang at madodoktor ang mga salita. Nadodoktor dito kahit ang mga papel na basang-basâ. Maraming doktor dito gayong walang titulo, at kung isa kang nars, makabubuti kung nasa tabi ng hepe ko.

 

Pulis Reporter, ni Roberto T. Añonuevo

Pulis Reporter

Roberto T. Añonuevo

Sumasaksi ka sa bagay na hindi mo naman nakita.
Sumasaksi sa pangyayaring pabor sa pulis patola.
Sumasaksi ka na parang ikaw ang siyang nakadroga,
Sumasaksi sa mga bulaan ang hulagway at lohika.
Sumasaksi ka gaya ng kasapakat na barangay kagawad,
Sumasaksi para tunghayan ang ebidensiyang huwad.
Sumasaksi ka sa suspek na ni hindi pa nalilitis,
Sumasaksi ka para siya’y kondenahin agad ng madla
At nang hindi na pumalag sa mga ibig ng alagad.
Sumasaksi ka ngunit hindi nagtatanong, nagsisiyasat,
Sumasaksi ka sa pabrika ng mga palsipikadong ulat.
Sumasaksi ka nang maikubli ang bugbog at banat;
Sumasaksi ka para maanggihan ng suhol ng tulak.
Sumasaksi ka gayong kasumpa-sumpang magsulat,
Sumasaksi ka para sa mga pagtatakip sa mga alat.
Sumasaksi ka, sapagkat nakasanayan ang trabahong
Medya-midya, sapagkat ganyan ang iyong midya-medya.

Patola, ni Roberto T. Añonuevo

Patola

Roberto T. Añonuevo

Kakainin ka nang múra, o tatanda para maging espongha.
Dahil alam ang batas ng mundo, lumulusog ka sa hardin
ng seguridad, at gumagapang na baging para sakmalin
ang bakod o poste o trelis na magbubunyag ng lakas.
Kinakatas sa iyong mga buto ang langis, at tanghalian
ng kambing o hito ang anumang tirang sapal o himaymay.
Pahahalagahan ka ng imperyo, at isasama sa paliligo.
Sabik ka sa suplay ng liwanag at sabik sa suplay ng tubig,
at waring ibig daigin kahit ang pinakamatigas na punò.
Makikilala ka sa mga palengke, at iisipin ang mga pulis—
mahabang tarugo na sapilitang pumapasok sa ibang puri,
o kung hindi’y pamalo ng berdugo na hepe ang pumupuri.

Sisiw, ni Roberto T. Añonuevo

Sisiw

Roberto T. Añonuevo

Bakit ka iiyak kung ang nasa harap mo
ay kalawanging mga rehas?
Masuwerte ka’t
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  .hindi tumakas o pumalag,
sapagkat batid mo ang kisapmatang wakas.
Manok lámang ang pumipiyok
. . . . . . . . . . . . .. . .. . . . . . . . . . . . . . . . . . .kapag ito’y
mangingitlog o ihahaing bagong pinikpikan.

Nakapaglalagos sa ating hanggahan
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .ang mga kargadong salita.
Ang lumang papel ay napaghuhunos mong
sariwang rosal,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at lumalambing na awit
ang mga sentimiyento mong humihibik.
Kumain ka na ba?
. . . . . . . .. . .. . . . . . . . . . . .Paano ka naliligo?
Mahimbing ba ang iyong tulog?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mahaba ang litanya
ng mga tanong ng iyong ina,
samantalang ako’y ni walang maibubulalas
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .na hinanakit o sermon.

Tinitigan kita, at mula sa iyong mga mata
ay lumitaw ang mga guru mong sumasayaw
sa layaw.
. . . . . . .  . . . . . . .Mga anghel silang naglalakad
sa lagablab: Walang mga bayag,
. . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . .at buntot ang bahag,
may sungay
. . . . . . . . . .. . . . .ngunit sumusuwag sa langaw.
Tinuruan ka nilang bumitin sa mga sapot,
at ang kamalayan mo’y unti-unting
pinalapot,
. . . . . . . . .. . . . . . . . . . .  .gaya ng tinunaw na pilak.
Lumalamon sila ng mga barya ng daigdig,
habang ikaw ay tinutuklas muli ang salitang
Pag-ibig.

light black and white white window glass dark san francisco bar line metal darkness black monochrome door security cage criminal justice captivity symmetry prison closed law crime jail shape locked alcatraz prisoner despair penitentiary imprisonment sentence prison cell monochrome photography lockup convict