Isang Silanganing Alamat, ni Ivan Turgenev

Salin ng tulang tuluyan ni Ivan Turgenev ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Silanganing Alamat

. . . . . . . .Sino ang hindi nakakíkilála kay Jaffar, ang Araw ng Uniberso?
. . . . . . . .Maraming taon na ang nakalilipas, naglakad isang araw ang kabataang si Jaffar sa kaligiran ng Baghdad.
. . . . . . . .Walang ano-ano’y narinig niya ang paós na sigaw ng kabayo; at may kung sinong humihingi ng saklolo.
. . . . . . . .Natatangi si Jaffar sa iba pang kabataan dahil kuripot at mautak; ngunit mahabagin ang kaniyang puso, at sumasandig siya sa angking lakas.
. . . . . . . .Humangos siya tungo sa pinagmumulan ng sigaw, at nakita ang uugod-ugod na lalaking hukluban na sinusukól ng dalawang mandarambong sa pader ng lungsod.
. . . . . . . .Hinugot ni Jaffar ang kaniyang sable at hinarap ang mga butangero: napatay niya ang isa, at ang ikalawa’y tumakas palayo.
. . . . . . . .Napaluhod sa paanan ni Jaffar ang matandang nailigtas, at pagkaraang hagkan nito ang kaniyang damit ay sumigaw: “Binatang matapang, ang kabutihang-loob mo’y magagantihan balang araw. Mukha akong pulubi, ngunit sa anyo lamang. Hindi ako karaniwang tao. Pumunta ka bukas nang maaga sa pinuno ng palengke; hihintayin kita sa puwente, at itaga mo sa bato na ako’y nagsasabi ng totoo.”
. . . . . . . .Naisip ni Jaffar: “Mukha ngang pulubi ang lalaking ito; ngunit maraming puwedeng mangyari. Bakit hindi ko subukin?” Pagdaka’y sumagot si Jaffar at winikang, “Maaasahan mo, ápo, at darating ako.”
. . . . . . . .Tinitigan ng matanda ang mukha ni Jaffar, at pagdaka’y marahang lumisan.
. . . . . . . .Noong sumunod na madaling-araw, nagtungo si Jaffar sa palengke. Naroon na ang matanda na naghihintay sa kaniya, at nakapatong ang siko sa marmol na hugasan ng puwente.
. . . . . . . .Tahimik na hinawakan ng matanda ang kamay ng binata, at hinatak patungo sa munting hardin, na nababakuran ng matataas na pader.
. . . . . . . .Sa gitna ng hardin, sa lungtiang damuhan, ay nakatirik ang kagila-gilalas na punongkahoy.
. . . . . . . .Kawangis iyon ng sipres, ngunit ang mga dahon ay asul.
. . . . . . . .May tatlong prutas—tatlong mansanas—ang nakabitin sa mga sanga. Katamtaman ang laki ng una, na pahaba at at puting-puti; ang ikalawa’y malaki, bilog, pulang-pula; at ang ikatlo’y maliit, kulubot ang balát, at naninilaw.
. . . . . . . .Lumagitik nang bahagya ang punongkahoy, bagaman walang simoy. Nagluwal iyon ng tumataginting na tunog, na tila mula sa kampanilyang kristal, at maláy wari sa paglapit ni Jaffar.
. . . . . . . .“Binata!” sabi ng matanda, “pumili ka ng isa sa mga mansanas at mababatid na kapag pinili at kinain ang puti, ikaw ang magiging pinakamarunong sa lahat ng tao; kapag pinili at kinain ang pula, yayaman ka gaya ng Hudyong Rothschild; kapag pinili at kinain ang dilaw, mamahalin ka ng matatandang babae. Magpasiya, at huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Sa loob ng isang oras, maaagnas ang mga mansanas, at kusang lulubog ang punongkahoy sa kailaliman ng lupa!”
. . . . . . . .Napatungo si Jaffar at nag-isip. “Ano ba ang dapat kong gawin?” aniya sa mahinang tinig, na waring nakikipagtalo sa sarili. “Kung ikaw ang pinakamarunong, hindi mo na marahil isasaalang-alang ang mabuhay; kung ikaw naman ang pinakamayaman, lahat ay maiinggit sa iyo; mabuting piliin at kainin ang ikatlo, ang nabubulok na mansanas!”
. . . . . . . .At iyon nga ang kaniyang ginawa; at napahalakhak ang matanda, saka nagwikang: “Matalinong binata! Pinili mo ang pinakamahusay na bahagi! Bakit pipiliin ang puting mansanas? Higit kang marunong sa sandaling ito kaysa Solomon. Hindi mo rin kailangan ang pulang mansanas. . . Yayaman ka pa rin kahit wala iyon. Ang tanging yaman mo ay hindi kaiinggitan ninuman.”
. . . . . . . .“Sabihin sa akin, tanda,” ani Jaffar, at nag-alab, “saan nakatira ang kagalang-galang na ina ng ating Kalifa, na protektado ng langit?”
. . . . . . . .Napatungo ang matanda, at itinuro sa binata ang landas.
. . . . . . . .Sino sa Baghdad ang hindi nakakikilala sa Araw ng Uniberso, ang dakila, ang bantog na si Jaffar?

Abril 1878

Kuhang retrato ni Jonathan Borba, at hango sa Unsplash.