Ala-una ng Umaga, ni Charles Baudelaire

Salin ng “A une heure du matin,” ni Charles Baudelaire ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ala-una ng Umaga

. . . . . . . Sa wakas! Mag-isa! Wala nang maririnig kundi ang kalantog ng ilang atrasado at pagód na sasakyan. Sa ilang oras, matatahimik na tayo, kung hindi man matutulog nang mahimbing. Sa wakas! Naglaho ang tiranya ng mukha ng tao, at hindi na ako magdurusa maliban sa pag-iisa.

. . . . . . .Sa wakas! Pinahintulutan akong mamahinga at maglunoy sa paliguan ng karimlan! Kailangan munang ikandado ang pinto. Wari bang ang pagpihit ng susi sa seradura ay makapagpapatindi sa aking pag-iisa at makapagpapalakas ng mga barikada na magbubukod sa akin sa daigdig.

. . . . . . .Kasuklam-suklam na búhay! Kasuklam-suklam na búhay! Lagumin natin ang naganap sa buong araw: ang makatagpo ang ilang panitikero, na nagtanong ang isa kung posible bang magtungo sa Rusya kung magbibiyahe sa lupa (iniisip siguro niya na isang isla ang Rusya); ang masayang makipagtalo sa direktor ng isang repaso, na sa bawat pagsalungat ay sinagot ng , “Nasa panig tayo ng mga disenteng tao!” na nagpapahiwatig na ang iba pang peryodiko ay inedit ng mga gago; ang pagpugayan ang may dalawampung tao, na ang labinlima ay hindi ko kilala; ang makipagkamay sa gayong kasingdaming tao, at walang habas na gawin yaon nang ni hindi nagsusuot man lamang ng guwantes; ang dumalaw, at maglustay ng oras, sa maliit na mananayaw na nagmakaawa sa aking idisenyo ko siya ng isang kasuotan; ang dumalaw sa direktor ng teatro, na makaraang isantabi ako ay nagsabing, “Ikaw sana ang kumausap kay Z—; siya ang pinakabobo, ang pinakatanga, at ang pinakabantog sa lahat ng aking awtor; sa piling niya’y baká kung saan ka pa makarating. Kausapin mo siya at tingnan natin kung ano ang mangyayari”; ang ipagyabang (bakit nga ba hindi?) ang ilang hamak na katarantaduhang ginawa nang kasiya-siya: ang kasalanan ng pagyayabang, ang krimen ng paggalang sa mga tao; ang tanggihan ang isang kaibigan para sa serbisyong madaling gawin, at sa halip ay binigyan siya ng pasulat na rekomendasyon sa tunay na utusan. Ay! Tapós na ba ang lahat?

. . . . . . .Nabuwisit sa lahat at nabuwisit sa sarili, ibig ko namang bumawi at buoin muli ang pagmamalaki ng loob sa katahimikan at pag-iisa ng gabi. Mga kaluluwang minahal ko, mga kaluluwang inawitan ko, palakasin ako, itaguyod ako, ilayo ako sa anumang pagbabalatkayo at sa nakabubulok na ulop ng daigdig! At ikaw, Panginoon kong Diyos, biyayaan akong makalikha ng maririkit na tula, na makapagpapatunay sa aking sarili na hindi ako ang kahuli-hulihan sa mga tao, na hindi ako hamak na mababa kung ihahambing sa aking mga nililibak!

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity.