Ang Latian, ni Derek Walcott

Salin ng “The Swamp,” ni Derek Walcott ng Saint Lucia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Latian

Nginangasab ang mga gilid ng haywey, hinihimig
Ng itim nitong bibig: ‘Tahanan, umuwi sa tahanan. . .’

Sa likod ng malapot na hininga, ang salitang ‘unlad’
Ay nagpapalago ng mga kabute, pagkabulok;
Nagbabatik ang puti sa ugat nito.

Higit na nakahihindik
Sa bakawan, kantera, o tuyot na agusan ng bangin
Ang hilakbot nito’y bihag ang bayani ni Hemingway
Na nakapako sa tiyak, malilinaw na hukay.

Nagsimula ito sa wala. Limbo ng mga kontrabidang bihag,
Mga Negro.
Ang itim nitong asal
Bawat takipsilim ay mantsado ng dugo ng iyong búhay.

Nakatatakot, orihinal na likaw! Bawat supling ng bakaw
Ay malaahas, malaswa ang mga ugat
kawangis ng kamay na may anim na daliri,

Itinatago nito sa pagkakakuyom ang palakang malumot,
Ang mamárang, ang mabisang banay,
Ang mga talulot ng dugo,

Ang batik-batik na vulva ng tawa-tawa;
Ang kakatwang amanita
Na nagmumulto sa mga biyahero ng isang landas na ito.

Malalim, malalim kaysa paghimbing
Gaya ng kamatayan,
Napakayaman sa pagliit nito, napakatalik sa hininga,

Sa mabilis mapunong gabi, pansinin
Kung paanong lumagok ng dilim ang natitirang ibon,
Kung paanong tumakas ang mga ilahas na kabataan

Papasok sa karimlan, magbalik sa pagkaitim
Na may lumalawak na pagkalimot, piliin ang gilid
Ng kawalan palapit sa kanila nang marahan, isanib

Ang galamay, dila, at himaymay tungo sa pagkabuhol
Gaya ng lábo-lábo, gaya ng lansangan
Sa malayo.