Pumapatak, ni Sofia Bélizon

Pumapatak

ni Sofia Bélizon

Pumapatak, unti-unting pumapatak
ang sandali,
at ang sandali ay isang plato ang lawak.
Naroon ang piging na mailap sa isip;
wala roon ang gútom at pagkainíp.
Inaasam ko rin ang mga tag-araw
gaya noong naririto ka’t kay-init,
tumatawa nang di-alintana ang búkas
na kung minsan ay hatid ang siyam-siyam.
Parang umuusbong at namumukadkad
ang mga panaginip ng libong rosas,
tinatangay ang palayaw mo’t halimuyak
samantalang umaaligid ang mga bubuyog
na guniguning sumasaatin, sumasalahat.
Kung gaano kaikli ang panahon
ay gayon kahaba ang paghihintay nila
sa ating lalakarang harding walang hangga.
Ang panahon,
walang kahon kundi publikong bulwagan
o ang sulok na ano’t laging makulimlim.
Ang sandali,
walang hanggang yakap sa kawalang-
katiyakan, tila mariposang kumakampay
sa loob ng kay-linaw na bolang kristal.

Alimbúkad poetry revolution across the world. Photo by Cats Coming on Pexels.com

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.