Mensahe ng Pasasalamat, ni Roberto T. Añonuevo

MENSAHE SA PAGTANGGAP NG GAWAD HAGBONG 2024

(Mensahe ni Roberto T. Añonuevo makaraang gawaran siya ng Parangal Hagbong 2024 ng The Varsitarian ng Unibersidad ng Santo Tomas noong 4 Mayo 2024 sa Gusaling Buenaventura G. Paredes, O.P.)

ROBERTO T. AÑONUEVO

Kagalang-galang na UST Rector Reb. P. Isaias Antonio D. Tiongco at mga opisyal ng UST, kapatid sa panulat Prop. Josélito B. Zulueta, mga kawani ng UST The Varsitarian, Bb. Chalssea Kate C. Echegoyen na tagapangulo ng lupon sa gawad, mga kapuwa alagad ng sining, mga minamahal na propesor at guro sampu ng kanilang mga estudyante, mga piling panauhin, magandang gabi sa inyong lahat.

Isang karangalan ang tumanggap ng prestihiyosong Gawad Hagbong mula sa The Varsitarian, ang ikonikong pahayagan ng Unibersidad ng Santo Tomas, sa pagdiriwang ng ika-39 anibersaryo ng pagkakatatag ng Gawad Ustetika.

Hindi ko inaasahan ang yugtong ito sa aking buhay. Hindi ko  kailangang sumipsip o mamulitika o magpatayô ng gusali saka magpairog na bigyan naman ako ng ganitong pagkilala. Marami na akong tinanggap na gawad o sértipíko ngunit sa pagkakataong ito, ang ibinigay ninyong pagpapahalaga sa akin ay hindi ko inasam kailanman. Natutuwa ako na nagmula ang gawad sa bagong henerasyon ng mga manunulat, bukod sa pangyayaring ang mga nangauna sa akin na pawang tumanggap ng gawad ay itinuturing na dakila.

Pinangarap ko ring maging dakila bilang alagad ng sining, gaya nina Bautista, Lumbera, Sionil José, Tinio, at Nadera. Sa pinakabago kong aklat, ang Kriptograpikong Krokis, sinikap kong gamitin ang kolektibong kamalayan para itanghal ang nagaganap sa loob ng pagkatao habang binubuksan ang hapag sa paglilitis sa krisis na lumalaganap sa iba’t ibang pananampalataya, na sa jargon ng mga akademiko ay katumbas ng ideolohiya. Hindi ako nangiming gamitin ang malig ng Filipino at ang malig ng mundo, mag-eksperimento sa wika at diskurso nito nang mailugar sa ibang anggulo ang sariling poetika, sa pangangarap na balang araw ay mapahahalagahan din yaon bilang di-mapagkakait na relikya sa pagpapaunlad ng wikang Filipino at panitikang Filipinas.

Mapalad ako na kahit paano’y nakalikha ako ng mga akdang waring iniiwasang tingkiin ng mga kapanahon ko at nangauna sa akin, gaya ng malimit sabihin ng misis ko na numero uno kong kritiko. At kung umabot man ang sandaang taon bago makilala ang Kriptograpikong Krokis at ang iba pang akda ko ay hindi ako maiinip. Nakapaghintay ng mahigit tatlong libong taon ang diyos bago sumilang ang mga  magsusulat nang dibdiban hinggil sa kaniya at hinggil sa pananampalatayang dapat panindigan, magbuwis man sila ng buhay o magpatilamsik ng laway. Sino ako upang mainip?

Maaaring nagkamali kayo nang piliin ako na bigyan ng parangal. Para akong alibughang anak na ang mga sinulat ay malimit walang pakundangan sa itinuturing na awtoridad o kaya’y mayhawak ng kapangyarihan, yumuyugyog sa status quo at konsepto ng moda at uso lalo pagsapit sa wika, lumulundag sa nakagawiang bawal o harang na itinakda ng aparato ng panggigipit, bumabaklas sa itinakdang pamantayan ng gaan o komersiyal para tangkilin ng madla, pasikot-sikot at sumusuot sa sukal ng kalooban o lipunan, nagbabalatkayo o nagsisinungaling sa sinasabing artistikong paraan, at handang humarap kanino man para litisin nang paulit-ulit nang mailuwal ang anumang itinatagong multo o halimuyak o asim o alunignig na mahirap makita gayong humahagip nang padaplis sa noo at puso.

Maaaring nagkamali rin kayo sa pagpili sa akin dahil hindi miminsang makipagtalo ako para ipagtanggol ang wikang Filipino, lalo sa pasulat na paraan sa pamamagitan ng aking blog, na pagkaraan ay malalathalang aklat sa pamagat na Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan. Marami ang nainis sa akin, hanggang isumpa ako ng tropa ng mga bayarang troll na minumura at nililibak ako sa mga taguring Tagalog Nazi, diktador ng wika, pasistang Filipino, at iba pang makukulay na taguri. Dumating ang sandali na parang tinalikuran ako ng iba pang “masusugid” na tagapagtanggol ng wikang Filipino na biglang naumid o tila umurong ang bayag, marahil sa pangambang ulanin sila ng batikos sa anyo man ng email at pahayag sa radyo. Ngunit nagpatuloy ako sa aking pinaninindigan, dahil sa ganang akin ay ibig ko lamang itampok ang posibilidad ng maaabot ng paggamit ng sariling wika, gaya sa mga dominyo ng kapangyarihan na kinabibilangan ngunit hindi limitado sa pambansa o lokal na pamahalaan, batasan, paaralan, kalakalan, at ugnayang-panlabas. Pinanindigan ko ang lahat hanggang hirangin ako ni Pang. Benigno Aquino para manungkulang Direktor Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang totoo, noong una’y nagsilbi ako bilang walis at tagahawì sa paglilinis ng naturang ahensiya bago pa dumating si Tagapangulong Virgilio S. Almario. Pinaratangan ako noon ng kung ano-anong bagay hanggang sumapit ang araw na ang mga tiwaling kawani at komisyoner ay ipinaskil ang aking mga retrato mulang hagdanan ng Gusaling Watson hanggang mga dingding sa loob ng opisina. Hiniya ako na parang askal sa harap ng mga panauhing nagmula pa kung saan-saang lalawigan, at ang retrato kong niretoke ng kung sinong eksperto sa digital photography ay naging alingasngas sa iba’t ibang panig ng Filipinas. Hindi nila ako masiraan hinggil sa ipinaglalaban kong matuwid na pamamalakad sa opisina o kaya’y hinggil sa dapat maging programa at tunguhin ng KWF para paglingkuran ang sambayanan. Kaya hindi kataka-taka kung gumamit man sila ng kung ano-anong puwersa para manatili sa puwesto. Ang mga sumunod ay isa nang kasaysayan.

Akala ko’y tapos na ito pagkaraan ng administrasyon ni Tagapangulong Almario na pumalit sa puwesto ni Tagapangulong Jose Laderas Santos, ngunit ang nangyari sa akin noon ay muling nangyayari sa panahong ito, at waring nag-iba lamang ang mga aktor. Kaya nakikisimpatya ako kay KWF Tagapangulo Arthur Casanova, na isa ring anak ng unibersidad na ito. Samantala’y nanghihinayang ako sa magaganda at makabuluhang programa at patakarang ipinundar namin noon sa KWF sa ilalim ng administrasyon ni Almario, na seryoso at estriktong ipinatupad alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng Batas Republika Blg. 7104, ngunit sa hindi malámang dahilan ay pinawalang-saysay at isinantabi sa kasalukuyan dahil sa panloob na tunggalian na humahangga sa personalan at walang kapararakang pamumulitika.

Ipagpaumanhin kung matapang itong apog na magbuhat ng bangkô, o maglahad ng ibang naratibo na hindi ninyo inaasahan. Wala akong publisista o troll o tropang Marites at hindi ako umiiral para manatiling nakaupo saka manahimik habambuhay. Ang ilang sinulat ko’y maaaring ikasugat ng damdamin ng ilang kapanalig ko. Ang pinakabago kong aklat ay posible ring hindi tangkilikin ng milyon-milyong tao sa panahong ito, na ikayayamot ng aking pabliser at ikasisiya ng mga basher, subalit hindi ako magtataka kung sakali’t magkaroon ng intersemyotikong salin ito tungo sa entablado o pelikula o musika pagkalipas ng ilang siglo, na ginaganapan ng isang mafioso o rakista o bakwet na walang nasyon.

Hindi ko akalaing aabot pa ako sa araw na ito dahil nagkasakit ako nang higit sa malawakang tokhang o pandemikong panlilinlang ng nakaraang rehimeng tila ipinadron ang sarili sa Dark Ages. Matutuklasan ninyo balang araw kung bakit ako napopoot na tigulang dahil sa maiitim na propaganda laban sa akin o sa aking pamilya; kung bakit hindi ako pabor sa medyokridad na nagsisilang ng katiwalian at paghamak sa ating wika at kalinangan. Mababatid din ninyo sa tumpak na panahon kung ano ang ikinaiba ng aking mga sinulat na malungkutin kung minsan at maangas kung minsan, na kahit lumihis pa sa kumbensiyon ay magtuturo kung paano sumípat sakâ magnilay  at dumamá sa mga bagay-bagay at pahalagahan ang bawat nilalang.

Ang parangal na ito ay hindi lamang para sa akin, bagkus para sa wikang Filipino at panitikang Filipinas—na matagal nang minamaliit sa loob at labas ng ating lipunan. Ang parangal na ito ay paglingon sa lahat ng dakilang Filipinong manunulat at alagad ng sining na pawang humawan ng landas bago ako nagkapangalan.  Ngunit hayaan ninyong ialay ko ang Gawad Hagbong na ito nang buong katapatan at wagas na paggalang sa lahat ng naging biktima ng pang-estadong patakarang Tokhang noong nakaraang rehimen, sapagkat aminin man natin o hindi, naging biktima rin tayong lahat sa iba’t ibang anyo at antas, kahit sa yugtong sumapit tayo sa pananahimik, prehuwísyo, pakikíapíd, pagkakailâ, at kawalang-pakialam.

Isang tagay at maraming salamat sa inyong lahat, at paumanhin kung ako man ay naiiyak.

4 Mayo 2024

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.