Ang Mundong Ito, ayon kay Edgardo M. Reyes

LUPA, kuha ni Bobby Añonuevo

LUPA, kuha ni Bobby Añonuevo

Pagtuklas sa sarili ang buod ng nobelang Ang Mundong Ito ay Lupa (2005, C&E Publishing) ni Edgardo M. Reyes. Si Ned, ang probinsiyanang muslak ngunit mapagsapalaran, ang pangunahing tauhang susuong sa daigdig na hitik sa sex, libog, balatkayo’t lagim ng paligid. Makikilala si Ned sa mga tauhang lalaking gaya nina Dick Almeda, Reggie Yumang, Bebot, Ben Bernalez, Mr. Vergara, Rod, Aris, Edmund, Jonas, at Gerry Sanciangco. At sa mga naturang lalaki rin mabubunyag ang mga kubling lunan ng prostitusyon mulang gay bar hanggang massage parlor tungong lansangang ginagalawan ng mga batang nagbibili ng aliw; o ang prostitusyon sa malawak na larangan ng kultura, sining, negosyo, at politika.

Ang “prostitusyon” na tinalakay sa nobela ay hindi nakaaaliw ni nakalilibog man lamang para sa mambabasa. Mabibigong makatagpo ng erotikong tagpo sa nobela, kahit sabihin pang ang mga usapan ng tauhan ay nalalahukan ng makukulay na kalaswaan. Sa halip, magigitla ang mambabasa sa walang direksiyong pagnanasa na malabo ang inaaasahang wakas. Halimbawa, kahit na pumasok si Ned kasama si Dick sa gay bar at nakapanayam ang mga sex worker, walang sasapol sa puso kundi ang maiitim na buhay ng mga kaluluwang napariwara. Sa iba pang tagpo, pagtatangkaang gahasain ni Bebot si Ned sanhi marahil ng labis na produksiyon ng hormone at pagkahaling sa babae.  Ngunit hindi ito nailugar nang maigi, at ipinabatid na lamang sa mga mambabasa na gumamit ng droga si Bebot sa dakong huli ng nobela. Ang “prostitusyon” ay magkakaroon ng hugis at anyo kahit sa mga publikasyong gaya ng Kontak, sa mga obra ng mga manunulat at mandudula, sa mga paupahang-bahay at sinehan, at sa piling uri ng lipunan. At ang ruweda ng tunggalian ay sex, upang igiit ang kapangyarihan ng magkakaibang uri, kasarian, at paniniwala.

Napakahaba ng nobela ni Reyes ngunit nakababato; at puwedeng gamitin sa ehersisyo ng kisapmatang pagbabasa. Parang nagbasa ka ng ilang tomo ng Liwayway sa loob ng kubeta dahil hindi mo mailabas ang sama ng loob. Mahihinang bahagi ang talakay sa pasulatan ng Kontak, na tila ba ang dapat lamanin ng nasabing babasahin ay pulos sex at dahas lamang. Walang alternatibong solusyon ang inihahain ng nasabing babasahin, kahit kunwang ibinubulgar nito ang mga nagaganap sa buhay ng puta, masahista, mananayaw, bugaw, politiko, artista, at iba pa.  Mahina rin ang paglilinang sa katauhan ni Dick, ang baklang editor o editor na nagkataong bakla, at siyang nagnasa kay Reggie. Mapagdududahan din si Reggie, dahil mahirap mabatid kung nagsasabi nga siya ng totoo hinggil sa relasyon nila ni Dick, at iyon ang ibig niyang ipaabot kay Ned.

Walang bayani o bida, sa tradisyonal na pakahulugan ng bayani o bida, ang matutuklasan sa nobela. Lahat ng tauhan ay may kahinaan; at ang bawat kahinaan, kapag pinag-ugnay-ugnay, ang magiging tagapagligtas ng nobela upang hindi lubos na maitapon iyon kung saan.

Nakasalalay sa katauhan ni Ned ang magiging daloy ng nobela. Nangarap si Ned na maging sikat na mandudula, ngunit ang buhay pala niya’y maituturing na isa nang dula, at siya ang pangunahing tauhang lalansihin, liligawan, lalapitan, at lalayuan ng iba pang tauhan sa nobela. Kahanga-hanga rin ang mabilis na paghanga sa kaniya ni Dick. Isang artikulo pa lamang ang nasusulat ng dilag ay tinawag na agad siyang “writer” ng kaniyang editor! Nasayang naman ang mga tauhang gaya nina Fe, Mrs. Coromina, Marita, Estela. Makaraang dumaan sila sa buhay ni Ned ay walang kapahe-pahesus na naglaho sila.

Ano’t anuman, binabasag ng nobela ang ilang lihis na paniniwala hinggil sa sex, kasal, at pagmamahal. Una, hindi kailangang birhen muna ang babae para pakasalan at ibigin. Ikalawa, ang kasarian ay hindi mahalaga sa mga tao na tunay na nagmamahal. Kaya ang “girl, boy, bakla, at tomboy” ay mabubura ang hanggahan, at ang lantay na pagkatao ang mananatili. Ikatlo, ang prostitusyon ng sex ay hindi lamang pinagkakakitaan ng mga bugaw, puta, at negosyante; pinagkakakitaan din iyon kahit ng mga institusyong dapat mangalaga sa mga sex worker, gaya ng gobyerno, pulisya, at mass media. Ikaapat, ang sex ay magiging mekanikal na paraan lamang at wala nang iba pang silbi kung salat sa pag-ibig ang tao. Isusumpa ang sex kapag nabasa ang interbiyu halimbawa ni Ned sa mga sexy at macho dancer, o kaya’y sa mga batang pinagkakakitaan ang sex.

“Lupa” ang talinghaga na ginamit ni Reyes sa kaniyang nobela. Kaunting hirit pa’t magiging gasgas na ang kaniyang pamagat, na mahahawig sa awit ni Pilita Corrales at ni Rico J. Puno. At hindi lamang sa pamagat. Nakapadron wari ang akda ni Reyes para sa gaya ng Liwayway na dating binabatikos niya—at ng mga kasama niyang manunulat ng Agos sa Disyerto—noong editor pa ng Bagong Dugo si Liwayway A. Arceo. Ngunit higit na matino ang kay Aling Lily, kaysa sa panahon ni Rodolfo Salandanan. Walang latoy at komersiyal ang prosa ni Reyes ngunit mapanggulat, lalo sa paggamit ng mga salitang balbal at bulgar. Madaling hulaan ang susunod na pangyayari.

Ano’t anuman, nagbabago ang lahat sa paglipas ng panahon, gaya ng panlasa ng mga mambabasa at ang pagbabanyuhay (metamorposis) ni Ned sa nobela. At malaki pa rin ang magagawa ng bait para mapili nang tumpak ang landas na tatahakin, at ang landas ng pagtuklas ng sarili.

Malayang isiping nakapanghihinayang ang tema at paksang tinalakay ni Reyes. Nauyot ang nobela sa pagtatampok ng pag-iibigan at kalaswaang ni walang bahid ng erotika, ni walang halina, ni walang “datíng,” kung hihiramin ang dila ni Bienvenido Lumbera. Litanya wari sa kolum ni Xerex ang mga tagpong binanggit sa nobela, at halos hindi nalalayo ang talakay sa mga tampok na lathalaing delikadong langawin. At ang pinatututsadahan ni Reyes na “prostitusyon” hinggil sa komersiyalismo ng pagsusulat ay waring kinasadlakan din niya.

Advertisements