Ang Pangarap, ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni  Roberto T. Añonuevo

1.
Ang mga pangarap, kapag ipinasok sa puso, ay mag-uutos sa iyo na utusan ang iba para wikain ang salitang hindi kaniya, gaya ng pagbabanat-anino sa diyaryo at magasin, upang ikaw ay makilala.

2.
Mapanganib ang pangarap, at para itong punsô ng milyong kulisap na gumagalaw dahil sa emperatris. At ang emperatris ay hindi karaniwang kulisap, sapagkat ito ang Maykapal, ang kinakanding Langit at naglalaway sa init, ang kinabukasan ng salinlahing allid at sintamis ng minapakturang pulut.

3.
Narinig mo ba o nabása sa isang makatang intelektuwal ang lunggati, at ikaw ngayon ang di-pamilyar na talinghaga na pinapalakpakan ng mga di-nakauunawa?

4.
Iyo ang salita o iyan ang opinyon mo; at ang lahat ng bagay na labás sa iyong katawan ay pawang kasangkapan tungo sa nakababalaning tinig—o ito’y makulit na panagimpan lámang?

5.
Ang salita: para maging gusali ang pandak, para maging dibino ang buhangin, at kung papalarin, para humalimuyak ang pangalang tigmak sa imburnal. Ikaw ang panginoon ng salita, at ang Salita, pagkaraan, ang aalipin sa iyo sa ngalan ng pangarap.

6.
Importante ang paghahanap ng puwáng o lihís, at garantisado sa iyong parirala na hindi ka pahuhuli nang buháy. Ikinahon mo ang mga pangalan sa kanilang panahon, at ang panahon mo ang ipinagmagarang Panahon ng Padron at Patron. Modernisasyon, wika mo, ang panghihiram ng hagdan, ang panghihiram ng dila na humihimod sa iyong nababatong utak.

Bakit mag-iimbento ng gulong kung káyang lumipad?

Gayunman, nakukuha sa sipag at tiyaga ang lahat, lalo’t nabibigong sumirit o dumuwal ang haraya.

8.
Kumikilos ka at ang gabi ay umaga at ang umaga ay likido na iniinom sa mithing pagbabago. Isang bisyon, na katumbas ang sining ng alagad ng pambihirang pagsisinungaling at pagpapalayok. O sabihin nang matalinghagang pagsasakataga mula sa misil ng Amerikano o satelayt ng Ruso, at walang dos por dos na sagisag na sinasagisag ang maikukulong sa iyong málay.

Sa usapang lasing, ito ang kaululan.

9.
Sapagkat kasangkapan ang lahat, at ang hagdan ay libong ulo at libong balikat, isang politika na ang sukdulan ay pananaig ng mga langgam sa di-kilalang bangkay. Ngunit hindi ba ito dapat ipagpasalamat? Walang Tore ng Babel kung walang mason o kargador, at kailangan ang kalansay tungo sa ikalulusog ng sabana.

10.
Maniwala sa iyo ay kay-bigat, na gumagaan sa indoktrinasyon, ngunit ang tiyanak na pasán ay langit kung ituturing na ikaw ang punongkahoy, na walang humpay sa pagtayog sa wagas na pagkatuod.

11.
Ang pangarap mo, kapag inulit-ulit, ang pangarap mo, kapag inulit-ulit na sirang plaka, ang pangarap mo, kapag inulit-ulit na sirang plaka sa mga talumpati at talambuhay, ay kakatwang nagiging pala-palapag na mawsoleo ng mga de-kahong sertipiko at kuwintas ng mga papuri.

Kahit ikaw ay maiinis sa ganitong ritwal, ang ritwal na karaniwan at nakaugalian, ngunit dahil matayog ang pangarap mo, ang pangarap mo’y yutang bantayog sa mga kontinente ng kataga.

12.
Ikaw na nasa itaas ngayon ay hindi na abstraktong pangarap bagkus iniilawang atraksiyon ng mga kulay. Na hindi mo mawari kung dapat ipagpasalamat o ipagmaktol dahil malaya ka nang iputan ng mga ibon at ihian ng palaboy o askal: Ikatwiran man nila ang tawag ng kalikasan, o ikatwiran ang makalupang pagtatanghal.

purple green and yellow round mirror