Salin ng “Mafuriko” na nasa wikang Swahili ni Euphrase Kezilahabi mula sa Tanzania.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.
Mga Bahâ
Isusulat ko ang awit sa mga pakpak ng langaw,
at hayaang lumipad ang musika habang pumapagaspas
ang mga ito nang ganap mapakinggan ng lahat.
Aawitin ko ang panulaan ng kabulukan
sa mga sugat ng mga magsasaka
at sa mga nanàng nagmumula sa kanilang pagpapawis.
Isusulat ko sa mga pakpak ng mga insekto
ang lahat ng bagay na umiimbulog kung saan,
sa mga guhit-guhit ng zebra,
at sa mga tainga ng elepante,
sa mga pader ng kubeta, opisina at silid-aralan,
sa bubungan ng bahay, sa dingding ng pamahalaan,
sa mga balabal at kamiseta.
Ito ang awit na aking isusulat:
Nasa panganib ang matatandang bahay sa lambak
na babahain ngayong taon;
nangasisilikas na ang mga tao mula sa peligro;
nangawasak ang mga kable ng koryente—
at kung dati’y may ilaw ngayon naman ay madilim.
Anung uri ang mga baha ngayong taon!
Tumumba ang isang huklubang punongkahoy
sa gilid ng aming gigiray-giray na barumbarong.
Hindi kami makatulog kapag humahagunot ang hangin.
Araw-araw naming tinitiningnan ang mga ugat,
ang marurupok na dingding ng aming tahanan,
at ang mga sangang dapat tapyasin mula sa bungéd.
Nagsisilbing babala ngayong taon ang mga baha.
At wiwikain namin sa aming mga apo’t apo sa tuhod:
Nangabuwal ang maraming punongkahoy
noong nakalipas na panahon,
subalit ang mga bahâ ngayong taon
ang nagbabantang lumipol sa ating lahat.