Mga Dalinsiyáng Roberto T. Añonuevo 1. Sumasayaw ang mga tuldok Sa lawak ng asul-at-puti, Pagdaka’y natutuping papel Sa panganorin, isang hapon. Isang hapon, ang panganorin Ay natuping papel. Pagdaka’y Lumawak ang puti-at-asul Sa serye ng tuldok na sayaw. 2. Bakit impiyerno ang tanaw Gayong iniwan mo ang itlog? Mga mata’y duguang rosas Pagbukad sa aking umaga. Ang umaga ko’y bumubukad Na rosas. Duguan ang mata Sa kiti sa pugad kung gayon Ang pagtanaw sa impiyerno. 3. Nagsasalita ang balete Sa balahibong takipsilim— At ikaw na tumitilaok Ay hindi manok o ulupong. Ulupong o manok ay hindi Tumilaok—tunay ngang ikaw: Takipsilim ng balahibo Sa balete na nagsasalita. 4. Naglasing ka sa mga duhat At ang mantsa sa iyong damit Ay kay lagkit upang sumuko Sa iyo ang tatag ng sanga. Ang sangang matatag sa iyo’y Sumuko sa rikit at lagkit Ng damit, na taglay ang mantsa Ng duhat na nitas ng lasing.
____________
*Dalinsiyáng png Bis [Orn]: Sa Romblon, uri ng ibon (Aplonis panayensis) na itim ang balahibo, pula ang mga mata, matulis ang tuka, at nanginginain ng mga prutas, kulisap, uod, susô, higad at iba pa, at maliit kompara sa uwak: GALANSIYÁNG, KULANSIYÁNG, KULÍNG-DÁGAT.
Alimbúkad: Poetry in search of humanity. Photo by Alimbukad Collective.