Romblon Blues
Roberto T. Añonuevo
Itinuring niyang pinakamahabang daan sa buong daigdig ang makitid na lansangan mulang pantalan tungong Ginbirayan. Maliit pa siya’y lubak-lubak, putik-putik ang landas, at abot-kamay ang bangin. Limampung taon ang lumipas, ngunit nananatiling lubak-lubak, putik-putik pa rin ang lumang lansangan lalo’t tag-ulan, o kung hindi’y pulbos ang alikabok kapag tag-araw. Maraming sasakyan ang sinaló ng kailaliman sa paglipas ng mga taon, at ang pumalit ay ilang habal-habal. Sinisemento naman ng gobyerno ang lansangan, sabi sa balita, gaano man kalaki o kaliit ang pondo, at ang ipinagtataka niya’y hindi matapos-tapos ang proyekto. Minsan, naisip niyang bilangin ang mga hakbang bago sumapit sa paroroonan: Kung hindi ito ang pinakamahabang daan, malikmata lámang ang panganib, at ang pagbulusok sa mga alon, kung hindi man sa káma ng mga tinik. . . .