salin ng “Laquelle est la vrai?” ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Alin ang totoo?
May kilala ako noon na nagngangalang Benedicta, na pinasisigla sa ideal ang paligid at nagtataglay ng mga matang sumisinag ng pag-asam sa kadakilaan, kagandahan, karingalan, at sa lahat ng bagay na nagdudulot upang maniwala ang sinuman sa inmortalidad.
Ngunit ang mapaghimalang kabataang binibini’y napakarikit para mabuhay nang matagal, at totoo, matapos kaming magtagpo sa unang pagkakataon ay namatay siya. At sa araw na kahit ang mga sementeryo ay nabalani ng insensaryo ng taglagas, ako na mismo ang naglibing sa kaniya. Oo, ako ang naglibing sa kaniya, na ipinaloob ko sa mahalimuyak na kabaong na mahigpit ang pagkakalapat ng matitigas na kahoy, gaya ng mga baul mula sa malayong India.
At habang ang aking paningin ay nakapako sa pook na pinagbaunan ng aking kayamanan, bigla kong nasilayan ang munting nilalang na kahawig ng yumaong Benedicta at siya, na nagpapapadyak nang masidhi at nagwawala, ay bumunghalit ng halakhak saka nagsisigaw: “Ako ito, ang tunay na Benedicta! Ako ito! Ang sikat na puta! At bilang kaparusahan sa iyong pagiging hangal at bulag, iibigin mo ako gaya ng katangian ko!”
Nagngalit ako’t tumugon, “Hindi! Hindi! Hindi!” At upang maigiit ko ang aking pagtanggi, sumikad ako nang marahas sa lupa at bumaon ang aking binti hanggang tuhod sa sariwang tabon sa hukay. At gaya ng lobo na nabitag, nananatili ako magpahangga ngayon na bihag, at marahil magpakailanman, sa libingan ng Ideal.