Sulat ng Dayaray, ni Noshi Gillani

mga tula sa wikang Urdu ni Noshi Gillani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SULAT NG DAYARAY

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Maisusulat nito ang taglagas bilang tagsibol
Upang itumbas ang tagsibol na paghihintay.

Ngayong ang dayaray ay natutong sumulat,
Maisasalin nitong sumpa ang paglalagalag
At sumpain ang matatapat sa matwid na landas.

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Ang pagtitipon ay mailalarawang paglilipat;
Ang pag-ibig ay maisasaling kahinaan,
At ang punongkahoy ay mawawalan ng lilim.

Ngayon ay hihipan ng dayaray ang mga ilawan,
Magpupugay sa takipsilim, iwawaksi ang liwayway.

O, lahat kayong nagturo sa dayaray na sumulat!
Ngayon, ang dayaray ay natuto nang sumulat.

NAGBABAGO NG HIHIP ANG HANGIN

Alam mo bang
Nagbabago ng hihip ang hangin?
Iiwan ng mga ibon ang pugad sa madaling-araw
At malilimutan ang landas pabalik.
Minsan sa tagsibol, nagkakasanga ang puno’t
Nalalagas ang mga dahon bago pa ang taglagas;
Gaya ng mga landas na tinahak ng aking buhay
Na tinangay kung saan at parang alikabok
Ang kakaibang ngiting humuhugis sa labi mo.
Wiwikain mong, “Ano ang bago?”
Sa anumang bagay sa kuwento, at tutugunin kang
Ikaw ang bago,
Alam mo ba?
Ngunit paano mo mababatid ito?
Ang kanlungan ng iyong pag-ibig at pananalig
Ay maaaring hipan palayo na parang alabok
Dahil nagbabago rin kahit ang hihip ng hangin.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.