Loob, ni Roberto T. Añonuevo

Loób

Roberto T. Añonuevo


Ang daigdig na laan sa lahat
Ang daigdig na mata ni Anóranór,
Ang daigdig na aangkinin ni Mangáran
Nang maigiit ang kaakuhan.
Mito itong katotohanan sa mga tula
Ng mga sinaunang mandirigma
O sinumang nangangarap sumabak 
sa larangan
Nang malayo sa larong panlibangan.

At si Pánas, na napilitang lumayas
Sa kaniyang bayan
Upang lumikas sa kung saang dalom
At magpalakas ng isip at katawan
Ay magbabalik nang palihim
Sa anyô ng bárong, túnod at patibóng—
At ngayon ay lason mula sa langit
Na ibinabalik sa anyo ng kidlat-kulog
At nakalalapnos na ambon at simoy.

Ang pamanang lupain ay ugat at batas.
Ang pamanang lupain ay mapa at heometriya
Ng kasakiman.
Ang pamanang lupain ang libingan ng bait.

Isisigaw marahil iyan ni Panas
Na inagaw at nilapastangan ang kabiyak;
O dinakip, binugbog, at pinaslang ang anak
Sa kathang kasalanan o paratang;
O ang kapatid ay nagtungo sa ibayo
Para mangalakal o makipagkaibigan
Ngunit sinuklian ng pagtataksil at panlilinlang
Ng mga nagsasabwatang pusakal. 

May katwiran ang digmaan.
At dahil ang estado ni Panas ay kawalan,
Isa rin siyang refuhiyado at bandido
Sa estado ni Mangáran. 
Walang kapatid kapag dinapuan ng imbot;
Mananaig ang may hawak ng gahum.

Paanong mamamagitan ang mga magulang
Na pumanaw?
Paanong mamamagitan ang bathalang
Hinahayaan ang mga apo na mag-away
Sa lupang magtatabon sa kanila?
Kailangan ang pandarahas at pambubusabos
Nang magagap ang katarungan.
Kailangan ang bundok ng mga kalansay
Nang matupad ang kasunduan.
Kailangan ang pagkalipol ng sanlibutan
Nang mabura ang gunita ng kapatiran. 

Sa kaapu-apuhan ni Panas,
Ang paghawak ng armas at pag-aaklas
Ay katwiran para umiral
Nang makaigpaw sa dantaong pang-aalipusta
At nang matamo muli ang bayang minamahal. 
Tumitibok din marahil iyan sa iyong puso,
Ang pusong ang kasaysayan ay aklatan
Ng pananalig sa sagradong kadakilaan ng lahi. 

Hindi mo man kilala si Panas
Ay isasadula sa iba’t ibang paraan na ikaw 
ang ngayon
Sapagkat wala nang búkas.
Wala kang haharaping liwayway bagkus dilim.
Isasaharaya mo ang kaakuhan
Sa piling ng iba pang nilalang ng santinakpan
Kahit sabihing suntok pa ito sa buwan.
Sapagkat wala nang mukha ang kapayapaan,
Kailangang manindigan
Nang buong lakas, nang buong tapang—

Hindi mo man kilala si Pánas
O ang mananakop na gaya ni Mangáran. 
Alimbúkad: Epic poetry solidarity in search of humanity. Photo by Jae on Pexels.com

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.