salin ng tula ni Jorge Carrera Andrade ng Ecuador.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.
LARAWAN NG KAPANAHONG TAO
Natatakpan ng mga umaawit na duyan
sa magdamag ang daigdig.
Nagtitipon ng mga tipak na bato ang tao
para sa mga bahay ng isisilang sa hinaharap.
Iginupo ng mga klima,
tinahak ang mga tore, tsiminea at antena
manlalakbay bawat araw sa kaniyang lungsod,
nilulunod siya pagsapit ng alas-singko
sa hanay ng elektrikong halamanan ng anunsiyo.
Maestro ng mga makina,
naninirahan siya sa matatangkad na gusali.
Ikaw ay nasa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran:
puting tao, dilaw na tao, itim na tao.
Namumukadkad sa kaniyang palad
ang mga biyahe ng bangka at tren.
Pinalulusog ng mga pahayagan,
nalalagom ang mga umaga sa kaniyang paningin.
Sinusuyod ng mga riles ang lupain,
saka inaahit ang mga paisahe;
pinaaandar ng tao na perpekto ang kamay,
umaangat ang eroplano laban sa heograpiya.
Sumisigaw ang tao
sa Mehiko at Berlin, sa Moscow at Buenos Aires
habang tumatabon ang kaniyang mga telegrama
sa planeta.
Ito ang tanawin ng ating gabi:
iniikidan ng sinturon ng mga tren ang lungsod,
habang pinahahaba ng pananglaw ang antena
ng susô, at ang eroplano, na wasak na selestiyal,
ay pabulusok.
Bumabangon ang tao, na imbentor ng hinaharap,
sa palibot ng mga makina, ng mga poster ni Lenin,
ng mga plano ng mga lansangan sa New York,
at ng mga saligway ng daigdig.