Lúpos, ni Forugh Farrokhzad

Salin ng “Reborn,” na isinulat sa orihinal na Farsi, ni Forugh Farrokhzad
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Sholeh Wolpé

Lúpos

Lahat ng aking kaakuhan ay bersong makutim
na inuulit sa iyo hanggang bukang-liwayway
ng di-humuhupang pamumukadkad at paglago.
Binabalani kita sa aking tula pagbuntong-hininga
at pinasusupling sa tubig, apoy, at punongkahoy.

Marahil ang búhay ay isang mahabang abenida
na binabagtas araw-araw ng babaeng nakabasket;
Marahil ang búhay ay isang matibay na lubid
na ipinambibigti ng lalaki sa sarili doon sa sanga,
o isang bata na umuuwi ng bahay mula eskuwela.

Marahil ang búhay ay pagsisindi ng sigarilyo
makaraan ang walang kalatoy-latoy na pagtatalik,
o isang hungkag na sulyap ng dumaraan na itinaas
ang sombrero at bumatìng, Magandang umaga!
. . . . . . . . . . . . . . . . . . nang hindi man lang ngumingiti.

Marahil ang buhay ay pagkabilaok na ang titig ko
ay binubura ang sarili sa loob ng iyong balintataw—
. . . . . . . . . . . . . .Ihahalo ko ang pagdama sa pag-unawa
. . . . . . . . . . . . .  sa buwan at pag-arok sa sukdol-dilim.

Sa silid na kasukat ng kalungkutan,
ang puso ko’y kasukat ng pag-ibig.
Nagbubulay ito sa payak na palusot sa kaligayahan:
ang kariktan ng mga bulaklak na nalalanta sa plorera,
ang supling na itinatanim mo sa ating hardin,
at ang awit ng mga kanaryo—na sinlaki ng bintana.

Naku, ito ang aking kapalaran.
Ito ang aking kapalaran.
Ang kapalaran ko’y langit na naipipinid
sa pamamagitan ng pagsasabit ng kortina.
Ang kapalaran ko’y pagbabâ sa malungkot na hagdan
tungo sa pagkabulok at pagkadurog nang madestiyero.
Ang kapalaran ko’y makulimlim na paglalakad
sa makapal na halamanan ng mga gunita,
at pagkamatay mula sa pangungulila sa tinig
na nagsasabing, Gusto ko ang iyong mga kamay.

Itinatanim ko ang mga kamay sa luad—
Sisibol ako.
. . . . . . . . . . . . . .  . .  . Alam ko. Alam ko. Alam ko!
At sa guwang ng aking mga palad na batik ng tinta
ay hahabi ng pugad ang mga langay-langayan.

Palalamutian ko ng pinitas na tangkay ng kambal-seresa
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . ang mga tainga,
at isusuot ang mga talulot ng dalya sa aking mga kuko.
Naroroon pa rin ang lumang eskinita na ang mga totoy
na minsang minahal ako’y gusot pa rin ang mga buhok,
maninipis ang leeg, at mapapayat ang mga binti,
pinagbubulayan ang mga inosenteng ngiti ng dalagitang
tinangay ng bugso ng hangin isang gabi.

May isang eskinitang ninakaw ng aking puso
mula sa teritoryo ng aking kabataan.

Ang lawas na naglalakbay sa kahabaan ng linya ng panahon
ay tinitigmak ang tigang na pusod ng panahon,
at nagbabalik mula sa pagpipista ng salamin
nang matalik sa sariling hulagway.
Ganito kung paano mamatay, at kung paano manatili.

Walang sinumang naghahanap ang makatatagpo ng perlas
. . . . . . . . . . . . . . . .  sa sapa na dumadaloy tungo sa kanal.

Batid ko ang munti’t malungkuting diwata na nasa laot,
at nagpapatugtog ng kawayang plawta sa kaniyang puso,
nagpapatugtog nang napakalamyos. . .
isang malungkot, munting diwata na namamatay sa halik
tuwing gabi,
at muling isinisilang sa halik pagsapit ng madaling-araw.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.