Sa Labas
Roberto T. Añonuevo
Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos, na maaaring pagpapahalaga kay Imelda
Marcos o Yao Ming, ngunit hindi kailanman ruta
Ng Ang Tibay sa lumang museo ng mga sapatero.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . O iyon ang hinala mong tumatamà.
Bawat pares ay talaan ng mga pakikipagsapalaran;
At bawat destinasyon ay piling kúlay balát tahî taták
Sa alaala, na posibleng nagmula sa mga gasgas
na karanasang hango sa ibayong-dagat o pabrika,
ngunit hindi kailanman mahahalata ng pandama.
Kontaminado ng alikabok, ang salansan ng sapatos
Ay maaaring tumakbo palayo sa pananagutan o rali;
Tumadyak sa mga busabos o sumipa sa isang bola;
Umiwas sa di-mapigil na panlulumo o panlalamig;
Hinubad dahil sa tuwa at ipinamigay sa kaawa-awa;
Ipinukol sa kinamumuhiang politiko o bagamundo;
Itinapon ng mga baldado at pilay sa basurahan;
Sinagip bago lumutong mula sa resiklong regalo;
Nagbabalatkayo na orihinal at puslit sa adwana;
At ngayon ay naririto para gampanan ang kambal
na papel na uso-at-laos:
Ang replika ng prestihiyo at artefakto ng kalabisan.
. . . . . . . . . . . . . . .Sapagkat ukay-ukay din ang lungkot
Na naghuhunos na lugod kapag napasakamay
Ng sinumang lumaki nang nakayapak, o tumanda
Para sumaksi sa taas at lagitik ng mga takong;
O nakatagpo ng sinumang muling nakatindig
at nakalakad matapos maratay nang napakatagal.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Himala, hindi man himala?
Tatanawin ang eskaparate sa laki at lapad ng paa,
O sa kalidad ng goma o gaan o katad o disenyo,
alinsunod sa presyo na maididikta ng merkado.
Sakali’t isukat sa haraya ang pinili sa mga displey
ay asahan mong ipagpapalit ang ipon at ang hiya
ituring mang tulak ng dibdib dahil kabig ang bibig.
Ang eskaparate ay iba’t ibang panahon ng lakad
ngunit makakalap ang mga bakás sa mga ngalan
ng estetikong silbi at inaakalang pangangailangan:
Kumakaway ang lumbay nito sa likod ng salamin;
Kumakaway, at ang ganti mo ay pag-iling-iling.
Hindi ba ang salamin ay humihikab ding sapatos
Tuwing ihahakbang?
Marahil, o kung hindi’y ngumangangá sa pagod.
Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos sapagkat may katwiran ang isang kuripot
Ngunit malayaw,
Sapagkat may katwiran ang pagtitipid at basura
Sapagkat may bago na sasabihing pangmayamang
Kagila-gilalas ang landas na minsan pa’y pipiliin mong
Talikdan.