Deepfake, ni Roberto T. Añonuevo

Deepfake

Roberto T. Añonuevo

Tinanggap niyang mangmang siya noong una pa man, at nangibang-bayan isang araw, saka nagsikap ipaloob sa mga kuwaderno ang kakambal na hulagwáy ng mga numero at simbolo. At doon, may súkat, disenyo, at repetisyon ang lahat, at ang espasyo ay pormula na párang paglalakad sa pasikot-sikot na gubat, hanggang sumapit sa bangin na ang anino’y lulukob sa isang mundo. Ang mga numero at simbolo, na waring hukbong sandatahan, ay ginagaya rin ang mga titik at bantas, na sa tumpak na kombinasyon, ay makabubuô ng tunog at indayog, makabubuô ng mga salita at palugit, makabubuô ng mga parirala at sanga-sangang pahiwatig, na may kakayahang lumusob o umurong sa larangan, at pawang malayang gamitin ninuman sapagkat walang taglay na moralidad. Tinitingalâ niya ang langit ngunit ang simetriya ng mga bituin ay nasa dingding ng kaniyang gunita at guniguni—nanghihimasok at nangungulit para isulat pagkaraan sa duguang sahig o papel—at isang katwiran si Namagiri sa paglundag sa hanggahang nagbubukod sa pagbibiláng at pagkagutom.  Ang súpot ng karimlan, na lumulunok sa mga bulalakaw at planeta, ang nakalululà, nakatatastás sa kaniyang baít; gayunman, ito rin ang palaisipan na hindi nagpapatulog sa sinumang nabighani sa naturang diwain, hindi man siya si Ramanujan, na nagbabalik sa sariling bayan upang isadula ang paulit-ulit na pagkamatay, kahit siya ay isa nang inmortal.

Alimbúkad: Fearless poetry without peer. Photo by Julia M Cameron on Pexels.com

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.