Mga Hubog ng Pangitain, ni Roberto T. Añonuevo


Mga Hubog ng Pangitain

Roberto T. Añonuevo

1
Tumawid isang araw sa iyong paningin
ang kung anong bag,
paulit-ulit dumaan, kisapmata ngunit pabalik-balik,
at maaaring nagwika ng mga dapat ipunin, itago, at bitbitin.
Ngayon, ang bag na ito ay ano’t tila manganganak
ng iba pang bag na iba’t iba ang sukat, kulay, anyo’t salát,
wari bang sinadya para sa takdang lakad o okasyon.
Ang bag sa umaga ay hindi na ang bag pagsapit ng tanghali;
at ang bag sa tanghali ay magiging ibang bag sa gabi,
taglay ang pambihirang tungkulin
nang matangay kahit ang alikabok ng laksang tag-araw
ng iba’t ibang palengke, batasan, at simbahan.

2
Naisisilid kahit ang bagyo
sa iyo.
Bag na mahal na mahal ng ayaw ninumang walang dala,
ikaw ang nagkukubli ng aking tula
na parang ganito:

Ang kahungkagan ay sikmurà
ng tapayang wala ni sukà.
Dinudukot doon ang sawî
na isinúka ng buhawì.

3
Mahihiya marahil ang takipsilim kapag isinilid sa iyong bag,
sapagkat ang mga bituin ay nasa munting bulsa
at nasa sulok ang kard o lipistik o kapsula o retrato.
At kung sadya ngang mahihiya ang magdamag,
ito ay dahil inisip ng sinumang may hawak ng kalawakan
ang kutitap na mababanaag tuwing isinasara ang bag.
Hindi ko mauunawaan ang hiya, at lalong hindi mauunawaan
ang karimlan.
Ang nakikita ko’y ang bag mo, walang tatak ngunit nakatatak
ang imahen ng kapirasong buwan sa aking noo.

Kakapain kita.

Papaloob ako sa iyong bag. Hayaan akong humimbing
nang tahimik, naghihilik o nalulunod sa pulbos,
samantalang dumuduyan, kasabay ng imbay
ng iyong mga kamay na nanlalamig, nangangatal.

4
Ang bag na walang laman ay bag na katumbas
ng isang milyon. Ang balát na bag ay katumbas ng dalawang
siglong sahod o patamà na hindi mapapasakamay kailanman.
Sapagkat ang lumilikha ng bag ay matagumpay lamang
sa pangangarap ng naglalakbay na maleta at bayong.

Labas-masok ang mga ibong-tao, labas-masok
sa Göbekli Tepe, dala-dala ang bag na maaaring naglilihim
ng balabal mo at kalansay ko.

5
Sumasabog na bulkan, ito rin ba ang poot at himagsikan?

Hipnotiko at elemental, lahat ng maitutupi
ay maisisilid. Lahat ay himig ay om shanti, om shanti
O daigdig.

O plastik!

Kailangan kong kusutin ang nanlalabong paningin,
at lumuha ng mga graba.

Isang pugot na ulo ang katabi ko, at habang nakatitig
sa akin ay inuunan ang malalagkit na alahas at salapi.

6
Alsa-balutan, ako na tumatakas kasama ng bayan
ay naglaho ang pangalan.

Lahat ng maaaring madalá ay dadalhin mo.
Lahat ng alaala ay dadalhin,
kahit sapilitan, upang iwan muli
sa kung saang ligtas sa latigo, espada, kanyon.

Alsa-balutan, ako na nagmamadali ay kay bagal
buksan ang bag,
bantulot dahil iniingat-ingatang hugutin
ang panyo na kinababalutan ng kalingkingang
inosente
na tumilapon nang pasabugin ang gusali
ng isang lumang ospital.

7
Sinisiyasat ka, sinisiyasat na parang mensahero
ng trangkaso, damo, at lason sa isip.

Alinmang katwiran para sa seguridad
ng mga awtoridad at negosyante ay nararapat,
gaya ng pagbuklat at pagpukol sa mga abubot
na yamot na kinukumpiska sa piyer o paliparan.

Maiiwan ka at tatangayin ng mga guwardiya,
marahil para pigain at ikumpisal ang totoo.

Hindi ko alam kung bakit ito ang aking kapalaran
sa harap ng mga tropang imperyal at bughaw.

8
Listahan ng mga pangalan ang nasa loob ng bag.
Narito ang pangalan mo’t alyas,
ang hilig at fobya,
ang kiliti at Ligaya.

Direktoryo at network ng gahum
para isilid at ibaon nang malalim sa kung saang
planeta,
nanaising burahin nang maglaho ang batik at ugat.

Listahan ng mga pangalan ang nasa loob ng bag.
Mga maryoneta ng mga Kabataan
na pinaglalaruan ng mayayamang tigulang.

9
Bag ng papeles de bangko, mapa at titulo
ang marahil dala-dala mo.

Mga dokumentong
dinoktor sapagkat isa rin akong doktor.

Mawaglit man ang bag ay ano’t ikawiwindang
kung ang bag ay hindi na muling mabubuksan?

Maglalakad ako, at bubulong-bulong,
na wari bang kausap ang isang butangero.

At tumawid sa aking paningin ang isang bag,
tumawid at pabalik-balik.
Maaaring ako rin ang nasa loob niyon,
nasa loob na isang pantiyon,
kumakawag-kawag, pumipiglas-piglas,
ngunit ni hindi makahikbi o makahiyaw

at pilit tumatakas na waring hinahabol ng ahas.

Alimbúkad: Epic poetry uprising in search of humanity. Photo by beyzahzah on Pexels.com

Mag-iwan ng puna

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.