(Ang sumusunod ay kritika ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario sa nakaraang timpalak pampanitikan ng Talaang Ginto, at maaaring makatulong sa mga guro at estudyante na pawang nag-aaral ng tugma at sukat sa katutubong tula, bukod sa pagbubuo ng balangkas at talinghaga. )
KONSERBATISMO AT PATRIYOTISMO SA 2010 TALAANG GINTO
ni Virgilio S. Almario
MAY DALAWANG TAHAS NA konserbatibo sa magkaugnay na pinalaganap na mga tuntunin para sa “Talaang Ginto: Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Antonio Laperal Tamayo 2010” at mga memorandum pangkagawaran para sa 2010 Pagdiriwang sa Araw ni Balagtas. Una, ang atas sa tuntunin blg. 3 (na nakalimbag pa nang bold) na “Tanging ang mga tulang may súkat at tugma lámang ang maaaring ilahok.” Ikalawa, ang paksa ng pagdiriwang sa nagkakaisang memorandum ng DepEd, CHED, at CSC na “Diwa ni Balagtas: Karunungan at Katarungan sa Matatag na Republika.”
Sa buong kasaysayan ng Talaang Ginto, ngayon lámang iniatas na kailangang may tugma’t súkat ang mga lahok na tula. Na kung tutuusin ay isang paghihigpit laban sa mga makatang higit na mahilig tumula sa malayang taludturan. Gayunman, layunin ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang tagapangasiwa ng timpalak at pagdiriwang, na ipagunita ang ating tradisyonal na pagtula, na palagay ko’y isang magandang adhikang konserbatibo sa panahon ngayong marami sa mga makata ang ni hindi marunong gumamit ng wastong tugma’t súkat at nakahahambal ang mga kamaliang ikinakalat sa pagtuturo ng tugma’t súkat sa mga teksbuk
Sa kabilâng dako, ang paksa ng pagdiriwang ay lagi nang konserbatibo dahil may adhikang iugnay sa diwa ni Balagtas. Maganda ang diin ngayon sa karunungan at katarungang madudukal sa pagtula ng Sisne ng Panginay. Gayunman, lumagpas ito ngayon sa taunang layuning konserbatibo dahil sa tahasang pagpupugay sa “Matatag na Republika”—isang gawaing reaksiyonaryo at higit na nagsisiwalat sa mentalidad sipsip ng tagapangasiwang ahensiya o ng kasalukuyang pamunuan nitó. Nakatakda itong mabigo sa ipinahayag na patriyotismo ng mga nagwaging tula na pawang nagsasakdal sa malubhang korupsiyon at kawalan ng katarungan sa rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.
Magandang pagkakataon ang pagsuri sa mga nagwagi sa 2010 Talaang Ginto upang tukuyin ang estado ng paggamit sa tugma’t súkat sa kasalukuyang pagtula. May inihahandog ding pagkakataon ang paksa ng pagdiriwang upang siyasatin ang antas at paraan ng pagpapahayag ng damdaming makabayan ng ating mga makata.
Kodigo ng Tradisyonal na Anyo
Tungkol sa tugma’t súkat, dapat linawin na isa itong napakahalagang sangkap ng katutubong poetika sa Filipinas. May tugma’t sukat ang karamihan sa mga sinaunang tula/awit sa iba’t ibang wika ng kapuluan at may nagkakatulad na pangkalahatang batas na sinusunod mulang hilaga ng Luzon hanggang katimugan ng Mindanao. Sa Tagalog, isinagawa ang kodipikasyon ng mga batas sa tugma’t súkat sa panahon ng kolonyalismong Espanyol at ipinagpatuloy sa panahon ng Amerikano. Pangunahing pag-aaral sa bagay na ito ang Compendio de la lengua tagala (1703) ni Fray Gaspar de San Agustin, Arte poetico tagalo (sirka 1778) ni Fray Francisco Bencuchillo, Arte metrica del tagalog (1887) ni Jose Rizal, at Peculiaridades de la poesia tagala (1929) ni Lope K. Santos. Noong 1991, kinatas ko mula sa mga dakila bagaman panimulang pagsisiyasat na ito ang aking Taludtod at Talinghaga bukod sa ipinasalin ko ang mga ito para sa koleksiyong Poetikang Tagalog (UP Sentro ng Wikang Filipino, 1996).
(Kailangan kong idulot ang naturang impormasyon upang ihimaton sa mga nais bumalik sa tradisyon ng tugma’t súkat ang mga pangunahin at orihinal na sanggunian sa bagay na ito. Isang paraan din ito ng pagsawata sa mapagpalalo at hunghang na upasala ng mga naggagalíng-galíngang makata, kritiko, at guro na “inimbento” ko lámang diumano ang mga tuntuning isinasaloob ng mga makatang nagdaraan sa workshop ng LIRA. Maraming lisya sa mga haka ngayong pinalalaganap ng mga teksbuk dahil hindi nakabatay sa saliksik bukod sa hindi binabásang mabuti ang mga dakilang tulang may tugma’t súkat mula kay Balagtas hanggang kina Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, at napakarami pa.)
Matagumpay na naisakodigo nina San Agustin, Bencuchillo, at Rizal ang mga batayan at katutubong tuntunin sa tugma’t súkat. Ito ang maituturing na kodigo ng katutubong tradisyon at naglalatag ng mga kumbensiyong sinusunod hanggang ngayon. Gayunman, sa pagitan nina San Agustin at Rizal ay may naganap nang pagbabago sa katutubo. Ayon kay San Agustin, pipituhin at wawaluhin ang karaniwang súkat ng katutubong taludtod. Ngunit sa ika-19 na siglo ay naging popular ang lalabindalawahin, lalo na nang gamitin ni Balagtas sa kaniyang awit. Isang hiram at naturalisadong súkat mulang Europa ang lalabindalawahin ngunit bahagi na ito ngayon ng tradisyon. Sa panahon ng Amerikano at dahil sa repormasyong isinagawa ng mga makatang Balagtasista ay higit na sumalimuot ang tradisyon. Mararamdaman ito sa mga dagdag na tuntuning ipinasok ni Lope K. Santos noong 1929 at sa mga halimbawa ng reporma sa tugma’t súkat ng mga kapanahong makata. Hanggang ngayon, napapasukan ng pagbabago ang tradisyon ng tugma’t súkat, gaya halimbawa ng tugmang pantigan, at bahagi lámang ito ng pangyayaring aktibo at dumadaloy ang tradisyonal na batis nitó.
Kung ang tuntunin blg 3 ang bibigyang-diin, nakalulungkot ang anyo ng mga nagwaging tula sa 2010 Talaang Ginto. Ang unang gantimpala, ang “Ang Tutulain Kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda” ni David Michael M. San Juan ay isang napakahabàng halimbawa ng pagsuway sa kodigo ng tugma’t súkat. Mahahalatang may natural siyang wido sa paglikha ng ritmang pantaludturan, ngunit nakahihinayang ang gamit niya ng naturang wido sa ala-berdeng pagtutugma at pinagtalì-talìng mga pariralang oksimoroniko.
Isang malaking problema ng mga nagwaging makata ang pagdevelop ng tinatawag na padron ng tugma’t súkat sa kanilang mga saknong. Problema ito ni San Juan at maging ng pangatlong gantimpalang “Pintado: Inuukit sa Kulay ang Hibla ng Hininga” ni Leodivico C. Lacsamana at pangatlong karangalang-banggit na “Panawagan sa mga Bayani ng Panitikang Pilipino” ni Joel C. Malabanan. Malaking problema naman ng unang karangalang-banggit na “Kimay” ni Reynaldo A. Duque ang waring kawalan niya ng tainga sa pagkakaiba ng salitâng nagtatapos sa patinig na walang impit (malumay at mabilis) at ng salitâng nagtatapos sa patinig na may impit (malumi at maragsa). Kahit ang inaasahan kong higit na bihasang manunugma, si J.C. Malabanan, ay nasisilat sa pagtutugma ng “gintô” sa “gobyérno” at “demónyo” at ng “paglayà” sa “pakikibáka” at “pag-ása.” Malaking kasalanan ang mga ito sa kodigo ng tugma, at higit kong pinapansin sapagkat nangangailangan ng malaking rebisyon kapag iwinasto kompara sa problema sa súkat na madalîng nareretoke sa pamamagitan ng dagdag o bawas na pantig lámang.
Sa ganitong paraan maituturing na higit na maingat at makinis ang paggamit ng tugma’t súkat sa pangalawang gantimpalang “Mga Elemental na Pag-ibig” ni Enrico C. Torralba at sa pangalawang karangalang-banggit na “Kung Kailan Kailangan” ni Joselito D. delos Reyes. Sa mabilisang pagbása ay kapansin-pansin lámang ang kumabyos na lalabing-apatin ng isang linya (“takot na reberendong nagkukubli sa dilim”) sa saknungang lalabing-animin ni J.D. delos Reyes at sumablay na sesura ng lalabindalawahin ng isang taludtod (“naisip niyang ginawan s’ya ng tula”) at pilít na pagtitipil sa pangalawa bago ang hulíng taludtod ni E.C. Torralba.
Katangi-tangi din sa lahat ang matalino’t eksperimental na asamblea ng tugma’t súkat ni E.C. Torralba. Binubuo ng pitong yugto, iniwasan niya ang hulmahang awit ni Balagtas. Sa halip, lumikha siya ng mga padron ng taludturan na kumakasangkapan sa katutubo’t banyaga o Asyano’t Europeo. Nagsimula siya sa padrong may dalawang taludtod, tugmang isahan, at súkat na isahan sa lalabing-animin. Sinundan ito ng padrong may apat na taludtod at súkat na lalabindalawahin, na halos may anino ng taludturan sa Florante at Laura kung hindi pinasukan ni E.C. Torralba ng tugmang dalawahan sa sunuran (aabb). Ang ikatlong bahagi ay binubuo ng tatlong tanaga ngunit modernisado sa paggamit ng tugmang salitan (abab) at dahil sa dagdag na kopla ay naghunos sa isang sonetong Ingles. Ang ikaapat ay dalawang haiku at katangi-tangi ang pagsisikap na lumikha ng tugmang isahan sa loob ng napakakipot na anyong Japanese. Sinusugan pa niya ang paglalaro sa anyong Japanese sa pamamagitan ng limang tanka sa ikalimang yugto na may tugmang sunuran (axabb). Pansinin ang pagbibiro sa lima—may limang taludtod ang tanka at lima ang hinubog ni E.C. Torralba sa ikalimang yugto. Ang ikaanim na bahagi’y isang villanelle. Sa ikapitong bahagi ay bumalik sa mahabàng súkat si E.C. Torralba—ang lalabing-apatin na nilagyan pa niya ng sesurang 7/7—sa loob ng kuwarteto na may tugmang sunuran (aabb). Sa ganitong paraan nagsisilbing parentesis ang anyo ng una’t ikapitong bahagi sa mahabàng tula. Bílang pangwakas na sagisag ng tugma’t súkat, tinapos niya sa isang kodang dalawang taludtod ang limang taludtod ng ikapitong bahagi at ang buong tula.
May pangahas ding eksperimento ang súkat ni L.C. Lacsamana. Sinikap niyang itaguyod ang sukat na dadalawampu’t apatin sa loob ng 20 kuwarteto at isang kopla, isang gawaing sinimulan na noon nina Pedro Gatmaitan at Benigno Ramos ngunit inihinto dahil lubhang mahabà para sa limbagang pahina ng libro. Dahil sa habà, malimit na lumabis sa takdang espasyo ang ganitong linya kayâ’t pinuputol, na hindi naman magandang tingnan. Sinikap din ng mga Balagtasista na lagyan ng sesura ang ganito kahabàng taludtod, halimbawa’y 12/12, o 6/6/6/6 upang mapasikdo ang isang ritmo at maiwasang maging kabagot-bagot ang kanilang tula. Sa kasamaang-palad, hindi naisaalang-alang ni L.C. Lacsamana ang pagdudulot ng ritmo kayâ mistulang monotonong mga taludtod ang kaniyang dadalawampu’t apatin at mapaghihinalaang humabà dahil hindi inedit ang hindi kailangang mga salita.
Sa kabilâng dako, nais kong idagdag na ang disiplina sa tugma’t súkat ay dapat tumbasan ng dobleng ingat sa panig ng tagapaglathala. Kapansin-pansin ang mga malîng ispeling at nagkakadikit o nagkakahiwalay na mga taludtod at saknong sa limbag na programa sa pagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ipinalalagay kong bunga ng ganitong kaburaraan ng proofreading kahit ang sobrang “ang” sa villanelle ni E.C. Torralba at ang nawawalang kudlit (‘) sa “(i)ginupo” ni D.M.M. San Juan.
Bagong Nasyonalismo
Samantala, nais ko ring pag-ukulan ng puna ang talakay sa paksa ng mga nagwaging makata. Sa isang bandá, kapuri-puri ang nagkakaisa niláng hagkis laban sa (nais sanang ipagmalaki ng KWF na tagumpay ng) Matatag na Republika. Tahasang isinawalat ng mga nagwaging tula ang kawalan ng katarungan at maruming pamamahala sa kasalukuyan at pawang nangangarap ng pagbabago para sa bansa. Pinatotohanan ng mga tula ang diwang patriyotiko mula kina Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Benigno Ramos, Teo S. Baylen, at Amado V. Hernandez, at hanggang kina Rogelio G. Mangahas, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Elynia Ruth Mabanglo, Michael Bigornia, Fidel Rillo, at Jesus Manuel Santiago.
Subalit nása nabanggit kong hulíng pangyayari ang problema at hamon sa pagpapahayag ng damdaming makabayan ngayon. Unang-una, hindi kayâ inuulit lámang ng mga nagwaging makata ang sinabi na noon ng mga binanggit kong makata ng ika-20 siglo? May bago ba sa itinanghal na kabalighuang panlipunan at pampolitika ni D.M.M. San Juan sa hibik noon ni Florante sa gubat ng Albanya? Ang tagulaylay ba ni R.A. Duque para kay Kemberly Jul Luna ay naiiba sa balangkas ng himutok sa mga biktima ng karahasan noong Martial Law nina T.T. Antonio, F. Rillo, at J.M. Santiago?
Ang unang ibig kong sabihin, hindi masamâ ang mag-ulit (lalo’t importanteng ulit-ulitin). Ngunit kailangan ang bagong treatment sa inuulit, ang bagong pasok sa paksa, ang kahit dagdag lámang na detalye, o kahit bagong himig. Kapuwa halimbawa nagmula sa Fili sina D.M.M. San Juan at J.D. delos Reyes, ngunit naiiba ang epekto ng siste ni J.D. delos Reyes kaysa litanya ng gasgas na mga balintuna ni D.M.M. San Juan. May magandang panukala ang paghalungkat ni J.C. Malabanan sa mga bayani ng epikong-bayan. Ngunit bukod sa nabanggit na silbi nitóng pampaaralan, hindi ba’t iniaatas lámang din ng panawagan niya ang panawagan noon kina Rizal at Bonifacio nina Cecilio Apostol at Iñigo Ed. Regalado? Humabà rin ang panawagan ni J.C. Malabanan dahil sa listahan ng mga bayani sa epikong-bayan, na kung tutuusin ay naipahayag na ang diwa sa unang saknong kay Lam-ang. Higit din sanang naging makabuluhan ang paglilista kung sadyang itinapat sa katangian ng bawat bayani ang nilulunggating bago’t tanging tungkulin nitó sa kasalukuyan.
Ikalawang ibig kong sabihin, nangangailangan ng bagong pagsisiyasat ang pag-ibig sa bayan. Nása isip ko ang malikhaing pagsasaloob nina Rizal at Bonifacio sa diwa ng nasyonalismo noon mula sa Europa na nagpasiklab sa isang pambansang rebolusyon laban sa kolonyalismong Europeo. Nása isip ko rin ang mataimtim na paggamit ni Recto sa nasyonalismo upang ilantad ang balakyot na hangarin at makinasyon ng imperyalismong Amerikano, gayundin ang nasyonalismong ipinambigkis sa EDSA People Power upang ibagsak ang diktadurang Marcos. Itinatanghal sa atin ng kasaysayan ang naging awtentikong diwa para sa atin ng nasyonalismo upang isagot sa nagbabagong kondisyon at pangangailangan ng sambayanan. Nakatanghal din ang sumusulong at malikhaing espiritu ng nasyonalismo sa mga tulang kinakatawan nina Rizal, Bonifacio, Benigno Ramos, Amado V. Hernandez, at Teo T. Antonio.
Ngayon, nagkaroon na ng bagong salimuot ang nasyonalismo alinsunod sa nagbagong mga isyu’t usapin sa Filipinas nitóng nakaraang dalawampung taon. Ano ba talaga ang papel ng nasyonalismo laban sa globalisasyon? Laban sa droga at sobrang paglobo ng populasyon? Laban sa kultura ng korupsiyon? Kailangan samakatwid ang masusing paggagap sa problema ng ating panahon at malikhaing pagsasatula ng ating patriyotismo upang higit na mabisàng magampanan ng makata ang adhika niyang tungkuling politikal. Hindi na niya maisasagot sa problema ngayon ang tinatawag na nasyonalismong barong tagalog. Kailangang maingat siya sa pagsipi ng “malansang isda.” Sino pa ba ang maniniwala sa kaniya na “perlas ng silangan” ang Filipinas na kalbo ang mga bundok at nagpuputik ang tubigan? Kailangan niyang humúli ng bagong talinghaga. Kailangan niyang maghandog ng bagong balintuna’t parikala, ng bagong kislap-diwa o insight, upang makatulong sa paglilinaw ng kasalukuyang krisis pantao’t panlipunan. At isang higit na malaking trabaho ito ng makata. Higit na makabuluhan kaysa pagbuo ng napakahahabàng tula at taludtod. Higit ding nangangahulugan ito ng paggamit ng tradisyonal na anyo at payak na wika upang mabilis na tumimo sa puso ng madla. Sa gayon, iminumungkahi rin ng ganitong mithiin ang pag-iwas sa nakapanggigilalas na salita’t parirala na gaya ng “hegemonya”—na maaaring madalîng makaduling sa antikwadong hurado ngunit (tila siyokoy pa yata?) isang malaking palaisipan sa bayan kung hindi lalakipan ng kongkretong karanasang pambansa—at mahiwagang paglalaro sa tradisyonal na tugma’t súkat.
Bago ang pagtula, nagsisimula ang trabaho ng makata sa taimtim na pag-aaral at saliksik—pag-aaral ng wika’t tradisyon, saliksik sa puso’t bituka ng tao. Sa ganito higit na nagkakaroon ng kabuluhan kahit ang timpalak na konserbatibo at mapangaraping taludturang patriyotiko.
Ferndale Homes
16 Hunyo 2010
“Gibain ang PORMALISMO! Palayain ang PANITIKAN sa kamay ng mga makata sa toreng garing!”
ni David Michael M. San Juan
Hangga’t maaari hindi ko sana nais sumagot sa anumang puna ng mga pormalista, lalo pa yaong mga namamarali ukol sa “patriyotismo” at kung anu-ano pang “ismo” na kanilang paulit-ulit na ginagamit sa kanilang mga sanaysay na namumuna sa gawa ng ibang manunulat, gayong sa katotohana’y wala naman silang malalim na pag-unawa sa mga “ismo.” Hangga’t maaari nais kong iwasan ang mga pormalista. Sa lahat ng mga kritiko at pseudo-kritiko, pinakaayaw ko ang mga pormalista. Pinakamababaw ang saligan ng mga pormalista. Nangungunyapit sila sa isang lumang kaisipan na ibinasura na maging sa mga bansang nagluwal ng mga manunulat na hinahangaan din nila at binabanggit-banggit sa kanilang mga aklat na pagkamahal-mahal gayong wala naming bagong sinasabi. May ilan sa kanila na nagtangkang bigyan ng bagong anyo ang pormalismo. Kumatha ng bagong termino, pinaglahuk-lahok ang mga banyaga (raw) at katutubong kaisipan (daw) at saka sinabing may bago sa kanilang itinitinda sa malawak na pamilihan ng mga ideya.
Gayunman, obligado akong sagutin ang mga puna ng mga seryosong pormalista, lalo na kung ang pormalista ay isang Pambansang Alagad ng Sining na gaya ni G. Virgilio Almario na mas kilala ng iba sa kanyang sagisag-panulat na “Rio Alma.” Sa isang sanaysay na pinamagatang “KONSERBATISMO AT PATRIYOTISMO SA 2010 TALAANG GINTO” ay nagbigay siya ng mga puna ukol sa mga tulang nagwagi sa 2010 Talaang Ginto (isang taunang patimpalak sa tula na isinasagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino). Ang nasabing kritik ay ipinaskel ni Roberto Añonuevo sa kanyang http://www.alimbukad.com kung saan matatagpuan din ang mas matalas ngunit di hamak na mas hungkag na kritik ni Añonuevo mismo.
Ang sanaysay kong ito ay sagot sa ilang puna ni G. Almario. Ang mga puna ni Añonuevo ay makapaghihintay.
~~~
Wala po akong pakialam sa mga kodigo ng tugma at sukat na nais ipalaganap ng inyong organisasyon. Kung sukat ang pag-uusapan, isa-isahin ninyong bilangin ang pantig sa bawat taludtod, malinaw na lalabindalawahin. Kung sakaling may isa o 2 taludtod na sumobra ang pantig, ay patawarin ang makata o ang encoder: sa kabuuan ay lalabindalawahin; ang sumobrang pantig ay madaling kaltasin at palitan ng kudlit. Ano kung gayon ang pagsuway sa lalabindalawahin? Wala, malinaw na wala. Pagsuway sa tugma? Sa kabuuan ay wala. Bawat taludtod ay may tugma. Maaaring iregular ang tugmaan sa ilang taludtod (halimbawa, may mga taludtod na ang mismong tugma ay nasa sesura o sa dalawang hati ng mismong taludtod; ang iba nama’y ang dulo ng taludtod ay tinugmaan ng dulo rin ng kasunod na taludtod). Walang bawal sa tugmaan dahil walang kodigo, at walang sinuman ang may karapatang magtakda na ito o iyon ang kodigo. Bakit ang kodigo ng LIRA ang susundin? Ang mahalaga sa tugmaan ay ang tunog nito sa pagbigkas. Kailangang maging swabe ang tugma, maganda sa pandinig. Kodigo? Batas? Butas!
~~~
Ano ang nakahihinayang sa “wido sa paglikha ng ritmang pantaludturan?” Nakahihinayang dahil hindi “nagabayan” ng “tamang pagtula” alinsunod sa “pamantayan” ng LIRA? Ang pinakamahalaga sa anumang tula ay ang maintindihan ng mga mambabasa ang tula, o ang diwa man lamang ng kabuuan nito. Nang ipabasa ko sa mga mag-aaral ko’y naintindihan nila ang tula. Ano ang nakahihinayang? Hindi ba naintindihan ng mga kritiko ang tula? Kaya silang tulungan ng aking mga estudyante anumang oras.
~~~
At kaninong padron o pattern ng tugma’t sukat ang dapat masunod? Wala ba kaming karapatang bumuo ng sarili naming padron dahil hindi kami taga-LIRA? Kung ang aming tugmaa’y iregular, e di tawaging “tugmang iregular.” Bakit ang sa LIRA lamang ang dapat sunding padron? Alin sa aking mga taludtod ang walang tugma? Tukuyin po ninyo. WALA! Kung may makalusot na isa o 2, patawarin, bawat tao’y taong nagkakamali.
~~~
Bakit ang mga taga-LIRA ang laging magaling sa sukat at tugma? At pati sa malayang taludturan, SILA LAGI ANG NANANALO! ANONG HIWAGA NG LANGIT! At kaya ba nagagalit sa 2010 Talaang Ginto ay sapagkat maraming di taga-LIRA ang nagawagi?
Hinggil sa sukat ng tula ni E.C. Torralba, mangyaring basahing paulit-ulit upang mapansin ang halu-halong apatang lalabindalawahin, dalawahang lalabing-animin, apatang pipituhin, estilong haiku…Ganyan ba ang dapat naming gawin upang makapasa sa mahigpit na pamantayan ng LIRA? Sige po: sa patimpalak ng LIRA (alin nga bang patimpalak sa tula ang hindi pa kanila?), makakaasa kayong ang aming ipapasa’y ang tulang may sukat na halu-halo, lahuk-lahok, cross-breed, sala-salabat…
Ang tula ko’y apatang lalabindalawahin lahat (nagkadikit lamang ang ibang saknong sa pagkakalimbag dahil sa maling lay-out), ngunit mali, ayon kay G. Almario habang ang sukat na lahuk-lahok ng taga-LIRA ay mahusay? Palakpakan, mga kababayan. Alam na natin ngayon ang depinisyon ng mahusay na tulang may sukat, ayon sa Pambansang Alagad ng Sining, LAHUK-LAHOK, HALU-HALO, CROSS-BREED…Sukat na eksperimental daw ang tawag doon.
Hinggil sa tugma ng tula ni E.C. Torralba, pakipansin ang mga taludtod na ito: “Inakala niyang nangarap ang TAONG/Muling makausap, may likha ng MUNDO.” Di ko po makita ang tugma. Baka kailangan ko na ng salamin ng LIRA? Saan po ba nakakabili? Narito pa ang isang taludtod mula rin sa tula ni E.C. Torralba: “Ngunit mag-ingat./Walang kinikilalang/Puso’t ulirat/Ang simoy. Siya’y damping/Darating o buhawi.” Hindi ko rin po Makita ang tugma, lalo pa’t tila problematiko rin ang sesura.
Hinggil naman sa tula ni J.D. de los Reyes, higit pang iregular ang tugmaan sa ibang taludtod kaysa sa aking tula. Bakit hindi pinansin ni G. Almario? Ang sa aki’y nilitis at diumano’y “mahabang halimbawa ng pagsuway sa kodigo,” ngunit ang kay J.D. de los Reyes ay pinatawad kahit higit na iregular ang tugmaan dahil taga-LIRA?
~~~
MARAMING SALAMAT PO! (bagamat di ko narinig ang hagkis ng “Mga Elemental na Pag-ibig” na isa sa mga paborito ni G. Almario)
~~~
Inuulit ang mga sinabi na noon? Isang di mapatatawad na akusasyon! Ipakita ninyo sa madla ang mga tulang sinasabi ninyong nagsabi na rin ng mga sinabi namin. Ipagpalagay man na may maipakita kayo, simple ang sagot: HINDI NAGBAGO ANG KALAGAYAN NG PILIPINAS KAYA OBLIGADO ANG MAKATA NA ULIT-ULITIN ANG SANLIBO’T ISANG DALIT NG SAMBAYANAN.
May bago pa ba sa itinanghal na kabalighuang panlipunan at pampolitika ni D.M.M. San Juan sa hibik noon ni Florante sa gubat ng Albanya? WALA PO at WALANG MASAMA ROON DAHIL SI FLORANTE, ANG BAYAN, AY NASA GUBAT PA RIN, SA GUBAT NA LALO LAMANG MAS NAGING MAPANGLAW. Kung babasahin nang buo ang aking tula, makikita na ang mga nagaganap sa ating panahon ay aking isinama rin sa tula. Narito ang ilang halimbawa:
Layang inihandog, layang natutulog
Layang pinagbili, huwad na kandili
Dayuha’y yumaman, hikahos ang bayan
Piging ng iilan, sayawan sa bulkan
VII. ANARKIYA
Isang alingawngaw, dakong Maguindanao
Leyte, Escalante, Maliwalu’t Lupao
Tadhanang ginuhit, aral na malupit
Pantasmong naulit, sa baya’y hagupit
Nangusap ang dugo, hinagpis sa punglo
Sumagot si luha, inampon ni baha
Dumatal ang sigwa, poot ni Bathala
Panaho’y tinakda, hustisya’y bahala
Bagyo sa disyerto, tuyong paraiso
Gumuhong kastilyo, bayang minartilyo
Bansang kapuluan, nilulon, nilamon
Dumagsa ang laksang dambuhalang alon.
Bundok ay ginupo, ‘sang iglap, naglaho
Giniba’t winasak, sinaklot ang pilak.
Sinaklot ng takot, kahila-hilakbot
Mundong masalimuot, guguhong tatsulok.
Abang sambayanan ay kumaing-dili
Si Ginto’t si Pilak, ang reyna’t ang hari
Punebre’t himutok, sa bata’y oyayi
Sa dilim, hinagpis, binhing pinaglihi
Sa araw natusta itong tagabungkal
Inugat sa lupa silang nagpapagal
Ang lupang pangako, lunod sa lansihan
Tales, Tata Selo, katwira’y nasaan
Paroo’t paritong nangagsisitakbo
Bawal ang mahuli sa among trabaho
Ay naku, ay naku gamumo ang sweldo
Ayan na, ayan na, langit ang presyo
Sa sagradong pinto, simbahang maluho
Sentimo’t mamera, insultong pag-asa
Kupi-kuping lata’y bihirang dampian
Kalansing ng barya, saan at kailan
VIII. INSUREKSYON
Dumating ang araw, hirap ay tumindi
Sa hinaing ng bayan, mahikero’y bingi
Batingaw sa tore’y muling dinupikal
Panawag sa bayan sa pulong na bawal
Bandilang bahaghari’y nangagsilipad
Naipong galit, sumambulat sa plakard
Ang pipi’y nangusap, sumigaw ang lahat
Bawiin, bawiin, bansang kinulimbat
Kumurap ang mata’t umulan ng bala
Sumabog ang madla, nag-amoy pulbura
Bumuwal ang isa, dalawa, lahat na
Kalawit, kalawit muli kang magpista
Hinggil naman sa puna ni Almario sa tula ni R. Duque, totoong ang pagpatay sa mga gaya ni Kimay ay dati nang nangyayari, AT KAYA NGA LALONG DAPAT TULAIN DI BA? KAYSA TUMULA NG PAG-IBIG, PAG-IBIG AT PAG-IBIG PA (pakipansin ang tulang gawa ng 1 taga-LIRA na nagwagi rin), AY DI HAMAK NA MAS MAINAM TULAIN ANG PAGPATAY, PAGPATAY AT PAGPATAY SA MGA PINAGBIBINTANGANG SUBERSIBO…HIGIT NA MAS MAINAM TULAIN ANG MGA PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO KAYSA SA MGA ABSURDISTANG BUNGHALIT UKOL SA PAG-IBIG.
~~~
Paano naging gasgas ang aking mga taludtod ay ni wala ngang malikhang ganyan ang LIRA? Nasaan ang mga taludtod na gayon din? Nasaan ang mga tulang gayon din? Nasaan? WALA! Gasgas na balintuna? Paano nagasgas ang ngayon lang nabasa?
Naghahanap po kayo ng bagong himig, bakit hindi ninyo pagawain ang LIRA, pakisabing laos na ang pormalismo, mag-isip naman ng iba.
~~~
Sabi ni G. Almario: “Ngayon, nagkaroon na ng bagong salimuot ang nasyonalismo alinsunod sa nagbagong mga isyu’t usapin sa Filipinas nitóng nakaraang dalawampung taon. Ano ba talaga ang papel ng nasyonalismo laban sa globalisasyon? Laban sa droga at sobrang paglobo ng populasyon? Laban sa kultura ng korupsiyon?”
~~~
Marahil hindi binasa/nabasa ni G. Almario ang mga saknong ng tula ko:
Mata’y piniringan, dunong, binusalan
Bibig, binawalan, puso’y binantayan
No sa makabayan, yes sir sa dayuhan
Kundiman sa bayan, destino’y libingan
Lahat, inutusan, tsokolate’y tikman
Kakani’y bitawan, Tiyo Sam ay hagkan
Itakwil si Boni, si Pepe’y bayani
Ang Noli at Fili, basta isantabi
Dekadang linlangan, huwad na huwaran
Eskwela’y binuksan, diwa’y kalimutan
Itanghal ang dayo, limutin ang iyo
Kadena’y ibigin, mag-asal-alipin
Dila’y pilipitin, sa wikang di atin
Kataga’y hungkag man, Inglesero naman
Masarap pakinggan, kahit walang laman
Hudas, palakpakan, paiyakin ang bayan
Layang inihandog, layang natutulog
Layang pinagbili, huwad na kandili
Dayuha’y yumaman, hikahos ang bayan
Piging ng iilan, sayawan sa bulkan
Bundok ay ginupo, ‘sang iglap, naglaho
Giniba’t winasak, sinaklot ang pilak.
Sinaklot ng takot, kahila-hilakbot
Mundong masalimuot, guguhong tatsulok.
Mangarap, mangarap, mata’y mag-apuhap
Buuin ang bayan nang mayro’ng paglingap
Muling magsiawit, sipatin ang langit
Buksan, buksan, diwa’t pusong nakapinid
Sa hanging amihan ating iparating
Matimyas na sonata ay iparinig
Sa gabi’t umaga’y hawanin ang daan
Patungo sa ating pangarap na bayan
Bayang nilugami, babangon sa muni
Mga batong guho, toreng itatayo
Sa dilim sisilip, hininga’y iihip
Silahis ng buhay, ang bukang-liwayway
Nasyon, liberasyon, pasyon, rebolusyon
Pusikit, pumikit, lintik ang pipitik
Kidlat ang pangmulat, panggulat sa salat
Magsulat, magsulat, kahit inaalat
Hanggang isang araw, ating masilayan
Maunlad at malayang irog na bayan
Binigkis na bansa, wala nang luha
‘To, ito ang haranang tutulain ko.
~~~
Simple ba ang salita ng mga tula ni G. Almario? Nauunawaan at tumitimo sa puso ng madla? Sa aking taal na Tagalog ay madaling unawain ang mga salita sa tula ni G. Almario, ngunit, sa pagpapabasa ko sa mga mag-aaral ko, napakaraming mahihiwagang salita rin ang ginagamit ni G. Almario. At iminumungkahi ko kay G. Almario na kastiguhin din ang mga taga-LIRA. Bakit ang “hegemonya” na ginamit ko ang pinagdidiskitahan, dahil ako’y di taga-LIRA? Pansinin ang mga sumusunod: BALANGGOT, TALIPTIP, TANGRIB, BAKOOD, PASIGAN, BULAOS, DALISDIS, SENISAL, HUMIDHID, BALAKYOT…Lahat iyan ay di na gamitin sa KONTEMPORARYONG FILIPINO, PERO GINAMIT SA TULA ng mga taga-LIRA. Bakit ang mga yao’y pwede pero ang “HEGEMONYA” ay hindi? Dahil salitang banyaga? E ganoon din ang mga nabanggit na salitang sinaunang Tagalog! BANYAGA NA RIN SA KONTEMPORARYONG MATA. Lahat ng tula ay di maiiwasang gumamit ng ilang malalalim na salita, lalo na pag tugmaan…At batid iyan ni G. Almario. Maaaring makapanayam ang mga kontemporaryong estudyante upang malaman kung ilang diksyunaryo ang ginamit nila sa pag-unawa sa mga tula ng dakilang makatang Pambansang Alagad ng Sining.
~~~
Konklusyon ni G. Almario: “Bago ang pagtula, nagsisimula ang trabaho ng makata sa taimtim na pag-aaral at saliksik—pag-aaral ng wika’t tradisyon, saliksik sa puso’t bituka ng tao. Sa ganito higit na nagkakaroon ng kabuluhan kahit ang timpalak na konserbatibo at mapangaraping taludturang patriyotiko.”
~~~
Tumpak at sang-ayon ako! At ginagawa ko ang aking bahagi, lagpas sa inaakala ni G. Almario…
19 Hunyo 2010 (ika-149 Kaarawan ni Jose Rizal)
Malolos, Bulacan
P.S. May Facebook account po ako. Mas masarap magbutaltalan doon…Mas malawak ang audience…
LikeLike
Inaasahan ko ang mataas na diskurso sa iginagalang na si David Michael M. San Juan, ngunit kabaligtaran ang aking natagpuan. Ayokong sabihing duling kung hindi man tanga itong si San Juan,
na may doktorado pa naman, ngunit hindi yata niya naunawaan ang winika ng Pambansang Alagad sa Sining Virgilio S. Almario.Unang-una sa lahat, ang kodigo ng tugma at sukat ay hindi nagmula sa LIRA, bagkus ito’y mauugat sa mahabang kasaysayan ng panulaang Tagalog na lumago sa paglipas ng panahon. Malinaw itong ipinaliwanag ni Almario, at ang pagsuway sa kodigong ito ni San Juan ay hindi bunga ng talisik, bagkus isang uri ng masining na katangahan sa larangan ng panulaang Filipino.
Ikalawa, makitid ang pagtanaw ni San Juan sa panulaan, at aniya’y “Ang pinakamahalaga sa anumang tula ay ang maintindihan ng mga mambabasa ang tula, o ang diwa man lamang ng kabuuan nito. Nang ipabasa ko sa mga mag-aaral ko’y naintindihan nila ang tula.” Ang tula ay hindi lamang usapin kung nauwaan o hindi ng mambabasa, dahil maaaring ang mga estudyante ni San Juan ay walang malalim na pagkakagagap sa sining ng pagtula, lalo sa mahabang tradisyon ng panulaang Filipino sa kabuuan. Ang lohika ni San Juan ay argumentum ad auctoritatem, na isang pag-apela sa awtoridad na walang kakayahan upang suriin at pagpasiyahan ang kasiningan ng berso ng butihing “Makata ng Taon.”
Ikatlo, nabubunyag ang malikhaing katangahan nitong si Juan at hindi naunawaan ang eksperimento sa pananaludtod ni Enrico Torralba. Ipinaliwanag na ito ni Almario, at ayoko nang ulitin pa.
Ikaapat, ang pag-uulit ni San Juan sa mga sinabi ng ibang naunang makata ay lampas sa literal na pakahulugan. Ang paraan ng kaniyang pagsulat ay parang tunog ding-dong-ding-dong, na kahit sabihin pang may pagtatangkang magpasok ng panloob na tugmaan ay hindi konsistent sa kabuuan kaya hindi masasabing sinadya at pinag-isipan nang matagal. Kung uuriin pa, ang kaniyang pagtula ay nasa antas na bersong panteksbuk na barok at lohikang sadsad sa bangketa.
Ikalima, ang siniping mga saknong ni San Juan na siya mismo ang sumulat ay malinaw na salat sa sining ng pagtulang pasalaysay, yamang ipinagmamalaki ng awtor na isa umano iyong “tulang pangkasaysayan.” Maganda lamang pakinggan ang tunog ng mga salita ngunit hungkag ang nilalaman nito kung iuugnay sa personang nagsasalita, sa tinig nitong omnisyente, sa paghahanay o pagkatalogo ng mga tagpo o pangyayari, sa disenyo ng pagpapanahon, at iba pa. Barok na barok ang tula, at ewan ko kung saan napulot ni San Juan ang gayong pamamaraan.
Nakapanghihinayang na sa estado ni David Michael M. San Juan, na isang propesor sa panitikan at wika
at may doktorado pa naman, ay mababaw ang pagkakaunawa sa panulaang Filipino. Isang kasalanang mortal ang magpakalat ng katangahan, at hindi maipagtatanggol ng kaniyang Facebook ang mahina, mababaw, at tersera klaseng berso—na hindi karapat-dapat magwagi sa timpalak ng Talaang Ginto.LikeLike
hindi ko nabasa ang thread…pero tanong ko lang, david, mayroon bang pormalistang makata? ang alam ko, pormalistang kritiko…pero anong masama kung magsabi ng kanyang pamantayan ang kritiko…mukhang ang inaayawan lang ay ang pormalismong kritisismo, pero pagdating sa marxistang kritisismo (o anumang “progresibong” kritisismo) ay okay lang…yun lang po…
LikeLike
Pyudal ang tuntungan ng sistemang rumespeto sa mga nauna subalit kakabit ng kulturang ating kinagisnan. Ako ay lubusang humahanga sa panulaan ni G. Virgilio Almario bagamat kumukuwestiyon sa kanyang naging posisyon sa pagtataguyod ng pambansa-demokratikong pakikibaka gamit ang kanyang sining. Naniniwala rin ako na tama si G. Anonuevo na hindi pag-aari ng LIRA ang pamantayan sa panulaan “bagkus ito’y mauugat sa mahabang kasaysayan ng panulaang Tagalog na lumago sa paglipas ng panahon”.
Ang sa ganang akin lamang, hindi nakikita at nararamdaman ng mga Formalistang makata ang karanasan at kaisipang pinaghuhugutan ng isang makata para mabuo ang kanyang akda. Kung kaya HUNGKAG ang pagsusuri ng tula batay lamang sa kung ano ang nababasa at nakikita sa mga salitang nakatala. HIndi saklaw ng mambabasa ang damdaming nais ilarawan ng may akda sa nalikhang obra ng isang makata kung kaya walang karapatan ang sinumang magmagaling at mang-insulto ng kapwa makata dahil lamang sa pinaniniwalaang paglabag sa mga salik ng pagtula. Sa dulo, huhusgahan ng kasaysayan ang mga bunga ng ating diwa at sila at ang taong bayan mismo ang magtatakda kung sino ang lumikha ng tanso at sino ang lumikha ng ginto.
Kung anumang natuklasan ng LIRA sa larangan ng pagtula ay isang punto de vista lamang at hindi ang absolutong katotohanan sa larangan ng pagtula. Hindi dapat tumaas ang ihi ng mga kasapi nito sa paniniwalang sila na lamang ang awtoridad pagdating sa larangan dahil malawak ang saklaw na pinanggagalingan ng pagtula. Ang isang hilaw na akda ay mas makatotohang repleksyon ng saloobin at paniniwala ng isang tao kaysa sa dinuktor at pinakinis na akda sa hangaring dakilain ng kapwa makata.
Sabagay, ang patimpalak ng TALAANG GINTO ay tinakdaang may sukat at tugma. Sa istriktong pagtingin ay posible ngang may mga paglabag si San Juan. Ngunit iyan ay nadesisyunan na ng mga hurado. Sila ang nasa posisyon para mamili ng nagwagi na dapat irespeto gaya rin ng paniniwala natin sa ating bawat sarili na dapat tayong irespeto ng iba kung hindi man nila gusto ang ating desisyon.
Naniniwala akong higit na konstruktibo ang ginawang pagpuna ni G. Alamario sa resulta ng Talaang Ginto kaysa sa mga naunang pagpuna ni G. Anonuevo na naging higit sanang mapitagan sa kanyang pagpapahayag ng pananaw. Sabagay, alam naman ni G. Anonuevo kung saan siya nagmumula sa paghipo niya sa matang tubig ng panulaan ni San Juan.
Maraming salamat po.
LikeLike
Walang “pormalistang makata” at ito ang dapat maging malinaw sa diskurso. Saan mo naman napulot ang ganiyang opinyon?
Ang pormalismo, hugutin man sa Rusong Formalismo o Bagong Formalismong Filipino, ay isang paraan lamang ng pagtanaw sa teksto. Ito ay dahil ang teksto, gaya ng tula, ay maaaring suriin sa panloob na aspekto (tugma, sukat, talinghaga, dalumat, pahiwatig, pakahulugan, disenyo, balangkas, tinig, himig, atbp) at sa panlabas na aspekto nito (pagsagap ng mambabasa, kasaysayan, uring panlipunan, tunggalian, laro ng kapangyarihan, kasarian, atbp.) Sa BFF ni Almario, kung babalikan ang kaniyang naunang mga akda, ay naglalaro sa magkatambal na aspektong ito, at hindi makatwiran na sabihing isang panig lamang ang kaniyang tinatalakay.
Ipagpaumanhin kung nainsulto man si David Michael M. San Juan, ngunit sadyang nakakainsulto sa talino ng madla ang kaniyang marupok at mababaw na berso na kakatwang pinalusot ng mga hurado. Ang kakatwa’y hindi gumamit ng ibang teorya, kung hindi man pagdulog sa pagbasa, si San Juan upang ipagtanggol ang kaniyang ipinagmamalaking tula. Binabanatan niya ang “formalismo” ngunit sa wari ko’y hindi niya talaga nauunawaan ang kaniyang pinagsasasabi.
Hindi na dapat pang maghintay ng mahabang panahon upang husgahan ang sinasabing tula ni San Juan. Pagsapit ng tamang panahon, matatauhan siya sa kaniyang pagkakamali, at sasabihin niyang sadyang nasa wakas ang pagsisisi.
LikeLike
Hindi na po natin kailangang humalaw pa sa Rusong Formalismo o Bagong Formalismong Filipino ni Ginoong Rio Alma. Dito po sa alimbukad namamahay ang Pormalistang makata.
Pormalistang makata ang tawag sa mga lumilikha ng tula na ang binibigyang diin lamang ay “tugma, sukat, talinghaga, dalumat, pahiwatig, pakahulugan, disenyo, balangkas, tinig, himig, atbp” na hindi iniisip kung ang sinusulat ba nila ay dekorasyon lamang at paglalaro lamang ng wika.
Ako ay kumbinsido na may mga kahinaan nga ang tula ni San Juan at maging ang iba pang nagwagi. Nagkataong nananalig lamang ako na sa pagsukat ng kabuluhan ng tula, kailangang mauna ang “esensiya bago porma”. Totoong malaki ang naiambag ng LIRA sa pagyabong ng panitikan sa bansa. Mas mainam lang sana na lalo pang patatagin ng mga makata ang kanilang pagkakaisa sa pagsusulong ng wika at panitikang Filipino. Dapat lamang na maghinay-hinay sa pagbatikos ng mga akda ang mga naniniwalang sila ay higit na abante sa larangan ng pagsulat. Ang anumang matapat at obhetibong pagpuna sa akda ng iba ay nawawalan ng bisa kapag nahaluan ng kayabangan at kahambugan. Hindi rin ito nakakatulong upang pagkaisahin ang mga datihan at baguhang manunulat bagkos ay nagdudulot ng pagkakawatak-watak.
Normal ang banggaan ng opinyon ngunit dapat maunwaan ng sinuman na sa bawat pagsusuri ng tula ay may hindi nakikita o nababatid ang kritiko gaya ng pagdama sa nararamdaman ng may akda, pakikibahagi sa karanasang pinag-ugatan ng akda, perspektiba kung saan nagmumula ang pananaw ng may akda at iba pang tiyak na batid rin naman ng gaya mong makata.
Bilang halimbawa, wala ako sa posisyon para suiin ang tunay na nilalaman ng akdang ito:
Nang lumaon, iginuhit ko ang plano sa isip.
Ang Lolo ko’y malimit mahapo’t ubuhin,
kaya napilitan akong kumuyom ng kutsara’t
magpalitada. Ako na dating tagaabot ng paet
at pala ang siyang naging promotor ng lahat.
Natutuhan kong magkimkim ng dalawang mukha
gaya ng hasaan: ang isa’y karpintero kapag araw,
at ang ikalawa’y manunulat kapag tulog ang lahat.
Binanat ko ang sarili gaya ng metro at walang
inaksayang espasyo para sa mabibilis na layaw o bisyo.
Nagtakda ako ng mga pitik at nag-iwan ng mga linya
upang pagsumunduan ng lagari. Naghunos ang bait ko
at itinuring na ang buhay ay nababaluktot, napipilipit
ng plais at makinilya. Natauhan ako sa gayuma ng sinsil
at talinghaga ng punsol habang tumutula.
Yumukod kahit paano sa halaga ng taraha sa oras
na kailangang magkaroskas ang tubo ng tubig.
(Ewan kung bakit tila lumalabas sa aking mga daliri
ang mga kataga, gayong wala sa dugo ang pagtula.)
Dinamdam iyon ng aking Lolo dahil hindi ko namana
ang kaniyang husay sa pagtatayo ng mga bahay;
tila ba may angking agimat siyang ibig ipasa sa akin
ngunit marupok ako para sa ritwal ng pagsasalin.
Hindi nagtagal, yumao siyang lumuluha.
Ako ang gumamit ng kaniyang pala sa paghuhukay
ng libingan, at mag-isang nagradela ng semento sa nitso.
Sa pantikan.com.ph ay itunuring nilang tula ito ngunit sa istruktura lamang ito naging tula. Ito ay isang kuwento na pilit pinagmukhang tula. mahusay ang pagkakalikha ng imahe ng isang makatang nagpilit maging karpintero pero ang akdang ito ay hindi tula. Isa itong maikling kuwento.
Ang totoo, sino ako para husgahan ang akdang ito samantalang hindi naman ako saksi sa karanasan ng may akda. Sino ako para sabihing hindi tula ang akda samantalang mismong ang may akda ang naniniwalang nakalikha siya ng isang tula.
Bilang paglalagom, gaano man kapayak o kahusay ang isang akda ay sagrado ito para sa may likha. Tulad ito ng isang anak na palaging pinakamaganda para sa mata ng kanyang mga magulang. Ito ang hindi nauunawaan ng mga gaya nina Añonuevo, Coroza at iba pa na kapintasan lamang ng akda ng iba ang nakikita at hindi marunong pumuri o humanga sa akda ng iba.
Sa kaso ni San Juan, mahalaga ang esensiya ng kanyang tula. Kung sumablay man sa sukat at tugma, pagkakamali na iyon ng mga hurado na dapat pa ring irespeto dahil sa sila ang hurado. Kung talagang kagalingan ng panitikang Filipino ang layunin ng mga taga- LIRA, tumulong kayo sa pagbuo at hindi sa pagwasak. Huwag kayong maging hambog at mayabang sapagkat ang mga parangal na inyong natamo ay dekorasyon lamang.
Sa paghalik ng ating mga bangkay sa ilalim ng lupa, ang mga naiwan nating akda sa mundo ay dalawa lamang ang patutunguhan: ang mapalimbag sa inaalikabok na aklat o ang maging kabahagi ng pakikibaka para sa tunay na kalayaan ng bayan.
Mabuhay ang Pantikang Filipino!
LikeLike
Walang pormalistang makata, G. Jun Panganiban Austria, gaya lamang na walang Marxistang Makata. Ang tunay na makata ay hindi nagpapakahon sa mga taguri, dahil kung gayon, nililimitahan niya ang saklaw ng kaniyang guniguni at pagdulog hinggil sa pagtula. At ang pagsulat ng tula ay higit sa “dekorasyon at paglalaro ng mga salita.” Kung naglalaro man ng mga salita ang makata, ito ay maaaring may kaugnayan sa lawak ng kaniyang eksperimentasyon; at dapat tingnan bilang bahagi ng kalipunan ng mga tula sa isang aklat.
May iba’t ibang anyo ng tula, at hindi sapat na “unahin ang esensiya bago porma” sa pagbasa ng tula. Panahon pa ng kopong-kopong ang lente ng iyong pagbasa, at dapat nang iwaksi. Para kang guro na pumipiga ng “moral lesson” sa tula kahit hindi kailangan.
Marami kang angal sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) ngunit sa aking palagay ay higit na bunga ng prehuwisyo at inggit kaysa tunay na pagkakakilala sa ubod ng grupo. Hindi ko na ipagtatanggol ang LIRA, at naniniwala akong kaya ng mga kasapi nito na sagutin at buwagin ang lahat ng maling paratang mo sa kanilang hanay.
Walang kaugnayan ang aking tula sa pagbusisi sa tula ni David Michael M. San Juan ngunit inililihis mo roon ang iyong pangangatwiran.
At sinipi mo na rin lang ang aking tula, sana’y pinabulaanan mo ang unang kritika ng yumaong kritikong si S.V. Epistola sa aking tula na lumabas noon sa isang pahayagang Ingles. Kulang din ng mga linya ang iyong sinipi, at naging kawawa tuloy ang aking tula. Mainipin ang iyong pagbasa at hindi mo nauwaan ang singit at lilignan ng tula, at yamang nasa demokratikong lipunan tayo, malaya ang sinuman na magtaglay ng katangahan.
Kung babalikan ang berso ni San Juan, malabnaw kahit ang “esensiya” ng kaniyang tula, kung hihiramin ang iyong pamantayan, at siyang iwawaksi sa poskolonyal na pananaw. Anong kabansaan o kasaysayan ang mahuhugot mo sa kaniyang tula—na hindi alingawngaw lamang ng mga naunang tula noon? May sariwa ba siyang pagdulog para maitampok ang kabansaan na kaniyang iginigiit? Wala. Marupok na tulang pangkasaysayan ang akda ni San Juan, at parang naambunan kahit ng pamagat ng pinakabagong epiko ni Rio Alma. Malinaw ito, ngunit nagbubulag-bulagan ang mga hurado.
Kailangang baguhin din ng Komisyon sa Wikang Filipino ang paraan ng pagpili nito ng mga hurado. Panahon na para baguhin ang bulok na sistema sa naturang sangay ng gobyerno.
LikeLike
Bigyan natin ng pagkakataon na ang tula ay magkaroon ng sarili niyang ebolusyon batay sa kanyang kasalukuyang mambabasa at panahong dapat kasangkutan. Kung bakit patuloy na namamatay ang panulaan ay sa kadahilanang patuloy na inaari ng iilang makata sa toreng garing ang kanyang sining sa bakod ng kanyang makasarili at hambog na pagtanaw sa kabuluhan ng pagtula. Sang-ayon ako sa inyong punto na ang kodigo sa pagtula na itinakda ng kasaysayan at sinasabi ninyong nilabag ng mayorya sa nagsipagwagi sa talaang ginto ngayong taon ay dapat na pagyamanin at panatilihin. Ngunit sa aking pananaw , maraming kaparaanan upang pagyamanin at panatilihin ang isang kinagisnang kultura (gaya ng kodigo na sinasabi nyo) isang paraan na kaya nating isabay at iagapay sa pangangailangan ng nagbabago nating panahon at hindi lamang ikulong sa baul ng nakaraang hindi naman natin tangkang patayin bagkus lalong pahalagahan upang mailapit sa kalakhan ng ating mamamayan. Sa madaling salita, igalang natin ang anumang kaparaanan at pagpapakahulugan ng sinumang makata na ilako niya ang namamatay nating panulaan (na may sukat at tugma) sa perspektiba ng kasalukuyang panawagan ng pagkamakabayan at paglilingkod sa bayan. Isang kaparaanan at mapangahas mang pagtatangka na maituturing ng mga nasa loob ng kwadradong pag-iisip na mga maka-porma ay nagdudulot naman ng ganap na pagkakaisa sa labas ng namumulat na sambayanan. Huwag na nating pagtalunan ang porma dahil walang sinuman ang nagmamay-ari nyan, at walang katappusang sagutan ang magiging bunga ng ganitong tunggalian. Ang mahalaga sa puntong ito, ang panawagan, ang nilalaman at ang magiging bunga nito sa pagkilos ng samabayanan. Iyan ang tunay na pagtula, hindi pag-aari ng sinuman maliban sa sambayanan na siyang tumutunghay,nagpapasya at nagpapahalaga!
LikeLike
Para kang sirang plaka sa pagsasaad na “inaangkin ng mga makata sa toreng garing” ang panulaan, at ang ganitong opinyon ay dapat mong iwaksi dahil walang batayan.
Mag-aral ka muna hinggil sa ating panulaan, at pagkaraan ay bumalik ka rito, at sasagutin ko ang iyong mga tanong.
Kung ang mahalaga sa iyo sa pagsusuri ng tula ay “panawagan, ang nilalaman at ang magiging bunga nito sa pagkilos ng samabayanan [sic]” ay dapat maging propagandista ka imbes na makata. Ang tunay na makata ay hindi nagpapakahon sa ganiyang uri ng pangangatwiran.
LikeLike
nakakalungkot kung bakit laging idinadawit ang pangalan ng LIRA sa mga usaping ganito. Sa isang banda siguro’y maganda na rin dahil kinikilala ng mga kritiko nito ang taas ng pamantayan ng organisasyon. At siguro dahil sa mga hindi makatawid sa pagkilalang ito, kahit mga nananahimik na kasapi nito ay nauuntag ang malay kung nais ipagtanggol ang organisasyon. Ngunit hindi na marahil. Kayang panindigan kahit ng pangalan lamang ang mga pamantayan at panuntunan nito. Lumalayo lamang at lumilihis sa talagang punto ng usapan ang lahat. may nagkamali, may mali kaya may dapat ituwid, yun lamang. hindi batay sa kung kaninong pamantayan, kung hindi batay sa kung ano ang tama at matuwid.
LikeLike
Lumlitaw, G. Robert Añonuevo na nagkakaiba lamang tayo ng paniniwala pagdating sa kahulugan at tungkulin ng makata. Maaari ngang luma na ang ang paniniwalang humanap ng esensiya sa bawat akda subalit ito pa rin ang pinakamahalaga at sana ay mairespeto mo. Tama ka, ako nga ay isang guro at talagang bawat aralin na itinuturo ko ay hinanahapan ko ng katuturan at kongkretong apliksayon sa buhay.
Wala akong inggit o sama ng loob sa LIRA at katunayan ay kaibigan ko pa nga ang isa sa orihinal na kasaping si Danilo Gonzales. Nakadaupang palad ko na si sir Vim Nadera, si Bebang Siy at kahit ang makatang si Tata Fulinas at paghanga ang inani nila sa akin. Wala akong maling paratang sa LIRA liban sa ilang kasapi nito na tulad mo at ni Mike Coroza na grabeng manlait ng tula ng iba na para bang kayo na lamang ang pinakamhusay na makata sa Pilipinas. Sabagay, nauunawaan ko rin na kung ganyan ka man manuligsa ng tula ay may karapatan ka naman dahil alam mo ang sinasabi mo at marami ka nang napatunayan sa larangang ito.
Sabi mo, kinawawa ko ang tula mo. Hindi ko sinasadya iyon. Ang punto ko lamang naman ay ipaunawa sa iyo na sagrado ang tula at walang karapatan ang sinumang kritiko na sagad-sagarang hamakin ang obra ng iba. Para sa akin, ang mga tula ko ay supling ng aking diwa at kung may mga kapintasan man, handa ko pa ring ipagtanggol mula sa panghahamak ng iba. Para rumehistro na sa utak mo, ano ang mararamdaman mo kung ang isa sa anak mo ay inaapi ng kanyang kalaro, halimbwa ay binatukan. Di ba ipagtatanggol mo rin siya? Kung ipinahiya ng kanyang guro sa klase si Roberto Añonuevo Jr, di ba ipagtatanggol mo rin? Ang tula ng makata ay tulad ng anak. Kaya, kung ang akda ni David Michael San Juan ay salat man sa sining at esensiya, tama lamang na punahin ng isang kritiko na tulad mo ngunit hindi para hamakin. Sapagkat ang tula ni San Juan ay supling ng kanyang diwa, gaano man ito kakitid sa iyong paningin.
Naaawa ka sa iyong tula, nakakadama ka rin naman pala ng awa kaya dapat marunong rumespeto sa akda ng iba. Huwag maging mayabang at arogante dahil kahit maganda ang iyong layunin, nawawalang halaga dahil sa pamamaraan. Sobrang sensitibo ba ako? Hindi sapagkat tingnan mo kung papaano pumuna si Rio Alma, prangka pero may respeto pa rin sa kapwa makata. Nakikita ang mali pero may nakikita pa ring positibo.
“Kailangang baguhin din ng Komisyon sa Wikang Filipino ang paraan ng pagpili nito ng mga hurado. Panahon na para baguhin ang bulok na sistema sa naturang sangay ng gobyerno.” Ako ay lubos na sumasang-ayon sa iyo dito. Wala naman akong intensyong makipag-away sa iyo at ang nagaganap ay palitan lamang ng pananaw. Palagay ko naman ay iisa pa rin ang ating layunin: ang paunlrin ang Panitikang Filipino, kaya’t “sa banggaan ng katwiran ay naroon ang demokrasya” (Amado V. Hernandez, Ibong Mandaragit).
Sasagutin ko na rin ang dating tanong ni Kiko Montesena na kung si Axel Pinpin lang ba ang makatang aktibista sa kasalukuyan. Ang sagot ay hindi. Marami at ang iba ay mga musikero ang nalikhang tula ay salamin ng nagaganap sa lipunan. Nariyan si Levy Abad (na kahit nasa Canada ay tuloy sa paglikha ng makabuluhang awit, tingnan na lang sa youtube) si Bobby Balingit ng WUDS, si Danny Fabella, Rustom Casia, Pia Montalban (na galing LIRA rin), Noel Sales) Alex Remolino ng KM64, beteranong muskerong sina Heber Bartolome, Jess Santiago, Chikoy Pura, Gary Granada at ang mga walang pangalang kasapi ng mga progresibong mga organisasyon na patuloy na nagmumulat sa masa. Ang mga tula/awit nila ay hindi tuwirang nagtutulak sa sambayanan na lumaban at mamundok ngunit instrumento sa pagmumulat ng sambayanan.
Panghuli, minsan ay magsasanga ang ating landas at pag nangyari iyon, ang nais kong pagsaluhan natin ay masayang kumustahan.
Mabuhay ang Panitikang Pilipino!
Maraming salamat.
LikeLike
Hindi ko nais makipag-away sa iyo, ngunit hindi ko nagustuhan ang linya ng iyong pangangatwiran. Ang tinalakay ko sa aking munting kritika at sinegundahan ni Virgilio S. Almario ay hinggil sa kahinaan ng tula ni David Michael M. San Juan. Ang problema sa iyo, inililihis mo ang iyong pangangatwiran sa aking tula kapag hindi mapabulaanan ang aking mga puna sa tula ni San Juan.
Ibig ko ring iparating sa iyo, na matuto kang sumipi ng tula. Sinipi mo ang aking tula nang kulang ang mga linya, at ni hindi naipaliwanag o nabigyan ng hustiya man lamang ang salimuot ng pananalinghaga niyon.
At kung magsusuri ka ng tula, maibubukod mo ang tula sa katauhan ng makata. Hindi kinakailangang ituring ang tula na anak lagi ng makata, dahil ang tula sa oras na mailathala, ay nagkakaroon ng sariling katauhan at ito ang dapat pag-aralan. Kung nais mong pag-aralan ang buhay ng makata, ibang usapan na iyan at maaaring dumako sa maipapalagay na pampanitikang tsismis o mito.
Iginagalang ko kung “esensiya” ng tula pa rin ang hanap mo, at hindi kita mapipigil sa ganiyang paniniwala. Ngunit yamang isa kang guro, responsabilidad mong pag-aralan ang lawak at lalim ng panulaang Filipino, dahil maaaring nagsasalin ka ng mga kulang kung hindi man maling impormasyon sa iyong mga estudyante.
Ipagpaumanhin kung mabagsik akong magsuri kung tula ang pinag-uusapan. Pihikan ang aking panlasa pagsapit sa tula, na hindi matutumbasan ng samplatitong mani at isang kaha ng serbesa.
LikeLike
hindi ko yata matandaan na nagtanong ako kung si Axel lamang ang kasalukuyang aktibistang makata. miyembro din po ako ng km64 at kilala ko lahat ng inilista nyong pangalan dahil tumutula din ako ng ganitong uri kung kinakailangan ng panahon at ng paglaban.
LikeLike
Makikipag-away na ako.
Punyeta!
Hindi dapat ipinagtatanggol ang pagiging Makata ng Taon lalo na ng Makata ng Taon mismo. Kung may pumuna sa akda ng idineklarang Makata ng Taon, hindi ang Makata ng Taon mismo ang dapat magtanggol sa kanyang sarili. Kung gano’n ang mangyayari, ano ang kaibahan ng Makata ng Taon kay Cecille Guidote Alvarez o Carlo J. Caparas?
Tutal, hindi rin lang maintindihan ng mga sumasagot sa puna ang mga pinagsasabi nila, sasabihin ko na ang opinyon ko nang walang pormalista ek marxista ek chorva chenez–
Para sa akin, pangit ang tula ni San Juan, kahit saang anggulo ko tingnan. At punyeta, wala siyang pakialam kung pangit ang basa ko rito. Basta pangit.
LikeLike
Mamemersonal na ako dahil nayayabangan na ako dito kay San Juan. Pangit ang tula mo. Pangit! Pangit! Pangit!
Ngayon, kung gusto mo pa ring ipagtanggol ang pangit mong tula, bahala ka sa buhay mo.
Basta pangit! Pangit! Pangit!
Kainis.
LikeLike
hala,ang puso mo sir jerry! ingatan ang kalusugan at wag padaig sa mga ganitong komentaryo.
LikeLike
Isa po akong estudyante at hindi ko naman talaga maintindihan ang tula no G. SAN jUAN–PATAWARIN.Masyadong tradisyunal. Natutuwa akong magbasa ng inyong mga kritiko, higit na nakatulong. Ang alam ko lamang, lahat tayo ay may karapatang tumula, ngunit isaalang-alang din ang pagiging malikhain ng ilang manunula sa makabagong panahon.
LikeLike