salin ng tatlong tula ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.
Awit sa mga Dalaginding
A song about girls
Palagós sa lungsod ang dakilang ilog,
at taglay ang pitong tulay;
libong dalaginding ang bakás sa baybay
at iba-iba ang hubog.
Maalab ang palad ng dibdib sa dibdib
sa pag-ibig na may apoy;
libong dalaginding ang muling lumusong,
hawig lahat kung tumitig.
Pilosopiya
Philosophy
Tandaan ang winika ng mga pilosopo:
Ang búhay ay kay-bilis lumipas.
Tuwing hinihintay natin ang mga kasintahan
ang kisapmata’y walang hanggan.
Nobyembre 1918
November 1918
Sa alaala ni Guillaume Apollinaire
Taglagas noon. Sinakop ng banyagang hukbo
ang mga dalisdis ng ubasan, ipinuwesto
ang mga riple sa mga baging na tila pugad,
at iniumang sa mga suso ni Giaconda.
Nakita namin ang naghihikahos na lupain,
mga kawal na walang binti o kamay
ngunit hindi nagmamaliw ang pag-asa,
ang pintuan ng moog ay bumubukas-bukas.
Simoy-pabango ang otonyong langit: sa ibaba
ang lungsod na kimkim ang sakiting makata,
ang bintana sa isang panggabing araw.
Heto ang helmet, ang espada, at ang baril.
Totoong sa lungsod na ito ako isinilang,
ang mga ilog nito’y umaagos nang pasuray-suray;
ngunit minsan, sa ilalim ng tulay ako’y napaluha:
ang pipa, panulat, at singsing ang kipkip ko.
Ang mga impakto sa bubungan ng katedral
ay isinusuka ang basura pababa sa mga alulod,
nakatungo sila pausli sa tuktok ng kornisa’t
pinabaho at dinungisan ng dumi ng kalapati.
Tumunog ang kampana, nahulog ang mga notang
bronse, ngunit sa sandaling ito na walang pag-asa
ay dapat tumawid ang korteho ng punerarya
doon sa mga lansangan ng Montparnasse.
Nagwika ang mga kilapsaw ng ilog sa mga ibon,
at ang mga ibon ay lumipad para sabihin sa ulap
at hinimig ang balita tungo sa kaitaasan:
hindi nagpakita ang mga bituin nang gabing iyon.
At ang Paris, na tumindig, ang Lungsod ng Liwanag,
ay nagtalukbong sa kay-lalim, kay-itim na magdamag.