Ang Nagsasalitang Unggoy, o ang Hula, ni Nanos Valaoritis

Salin ng “The Talking Ape, or the The Prophecy,” ni Nanos Valaoritis ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Nagsasalitang Unggoy, o ang Hula

. . . . . . .Maraming kaso ng malawakang deliryo na iniulat sa Pakistan—na wari’y likás lamang sa ipinapalagay na papaunlad at primitibong bansa—ang parehong penomenong naulit sa mahigpit na rasyonalistang Olanda, na may sanligang Calvinista-Leterano ang timpla at pinakasentro ng Amsterdam, at siyang bumakla sa mga mulagat na tagapakinig. Oo, ang unggoy na iyon ay nakapagsasalita gaya ng tao, at hindi lamang nakauusal ng mga salita ng tao, bagkus nakapaglalahad ng mga kagila-gilalas na bagay, mahihiwagang hula sa hinaharap, mga tunog na simboliko at malabo gaya ng orakulo ng Delfos, sa sinumang ibig magtanong.

. . . . . . .Ang may-ari ng unggoy, na isang marinero mula sa dating India Olandesa, may lahing anak ng puta na kalahating Ewropeo at kalahating Indo-Tsino, na unang inakalang bentriloko—ngunit nang isinagawa ang malulubhang eksperimento sa mga antropolohikong laboratoryo at sa Kawanihan ng Saliksik Sikiko, nagulantang ang mauutak at mayayamang tao. Hindi lámang nakapagsasalita ang unggoy kahit wala ang kaniyang amo, bagkus nakapagbubunyag pa ng mga teribleng lihim mula sa mga pribadong buhay ng matatalino’t eksperimentalistang propesor, na pagkaraan ay iniwan ang kanilang saliksik dahil sa sindak at inihayag na di-maipaliwanag ang penomenon. Nagbalik sa kaniyang amo ang masayang unggoy, na pagkaraan niyon ay ipinagpatuloy nang walang pagkabalam ang kaniyang nakagawiang gawain.

. . . . . . .At gayon na nga sana ang lahat, kung hindi lámang aksidenteng napanood ng isang eleganteng manamit na ginoo ang palabas, at nilapitan ang amo taglay ang isang lukratibong alok na hindi matatanggihan ninuman. Tinanggap agad ng marinero ang alok, at walang kaabog-abog na sinundan ang ginoo pagkaraan ng palabas. Mula nang araw na iyon, hindi na muling nasilayan ang unggoy o ang kaniyang amo. Gayunman, may isang pambihirang pangyayari ang muling naganap. Ang dáting may katamtamang yaman na kompanyang Adams & Co., na gumagawa ng mga banyo at iba pang muwebles ng bahay (lababo, hugasán ng kamay, atbp.) ay bigla at misteryosong yumaman at sinimulang bilhin ang mga katunggali nito, na di-naglaon ay naghunos tungo sa pagiging higanteng monopolyo. Isinakatuparan siyempre ang mga imbestigasyon, at ang mga pribadong mata ng mga nakikipagtagisang kompanya ay natuklasang ang mga kompanya ay minamanduhan mula sa isang lihim na himpilan, nakatago sa kailaliman ng bago’t maringal na mansiyon, at doon ang unggoy na hinahanap ay nagpapadala ng kaniyang atas sa pamamagitan ng telepono. Nangagitla, ang mga industriyalista’y hiniling sa Gobyerno ang kalayaang sakupin ang mansiyon at wakasan ang eskandalo. Gayunman, nabigong makapagpasiya ang Gobyerno. Ang malaking bahagi ng gawaing pampananalapi ng bansa ay nakasalalay sa bagong kredito, at payak at kategoriko ang batas: ang asilo ng pribadong inisyatiba ay hindi maaaring labagin nang walang sanhing legal. Gayon nga ang nangyari. Pagkaraan, nagsimulang mamili ang kompanya, hindi lámang ng mga sapi ng ibang tagagawa ng mga pambahay na kasangkapan, bagkus maging ng bawat pribadong kompanya sa bansa. Napoot ang malalaki at maliliit na negosyante at nagtulungan upang wakasan ang hinaharap na panganib. Isa sa kanila ay tinustusan ang kudeta na pinamumunuan ng dáting heneral na kilala bilang Rudolf (ang tsismis ay siya ang anak sa labás ng kung sinong prinsipe ng Hanover). Nagtagumpay ang kudeta at, sa loob ng magdamag ay nailuklok sa wakas ang Hari, ang Punong Ministro, at ang Gobyerno ng Olanda nang walang pagdanak ng dugo.

. . . . . . .Sa madali’t salita, naitatag ang diktadura. Iniutos ng mga bagong awtoridad ang paghamig ng mga puhunan, at inangkin ng bagong kompanya ang misteryosong mansiyon. Ni walang pumalag sa pagsalakay; ngunit walang natagpuan ang mga lumusob. Ang Unggoy, ang Marinero, ang anumang pinagsuspetsahan, ay hindi natagpuan. Ang tanging masesetipikahan lámang ay lahat ng libro de bangko ng kompanya ay tumpak lahat—at ang paglago nito ay sanhi ng mahusay na pangangasiwa. Pagkaraan nito, isang kontra-rebolusyon ang nagpanumbalik sa serbisyo ng Reyna at sa dating demokratikong gobyerno; hindi nagtagal, ang Olanda ay pinamunuan ng dambuhalang pribadong monopolyo na may mahiwagang kapangyarihan at ugat. Upang hindi mabató ang mambabasa’y hindi na ako magpapalawig pa. Gaya ng inyong hula—tumpak ang pulisya noong una pa man.

. . . . . . .Ang unggoy, na henyong negosyante, ang nagpapatakbo at nagsasagawa ng mga pagbili at iba pang pampinansiyang negosyo nang taglay ang malinaw na bisyon, bukod sa masasabing propetikong talisik, at walang sinuman ang káyang lumaban sa kaniya sa larang ng pananalapi.

. . . . . . .Ngunit isang araw, nagsimulang malugi ang negosyo, at unti-unting humina ang kompanya, hanggang sa laki ng utang, ay naipasa sa mga kamay ng matatandang negosyante. Sa yugtong ito, nagkumahog silang imbestigahan ang mga sótano. Ngunit ni walang bakás ng unggoy. Nang usisain hinggil sa gayong bagay, ang anak ng Direktor ng kompanyang Adams & Co. ay tumugon na umalis ang kaniyang ama bago ang pagsisiyasat, at sinamahan ng marinero at ng kaniyang unggoy, tungo sa isang pulo sa Pasipiko. Ipinabatid iyon sa Interpol. Ang ulat ng mga ahente ay nagbunyag na may isang maliit na pulong Rao-Raratea, na may sinaunang templo, na ayon sa mga testimonya ng mga katutubo, ay kinaroroonan ng isang anitong unggoy na nakahuhula sa hinaharap. Sinamba siya ng mga katutubo at kinilalang sagradong demonyo at hinandugan ng maraming bagay upang papurihan siya, di-alintana kung hindi man maunawaan nang lubos ang mga inuusal nitong salitang Olandes. (Diumano, ang marinero at si G. Adams Sr. ay matagal nang nagpatiwakal.) Ngayon ay kinakailangan kong isalin sa inyo ang mga salitang paulit-ulit na binibigkas nang walang katapusan ng unggoy—dahil sa sukdulan nitong halaga: “Mag-ingat, magtago, o, mga tao, hayop, isda, at ibon, napipintong sumiklab ang atomikong digmaan.” Subalit ang mga inosenteng katutubo’y malugod pang sinamba ang kanilang anito, ang kanilang sariling nakaaakit, nakapagsasalita, at nakapanghuhulang unggoy.

Alimbukad: Poetry unstoppable

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.