Salin ng “The Place Within,” ni Papa Juan Pablo II (Karol Wojtyla)
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Puwesto sa Kalooban
. . . . . . .Nasa iyo ang aking puwesto, ang iyong puwesto ay nasa akin. Ngunit ito ang puwesto ng lahat ng tao. At hindi ako napabababà nila sa puwestong ito. Nakahihigit ako nang mag-isa—nakahihigit kung wala nang iba pa—nag-iisa ang katauhan. Gayundin, ako ay napararami nila sa Krus na nakatindig sa lugar na ito. Ang pagpaparaming ito nang hindi nababawasan ay nananatiling misteryo: ang Krus ay sumasalungat sa agos. At doon, marami ang umuurong sa harap ng Tao.
. . . . . . .Para sa iyo—paanong naging ganap ang Krus?
. . . . . . .Ngayon, hayaang maglakad tayo sa makikitid na baitang na tila ba tunel na naglalagos sa dingding. Silang naglakad sa dahilig ay huminto sa pook na kinaroroonan ng láha. Hinirang ang iyong katawan at isinilid sa libingan. Sa pamamagitan ng iyong katawan ay nagkaroon ka ng lugar sa mundo, ang papalabas na pook ng katawan na ipinagpalit mo para sa pook sa kalooban, at nagwika: “Kunin ninyong lahat ito at kainin.”
. . . . . . .Ang radyasyon ng gayong lugar sa kalooban ay kaugnay ng lahat ng papalabas na pook sa Mundo na dinaluhan ko sa peregrinasyon. Pinili mo ang lugar na ito ilang siglo na ang nakalilipas—ang pook na ibinigay mo ang iyong sarili at tinanggap ako.