Salin ng ghazal ni Imadeddin Nasimi ng Azerbaijan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ako
Nagkahugis ako na maging Maykapal, ako ang Maykapal,
Ang sukdulang diwa, salita ng Diyos, at sagradong Koran.
Ako ang nagwika ng lihim ng buról na lukob ng apoy,
Apoy ni Abraham. Ako rin si Moses, at ako ang Imran.
At ako si Hesus, at ang Alejandro, at ang matang-tubig.
Kung taglay ko itong walang hanggang búhay, ako itong búhay,
Ang dagat ay ako, ako ang baybayin. Ako rin ang perlas,
Ako ang takupis, ang mutya ng dagat at ng karagatan.
Ako ang isipan at ang kagandahan, katangian, mithi.
Mangingibig ako, ako ang larawang kinahumalingan.
Ako ang karimlan. Kamatayan ako. Supling. Pagkawasak.
Baha ng suwail. At ako si Nóah na pinánalígan.
Ako ang balsamo at ako ang doktor, ang kirot, ang gamot.
Ako ang maydusa, ako ang ginhawa sa nararamdaman!